Huwebes, Pebrero 11, 2016

Kung papatayin mo lang ang manggagawa

KUNG PAPATAYIN MO LANG ANG MANGGAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

kandidato ka ba ng kapitalistang kuhila
kaya pati sa nag-unyon, ikaw ay nagbabanta
wika mo, papatayin mo ang mga manggagawa
pag nanggulo't sa mga kapitalista'y may hidwa
lampa ka pala, este lumpen pala, utak-biya

kung sa problema'y pagpaslang ang alam mong solusyon
anong klaseng hayop ka't magpapangulo ng nasyon
obrero ba'y kriminal, nahan ang sentido komon
pag pinaglaban ang karapatan, krimen na iyon?
tila sa kapangyarihan, ikaw na'y nagugumon

sayang ka, kung ang alam mo lang lagi ay pumatay
kung karapatang pantao'y yuyurakan mong tunay
kung pagkatao ng kapwa'y iyo lang maluluray
kung alam mo lang maghilera't magbilang ng bangkay
buting huwag tumakbo't wala kang bukangliwayway

manggagawa pala sa iyo'y walang mapapala
kundi sa karapatan nila'y pagbabalahura
kapitalista pala ang amo mong dalahira
balang araw, ibabagsak ka rin ng manggagawa
pangako iyan, ibabagsak ka ng manggagawa

Walang komento: