Sabado, Hunyo 25, 2016

Imahinasyon ng yaman sa dawag

IMAHINASYON NG YAMAN SA DAWAG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

"Real talers have the same existence that the imagined gods have. Has a real taler any existence except in the imagination, if only in the general or rather common imagination of man? Bring paper money into a country where this use of paper is unknown, and everyone will laugh at your subjective imagination." ~ Marx, Doctoral Thesis, Appendix (1841)

animo'y diyus-diyusan ang mayayaman
doon sa tinatawag nilang kalunsuran
sinasamba't may salapi sa kalakalan
salaping papel sa altar ng kaluhuan
putik naman sa pedestal ng karukhaan

ngunit sa tirahan ng mga katutubo
utak sa kaiisip ay tiyak durugo
kung salapi'y paano gastusin sa luho
tanging silbi lang niyon nang di masiphayo
ay pamparikit ng apoy sa pagluluto

ang masalapi ay pagtatawanan lamang
kung sa gubat ay wala siyang kapalitan
maliban kung ang gubat ay gawing trosohan
upang maibenta sa santong kalunsuran
ng mga banal na hayok sa tubo’t yaman

anong silbi ng salaping papel sa dawag
doon ang kapitalismo na'y nalalansag
sa gubat, makipagkapwa'y lantad at hayag
balakid doon ang salaping lumalabag
sa pagpapakataong mahalaga't bunyag

Walang komento: