Martes, Pebrero 9, 2016

Ang salapi

ANG SALAPI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

papel lamang kung tingnan ngunit kaylakas mang-akit
tila diyos, sinasamba ng matatanda't paslit
kung sinong marami niyan animo'y nasa langit
tinitingala kahit asal niya't mukha'y pangit

dahil sa salapi, kapwa niya'y minamaliit
dahil sa salapi, kayrami sa'yong lumalapit
dahil sa salapi, nagiging agila ang pipit
dahil sa salapi, tunggalian ay hanggang langit

kapangyarihan nito'y matatanong mo kung bakit
kaya nitong bayaran ang kahit kaninong singit
ng mga bayarang ibinubuyangyang ang langit
para lang sa salaping may mahikang anong lupit

sa ipinagbiling dangal, salapi ang kapalit
labanan sa husgado'y salapi rin ang pang-akit
sa mapera, laksa ang 'kaibigang' humihirit
nang dahil sa kwarta, tahanan mo'y kayang mailit

o, salapi, ikaw na diyos ng bata't may-edad
ano't pinaiikot mo kami sa iyong palad?
sa mundo ang masalapi'y karaniwang mapalad
habang ang walang-wala't api'y karaniwang hubad

Walang komento: