Sabado, Mayo 3, 2014

Mag-isa sa bartolinang kaylamig

MAG-ISA SA BARTOLINANG KAYLAMIG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

mag-isa akong muli sa bartolinang kaylamig
minumuni ang hinaing ng mga nilulupig
sa nangyayari sa lipunan, anong ating tindig
bakit dukha'y lagi nang limang tuka, isang kahig
yaong nasa taas ay tila walang naririnig

diwa’y pinapanday sa madilim kong bartolina
pinagninilayan kung anong dapat magawa pa
kakathain ba'y buhay ng magagandang prinsesa?
o dinaranas na dusa ng dukha nating masa?
dagta ba ng bulok na sistema’y maisusuka?

dito sa bartolinang mistulang sariling silid
iginuguhit sa diwa ang maraming di batid
gunita'y mga bayaning sa dilim nangabulid
nanggigigil habang gumigiti ang abang litid
habang katha ko't lumbay sa kanila’y nalilingid

Walang komento: