SA PAGPULA NG LANSANGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
Mayo Uno, pinakita nila'y pagkakaisa
manggagawang nagsimartsa'y nakasuot ng pula
tila nagdurugo sa himagsik ang puso nila
hibik nila’y hustisya’t pagbabago ng sistema
diwa't prinsipyo nila'y ipinaalam sa madla
na isang bagong daigdig ang nais na malikha
lipunang ang pagsasamantala sa kapwa'y wala
lipunang ang namamahala’y uring manggagawa
pinapula ng mga manggagawa ang lansangan
tanda ng pagkakaisa sa prinsipyo't paglaban
kumikilos, nagkakaisa, at naninindigan
tungo sa pagbabago at sosyalistang lipunan
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento