Biyernes, Setyembre 30, 2016

Hustisya sa mga obrerong pinaslang

HUSTISYA SA MGA OBRERONG PINASLANG

mga lider-manggagawa ang ngayo'y tinutudla
nakapopoot ang maaga nilang pagkawala
buhay nila'y kinalawit ng sinumang kuhila
mga rampador kaya'y masasaya sa ginawa?

hustisya, hustisya sa mga obrerong pinaslang!
sila ba'y mga nadamay lamang sa oplan tukhang?
bakit biniktima ng mga kaluluwang halang?
sinong uusigin? bakit buhay nila'y inutang?

ito na ba'y hibo ng nagbabantang diktadurya?
sinimulan sa droga'y iba nang pinupuntirya?
nakababahala baka sunod na'y aktibista
sapagkat prinsipyado't pasimuno ng protesta

tamang walisin ang droga, ngunit hindi ang tao
sinuman sa madla'y idaan sa tamang proseso
bawat karapatang pantao'y dapat irespeto
katarungan sa mga biktima't lider-obrero!

- gregbituinjr./093016

* rampador - salitang pabalbal sa mga nagsa-salvage (o pumapaslang)

* inihandang tula para sa rali ng grupong iDefend sa kanto ng Kalayaan Ave. at Elliptical Road, tapat ng PNB at QC Memorial Circle, Setyembre 30, 2016, sa pagtatapos ng Peace Month o Buwan ng Kapayapaan 

Maraming salamat, Ka Max De Mesa

MARAMING SALAMAT, KA MAX DE MESA

maraming salamat po, O, Ka Max de Mesa
kasama ng marami sa pakikibaka
sa karapatang pantao nga'y moog ka na
isa kang dakilang inspirasyon sa masa

sa marami sa amin ay di nalilingid
na ipinaglaban mo kung anong matuwid
karapatang pantao'y iyong pinabatid
sa madla’t hinarap ang kayraming balakid

salamat sa prinsipyo mong isinabuhay
salamat sa mga karapatang binaybay
salamat sa bawat pakikibakang tunay
salamat sa buhay mong sa bayan inalay

sadyang napakakulay ng buhay mong buo
sa iyo'y maraming aral kaming nahango
kami rito'y nagpupugay ng taospuso
O, Ka Max de Mesa, maraming salamat po

- gregbituinjr./093016

* pakimakas - eulogy


Huwebes, Setyembre 29, 2016

Nagdugo ang puso ng bayan

NAGDUGO ANG PUSO NG BAYAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

nagpapatuloy ang bangayan
nitong mga trapong haragan
laway nila'y nagtilamsikan
sa hamog ng katiwalian
nagdugo ang puso ng bayan

bayan pa kaya'y magtitiis
sa kanilang pagbubungisngis
pulos pait, wala nang tamis
ang dama nitong nagpapawis
dusa'y kailan mapapalis

Miyerkules, Setyembre 28, 2016

Sino kayang uusig

sino kayang uusig
sa mga nanligalig
sa dalitang sangkahig
santuka sa kamalig
- gregbituinjr.

Ang ilong mo'y uusok

ang galit mo'y puputok
ang ilong mo'y uusok
lalo't iyong naarok
na namumuno'y bugok
naghahari sa tuktok
ng sistemang bulok
laging may nakatutok
at pinabubulusok

- gregbituinjr.

Martes, Setyembre 27, 2016

Sa ika-31 anibersaryo ng BALAY

SA IKA-31 ANIBERSARYO NG BALAY

Sa ikatatlumpu't isang / anibersaryo ng BALAY
Ang inihahatid ko po'y / taospusong pagpupugay
Nais ko pong ibahagi / ang munti kong pagninilay
Sa anibersaryong tigib / ng pagkakaisa't tibay

Mga nabilanggo'y inyong / tinulungan mula noon
Mula sa mga piitan / tungong rehabilitasyon
Hanggang sila'y makalaya, / tinulungang makaahon
Pati biktima ng digma'y / ginabayang makabangon

Mga biktima ng tortyur / ay hindi pinabayaan
Mga kinulong, sinaktan, / sinakmal ng karahasan
Masugid na tinaguyod / ang pantaong karapatan
Pati na pagkakaroon / ng makataong lipunan

Kapara ninyo'y bayaning / ang hangad ay pagbabago
Matinik man ang landasin, / dala'y dakilang prinsipyo
Kapayapaan, paglaya, / pakikipagkapwa-tao
Pag-unlad ng kakayahan, / O, Balay! Mabuhay kayo!

Hangga't bulok ang sistema / tuloy ang pakikibaka
Sa pagbubukangliwayway / tanaw pa rin ang pag-asa
Huwag kayong patitinag / sa mararahas na pwersa
Panghawakan ang prinsipyo't / lakas ng pagkakaisa

- gregbituinjr./092716

Lunes, Setyembre 26, 2016

Bawat inaning palay ay butil ng buhay

bawat inaning palay ay butil ng buhay
kaya dapat itong pangalagaang tunay
yaong mga nagtatanim ng gintong palay
ay laging alalahanin pag dumidighay

ang magsasakang lumilikha ng pagkain
ay bakit mahirap, minsan walang makain
dapat sila ang yumaman at dakilain
ngunit sila pa ang dukha sa bansa natin

pagkat di naman sila ang nagmamay-ari
ng lupang sinasaka, kundi ibang uri
pagkat ang lintik na pribadong pag-aari
ang kasangkapan ng mga mapang-aglahi

bayani silang mga nagsaka sa lupa
pagpugayan pagkat tunay silang dakila

- gregbituinjr.

Linggo, Setyembre 25, 2016

Boyet Mijares, 16

BOYET MIJARES, 16

ang nawawalang ama'y hinahanap ng pamilya
at kay Boyet, ama niya'y laging naaalala
ah, nasaan na kaya ang butihin niyang ama
bakit wala? nangibang-bayan ba? saan nagpunta?

amang si Primitivo, manunulat, palaisip
ang nagsulat ng aklat na "Conjugal Dictatorship"
hinggil sa mag-asawang Marcos, istoryang nahagip
ngunit pagkawala ng ama'y di niya malirip

labing-anim na taon lang siya noon, bagito
nang nakatanggap ng isang tawag sa telepono
kanyang ama'y buhay pa raw, sa kanya'y sabi nito
kung nais makita'y makipagkita siya rito

subalit di na nakauwi si Boyet sa bahay
ilang araw pa'y natagpuan siyang walang buhay
tinortyur, itinapon,malamig na siyang bangkay
talagang katawan niya't pagkatao'y niluray

bansa'y nasa batas-militar nang panahong iyon
nang si Boyet Mijares ay kinuha, hinandulong
nakapanginginig ng laman ang nagyaring yaon
hustisya'y nahan? hustisya para sa batang iyon!

- gregbituinjr.

datos mula sa http://www.rappler.com/views/imho/106827-martial-law-stories-hear

Archimedes Trajano, 21

ARCHIMEDES TRAJANO, 21

noong batas-militar, masamâ palang magtanong
lalo na't sa anak ng diktador sa open forum
sinong nagkamali: ang nagtanong o ang tinanong?
upang matinding karahasan ang agad itugon

nagtanong ang kabataang Archimedes Trajano
bakit daw si Imee ang pambansang tagapangulo
ng Kabataang Barangay, pinamunuan ito
nairita si Imee, tanong man niya'y balido

mga tao ni Imee'y dinaluhong siyang bigla
binitbit palabas, binugbog siya't natulala
anong rahas na itinapon siya sa bintana
nagtanong lamang ay kamatayan ang itinudla

ang gayong panahon ay di na dapat maibalik
kung saan kawalanghiyaan ang inihahasik
karapatang pantao sa puso'y dapat ititik
at sa kawalang hustisya'y di dapat tumahimik

- gregbituinjr.

mula sa http://www.rappler.com/views/imho/106827-martial-law-stories-hear
https://tl.wikipedia.org/wiki/Archimedes_Trajano

Sabado, Setyembre 24, 2016

Dadalawang dipa lamang

DADALAWANG DIPA LAMANG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

dadalawang dipa lamang
ang mundo kong parisukat
subalit kulang sa timbang
pagkat daigdig ko'y salat

Miyerkules, Setyembre 21, 2016

Tapang at pananakit

TAPANG AT PANANAKIT

libu-libong buhay ang tinuring na walang kwenta
sadya nilang ipinakita ang tapang sa masa
pananakit at pagpaslang, kayrami nang binira
at nawalan ng minamahal ang laksang pamilya

bakit biglang nag-iba ang tapang at malasakit
naging tapang at pananakit, ah, napakalupit
sa malasakit, mala-mala lang ba'y ikinabit
subalit ibang pakahulugan ang ipinuslit

budhi ba ng manonokhang ay nasusundot-sundot
o baka wala na silang budhing madadalirot
adhikain lang ba nilang kriminal ay matakot
o sila'y mga kriminal ding dulot ay hilakbot

walang proseso, walang proseso, ano pang hakbang
walang proseso, itigil na iyang panonokhang
walang proseso, ipinapakita lang ay tapang
sila ba'y diyos na buhay ng iba'y pinapaslang

- gregbituinjr.

Martes, Setyembre 20, 2016

Ang manonokbang

ANG MANONOKBANG

tila manok lang ang kanilang pinapaslang
ganyang ang gawain ng mga manonokbang
may gilit sa leeg ang manok na hinarang
katawan ay parang pinulbos ng tikbalang

kaya huwag kang pagala-gala sa gabi
baka mapagkamalan ka't agad magsisi
sa manonokbang, hahandusay ka sa tabi
ang masakit, walang sinumang nakasaksi

manonokbang ay kapara ng manananggal
tila banal sa araw, sa gabi'y pusakal
animo'y dagang naglalaway sa imburnal
at sa gabi'y papaslang ng sugapang hangal

manonokbang ay tunay ngang salot sa manok
hilig nilang kaninumang pinto'y totoktok
at mga tingga'y agad nilang ipuputok
mag-ingat kayo't sira ang kanilang tuktok

- gregbituinjr.

Lunes, Setyembre 19, 2016

Buhay na nilagot ng punglo

BUHAY NA NILAGOT NG PUNGLO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

(sa alaala ni Ka Lean Alejandro)

sinakbibi ng lungkot at galit ang sambayanan
nang pinuti ang buhay ng isang lider ng bayan
tila baga nagsaklob ang langit at kalupaan
sadyang dinurog ang puso't katauhan ng bayan

buhay niyang malaya'y bakit punglo ang lumagot
sa kanyang sakripisyo'y bakit dugo ang bumalot
nangarap siya't sa pakikibaka'y pumalaot
upang kamtin ng bayan ang paglaya, di bangungot

ah, di dapat nagwakas na lamang sa isang iglap
ang buhay ni Lean na punung-puno ng pangarap
subalit dapat ituloy ang misyon niyang ganap
at upang ito'y matamo, tayo'y dapat magsikap

ituloy ang laban ni Ka Lean, ituloy natin
kahit baku-bako man ang landas na tatahakin
lipunang pantay-pantay ay atin ding pangarapin
sa sama-samang pagkilos, tagumpay ay kakamtin

Kaydaling sabihin, kayhirap gawin

KAYDALING SABIHIN, KAYHIRAP GAWIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

kaydaling sabihin ng mga bagay sa isipan
at kaydaling makinig sa payo ng kaibigan
subalit puso'y di natin basta nauutusan
ni anumang nasa utak ay basta gawin na lang
kahit na sa sarili'y may matinding kumbinsihan

Lunes, Setyembre 12, 2016

Anila'y kabuhayan, hindi karahasan

anila'y kabuhayan, hindi karahasan
demolisyon sa kanila'y di kasagutan
laban nila'y nakapanginginig ng laman
kaya ako'y nakiisa agad sa laban

pagkat hindi naman krimen ang pagtitinda
at marangal na naghahanapbuhay sila
sa pamahalaan nga ba sila'y problema
o problema'y mismong pamahalaan nila

magbenta ba sa bangketa'y gawang kriminal
gayong naghahanapbuhay silang marangal
pinuhunan nila'y di pinulot sa kanal
kundi ang munting kita ang kinakapital

isusukli ba sa kanila'y dusa't luha
gayong nabubuhay sa sariling paggawa
marangal ang gawain kahit sila'y dukha
nagtitiis sa lipunang kasumpa-sumpa

- tula't litrato ni gregbituinjr.

Linggo, Setyembre 11, 2016

Ako'y kaisa sa laban ng mga manininda

ako'y kaisa sa laban ng mga manininda
upang ipagtanggol ang kabuhayan sa bangketa
alam mo ba kung bakit ako'y kanilang kaisa?
dahil naghahanapbuhay silang marangal, di ba?

pakikibaka nila'y tunay na nakaaantig
dama mong sa pamilya'y punumpuno ng pag-ibig
anong mahihita mo kung sa kalaban pumanig
wala kundi isa ka rin sa mga mapanlupig

kabuhayan nila'y tama lamang na ipaglaban
upang pamilya'y hindi dumanas ng kagutuman
hindi sila nagnakaw, bagkus nagtitinda naman
kaya tama lang kabuhayan nila'y depensahan

- gregbituinjr.

Sabado, Setyembre 10, 2016

Soneto sa mga vendor ng Philcoa

SONETO SA MGA VENDOR NG PHILCOA

saksi ako sa pagyurak sa inyong karapatan
tinanggalan nila kayo ng inyong kabuhayan

bakit ba inalisan kayo ng ikabubuhay
marangal naman ang pagtitinda upang mabuhay

ang bituka ninyong dukha ay ano bang kaibhan
sa bituka ng mga elitistang mayayaman

nakasisikip nga ba kayo sa bangketa't lansangan
gayong pwesto nyo'y ilalim ng tulay, di daanan

o sadyang kaybaba lang ng tingin nila sa dukha
marumi sa kanilang mata at dapat mawala

subalit may karapatan kayo, O, manininda
karapatan nyong mabuhay, lumaban, makibaka

ipagtanggol ang inyong dangal at ikabubuhay
di nyo karapatang magutom, basta lang mamatay

- gregbituinjr.

Biyernes, Setyembre 9, 2016

Biktima ng kumpetisyon ng kapitalista

BINIKTIMA NG KUMPETISYON NG KAPITALISTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Sa kumpetisyon nitong kapitalistang kuhila
Pababaan sila ng presyo ng lakas-paggawa
Tila mga makina ang turing sa manggagawa
Basta lakas-paggawa nitong obrero’y mapiga

Ganyan nga, ganyan ang nangyayari sa kumpetisyon
Ng mga nagtataguyod ng kontraktwalisasyon
Na karapatan ng obrero’y tuluyang nilamon
Ng kapitalistang sa laksa-laksang tubo gumon

Kawawang manggagawa, inapi ng ibang uri
Habang uri nila’y di maorganisa sa mithi
Na itayo yaong lipunang walang naghahari
At di na umiiral ang pribadong pag-aari

Sinasagpang ng kapitalista ang isa’t isa
Habang yaong mga obrero animo’y makina
Tao ang manggagawa, taong di dapat madusta
Ng sinumang tao, kahit ito'y kapitalista

Mangyari sana’y pandaigdigang kooperasyon
Ng uring manggagawa sa lahat ng lupa’t nasyon
Kung kinakailangan, maglunsad ng rebolusyon
Upang wakasan ang kapitalistang kumpetisyon

Martes, Setyembre 6, 2016

Maligayang Kaarawan Po, Inay

MALIGAYANG KAARAWAN PO, INAY
06 Setyembre 2016

maligayang kaarawan po, inay
aral nyo po'y sinasapusong tunay
kaming anak nyo'y bumabating sabay
sana'y humaba pa ang inyong buhay
pitong dekadang mga karanasan
binahaging aral ay natutunan
upang gumanda ang kinabukasan
para sa pamilya, anak at bayan
aral ninyo'y gabay sa aming landas
mga payong dala namin sa bukas
ang hiling po naming tunay at wagas
sana'y manatili kayong malakas

- gregbituinjr.

Lunes, Setyembre 5, 2016

Ang di marunong gumalang sa karapatan

ang di marunong gumalang sa karapatan
ay taong may sungay at buntot sa puwitan
laging nasa isip ay sinong masasagpang
at paanong sa iba'y makapanlalamang

pag sa karapatan ay di rumirespeto
kagaya siya ng hunyangong pulitiko
tingin sa paglilingkod ay isang negosyo
tubo ang nasa isip, di ang kapwa tao

pag karapatang pantao'y binalewala
ng mismong namumuno pa ng ating bansa
kalagayan ng madla'y sadyang lumalala
ang mga ganitong tao'y kasumpa-sumpa

- gregbituinjr.

Linggo, Setyembre 4, 2016

Nakakatakot ang gutom na pulitiko

nakakatakot ang gutom na pulitiko
nagiging buwayang nananagpang ng tao
kaya paanong ang bayan ay aasenso
kung sila'y naglipana sa ating gobyerno
dapat ganitong pulitikong ito'y doon sa ZOO

trapong ito'y sino-sino ang sinasagpang
nang angking yaman nila'y mapalago lamang
pag kampanyahan nga, ang tao'y nililinlang
naiboboto tuloy kahit sila'y hunghang
at sa kaban ng bayan laging nakaabang

ang tusong pulitiko'y parang mga adik
na katiwalian yaong inihahasik
nabubusog sa kabang bayan ang limatik
taumbayan ay huwag magpatumpik-tumpik
nang trapong ganito'y ibiting patiwarik

- gregbituinjr.