Lunes, Pebrero 29, 2016

Tigilan na iyang yosi

TIGILAN NA ANG YOSI
9 pantig bawat taludtod

aanhin pa ba iyang yosi
kung panindi'y di makabili
lagi nang yosi'y tatak-HINGI
hinirama'y di makahindi

tigil na't nakasusulasok
ano pa ba ang sinusubok
ang baga mo na'y binubukbok
ng di na masawatang usok

- gregbituinjr.

Aanhin pa ang yosi kung mayroon kang tibi?

AANHIN PA ANG YOSI KUNG MAYROON KANG TIBI?
7 pantig bawat taludtod

aanhin pa ang yosi
kung mayroon kang tibi?

di ka ba mapakali
sa iyong pagka-busy?

di ka kaya magsisi
at baga’y winawaksi?

ano bang aking paki
sa mga nagyoyosi?

aba’y sige lang, sige
pagsisisi’y sa huli

- gregbituinjr.

Linggo, Pebrero 28, 2016

Mahalagang text ng isang kasama

MAHALAGANG TEXT NG ISANG KASAMA

"Sometimes you have to stand up and fight for what you believe in. And sometimes it takes even more courage to stay put, to hold your ground and refuse to be bullied. It may not change the bully but it can change you! Courage isn't having the strength to go on. It's going on when you don't have the strength." - Text from Michelle BMP, Jan 17, 2007, 08:42:49 am, na muli kong natagpuan sa luma kong notebook kamakailan lamang.

"Minsan, kailangan mong tumindig at ipaglaban
ang iyong mga pinaniniwalaan, at minsan
mas kinakailangan mo ng todo-todong tapang
upang manatili't tanganan ang tinitindigan
at tanggihan ang maging api-apihan na lamang.
Maaaring di magbabago yaong nang-aapi
ngunit babaguhin ka nito, ikaw na may silbi.
Ang tapang ay hindi lakas na makapagpatuloy,
ito'y pagpapatuloy kung saan wala kang lakas."
Ang payong ito sa text ng kasamang anong giliw
ay nagbibigay lakas-loob na di magmamaliw.
Salamat, kasama, sa iyong text na pinadala
na sa isang kuwaderno’y naisulat ko pala
payo mo’y inspirasyon sa tulad kong aktibista.

- gregbituinjr.

Sabado, Pebrero 27, 2016

Magkaibang daigdig

MAGKAIBANG DAIGDIG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

tulad ng agilang lumilipad sa papawirin
na naghahanap ng masisila at dadagitin
kapara niya'y burgesyang naghahangad mang-angkin
ng pagtutubuan, gaya ng makina’t lupain

naroon sa laot ang tulad nating mga isda
na nais dagitin ng mga agilang kuhila
tulad niya'y burgesyang sa tubo'y napakasiba
dadagitin tayo hanggang bukas nati'y mawala

mga agilang mananagpang ay nais maghari
pagkat nasa taas akala'y may basbas ng pari
nasa ibaba'y aapihin, sila'y walang budhi
gayong ang ibon at isda'y magkaiba ng uri

di ba't agila't isda'y magkaiba ng daigdig
at sa sarili lang nilang uri sila sasandig
alam ba ng agilang lumangoy, isda'y madaig
alam ba ng isdang lumipad, agila'y malupig

gayon din, iba ang kapitalista't manggagawa
mabubuhay ang mundo kapitalista ma'y wala
at di uusad ang mundo pag walang manggagawa
upang matapos ang digma, isa'y dapat mawala

palayain ang mga nagpapatulo ng pawis
at durugin ang nangabundat sa mais at langis
manggagawa'y di dapat madurog na tila ipis
ng burgesyang ang pagkahayok ay walang kaparis

Biyernes, Pebrero 26, 2016

Karatula sa punò

KARATULA SA PUNÒ

may sadyang lugar na itinalaga
upang doon kayo magsipagbuga
ng usok na tila isang kasama
o kalaguyong laging sinisinta
sa punò, ipinako’y karatula
nang makapagsunog kayo ng baga

sunog-baga, punò ang tagasalo
niyang usok na ibinubuga nyo
kawawang punò, punò kasi ito
at di minamahalaga ng tao
mapunô kaya ang punò sa inyo?
ang usok ba'y aanhin nyo sa dulo?

- litrato’t katha ni gregbituinjr.

Mga upos sa pasô

MGA UPOS SA PASÔ

ang pasô ba ng halaman ay tapunan ng upos?
dahil walang basurahan, isip na'y kinakapos?
paano bang sa kalinisan ay makararaos?
kung simpleng upos ay di maitapon nang maayos?

- litrato't katha ni gregbituinjr.

Huwebes, Pebrero 25, 2016

Never Again sa Batas-Militar

NEVER AGAIN SA BATAS-MILITAR
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

huwag kalilimutan ang marahas na panahon
na karapatang pantao'y niyurak at nilulon
ng batas-militar kaya masa'y nasa linggatong
ng kaba't poot, kayraming nawala, ikinulong

huwag kalilimutan ang sama-samang pagkilos
upang panahong marahas ay mag-iba ng agos
hinarap ng taumbayan ang rumagasang unos
hanggang mapatalsik ang lintik na nambubusabos

mabuhay ang lahat ng nagsakripisyo't lumaban
sa diktaduryang dahas, yumurak sa karangalan
ngunit bagong elit ang kumubkob sa pamunuan
bagong burgesyang tadtad din ng mga kabulukan

Isang lakas tayo

ISANG LAKAS TAYO

isang lakas tayong nakikibaka
magkakapitbisig, nagkakaisa
sama-samang ipagtanggol ang masa
upang kamtin ang hangad na hustisya

Sanlakas tayong hindi pagagapi
sa sinumang mga mapang-aglahi
ibabagsak natin sinumang hari
at itataguyod ang ating uri

Sanlakas tayong hindi patatalo
sa sinumang tiwaling pulitiko
lilinisin yaong basahang trapo
tiwali'y dapat magdusa ng todo

Sanlakas tayong hindi madudurog
ng sinumang kapitalistang hambog
mang-aapi'y tiyaking malalamog
tutupdin ang pangarap na kaytayog

Sanlakas na hangad ay pagbabago
sa puso't diwa'y subok ang prinsipyo
sa labanan ay hindi tumatakbo
laging handa sa pagtulong sa tao

- gregbituinjr.

Miyerkules, Pebrero 24, 2016

Ilublob sa kanal iyang trapo

ILUBLOB SA KANAL IYANG TRAPO

kampanyahan na naman, muli'y nangangako
ang trapong kayraming kulay, kulay hunyango
mga trapo silang salita ang pamato
animo'y walang laman ang kanilang bungo
kundi pulbura, na ang hangad lagi'y tubo

tulad nilang trapo'y dapat lamang ilublob
sa kanal ng kahihiyang nakakubakob
nangangako sila'y wala naman sa loob
dapat ibagsak ng masang sadyang marubdob
na sistema ng trapo'y tuluyang itaob

- gregbituinjr.

Miyerkules, Pebrero 17, 2016

Lungagi

LUNGAGI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

di maawat sa daldal ang taong lungagi
na minsan man sa atin ay nagpapangiti
datapwat pulos yabang ang namumutawi
ay saglit din namang problema'y napapawi

lasing na kaya ang tindera'y kinukulit
pinangangakuang ibibigay ang langit
mapungay ang matang animo'y nang-aakit
kahit pawang kayabangan ang sinasambit

* lungagi - lasing na tamang kulit (mula sa UP Diksyunaryong Filipino)

Martes, Pebrero 16, 2016

Ang babae daw ngayon

ANG BABAE DAW NGAYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

may isang nagsabing ang kababaihan daw ngayon
ay di singhusay ng nanay nila sa pagluluto
ngunit singhusay ng kanilang ama sa pag-inom
tunay ba ang kanyang puna't iba na nga ang turo?
kung may pagbabago sa bawat paghampas ng alon
sa asal ng tao'y may naglalaho't nabubuo

Huwebes, Pebrero 11, 2016

Kung papatayin mo lang ang manggagawa

KUNG PAPATAYIN MO LANG ANG MANGGAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

kandidato ka ba ng kapitalistang kuhila
kaya pati sa nag-unyon, ikaw ay nagbabanta
wika mo, papatayin mo ang mga manggagawa
pag nanggulo't sa mga kapitalista'y may hidwa
lampa ka pala, este lumpen pala, utak-biya

kung sa problema'y pagpaslang ang alam mong solusyon
anong klaseng hayop ka't magpapangulo ng nasyon
obrero ba'y kriminal, nahan ang sentido komon
pag pinaglaban ang karapatan, krimen na iyon?
tila sa kapangyarihan, ikaw na'y nagugumon

sayang ka, kung ang alam mo lang lagi ay pumatay
kung karapatang pantao'y yuyurakan mong tunay
kung pagkatao ng kapwa'y iyo lang maluluray
kung alam mo lang maghilera't magbilang ng bangkay
buting huwag tumakbo't wala kang bukangliwayway

manggagawa pala sa iyo'y walang mapapala
kundi sa karapatan nila'y pagbabalahura
kapitalista pala ang amo mong dalahira
balang araw, ibabagsak ka rin ng manggagawa
pangako iyan, ibabagsak ka ng manggagawa

Martes, Pebrero 9, 2016

Ang salapi

ANG SALAPI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

papel lamang kung tingnan ngunit kaylakas mang-akit
tila diyos, sinasamba ng matatanda't paslit
kung sinong marami niyan animo'y nasa langit
tinitingala kahit asal niya't mukha'y pangit

dahil sa salapi, kapwa niya'y minamaliit
dahil sa salapi, kayrami sa'yong lumalapit
dahil sa salapi, nagiging agila ang pipit
dahil sa salapi, tunggalian ay hanggang langit

kapangyarihan nito'y matatanong mo kung bakit
kaya nitong bayaran ang kahit kaninong singit
ng mga bayarang ibinubuyangyang ang langit
para lang sa salaping may mahikang anong lupit

sa ipinagbiling dangal, salapi ang kapalit
labanan sa husgado'y salapi rin ang pang-akit
sa mapera, laksa ang 'kaibigang' humihirit
nang dahil sa kwarta, tahanan mo'y kayang mailit

o, salapi, ikaw na diyos ng bata't may-edad
ano't pinaiikot mo kami sa iyong palad?
sa mundo ang masalapi'y karaniwang mapalad
habang ang walang-wala't api'y karaniwang hubad

Linggo, Pebrero 7, 2016

Pagsipat sa Bantayog

PAGSIPAT SA BANTAYOG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kayraming pangalan nila ang nakatala
sa malawak na pader ng mga bayani
sa batas-militar ay nakibakang sadya
pilit nilabanan ang diktadurang imbi

pagkat sila'y di dapat ibaon sa limot
sa Bantayog ng mga Bayani'y naroon
silang nangarap ayusin ang mga gusot
at maituwid ang binaluktot na nasyon

pag sinipat-sipat natin yaong bantayog
at malalaman natin ang kanilang kasaysayan
mahihiya sa kasalukuyang pag-inog
pinangarap nila'y di pa pala nakamtan

kayhirap mabuhay ng gising sa bangungot
dapat tanggalin ang mga agiw sa sulok
ang mga damong ligaw ay dapat mabunot
dapat kalusin pag umapaw na ang salop

bayani ang mga pangalang nakatala
kaya di sila dapat malimot ng madla

Biyernes, Pebrero 5, 2016

Kapara niya'y ngiting Ara Mina

KAPARA NIYA'Y NGITING ARA MINA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ninasa ng maraming binata ang ngiting yaon
na sa kanilang puso'y tunay na nakahalina
sa bawat lakbayon ay tangan nilang inspirasyon
ang ngiti ng dilag na animo'y si Ara Mina

nagbibigay sigla't liwanag ang kaygandang ngiti
siya ang diwatang hinahangaan ng kayrami
animo'y maryaklarang kaysarap hagkan ang labi
at di mo aasaming mawalay sa kanyang tabi

sino ba namang binatang aayaw sa ganito
na ngiti pa lang ay nagpapatibok na ng puso
kayanin kaya niyang araw-gabing titigan ko
ngunit baka siya'y mangalay at ako'y mabigo

ngiti lang niya ang sa sawing puso ko'y gumising
siyang nagpabangon sa matagal kong pagkahimbing