Sabado, Disyembre 19, 2015

Pagsalubong ng hanging amihan

PAGSALUBONG NG HANGING AMIHAN

Disyembre na, kaylamig ng hanging amihan
tila tumatagos sa buo kong katawan
amihan itong tila ba isang salarin
na bawat laman ko'y nais nitong waratin
sabay sa pangingilo ng buto sa batok
habang sa hanging amihan nakikihamok
magkaibang lamig sa magkabilang dulo
ng mundo, ang katawan ko'y naninibago
para bang di na sanay sa aba kong bansa
habang tinatahak ang rumaragasang baha
tila baga tulala akong sumusuong
sa panganib na di na naisip sumilong
kaylamig ng amihang kasabay ng unos
na sa buo kong pagkatao'y tumatagos

- gregbituinjr.

Huwebes, Disyembre 17, 2015

Bulaklak silang di naman nalanta

BULAKLAK SILANG DI NAMAN NALANTA

bulaklak silang di naman nalanta
kundi sa unos sila'y nasalanta
ang bagyo'y patuloy sa pagbabanta
anumang saglit handang rumagasa
kayraming rosas na humahalimuyak
na kasabay kong gumapang sa lusak
rosas silang sa unos nakidigma
sa anumang panganib laging handa
tumumba ang mga rosas na pula
na alay sa magagandang dalaga
habang tuloy ang ulan sa pagbuhos
kukunin ko sa kabila ng unos
ang isang pulang rosas na nalamog
upang sa sinusuyo'y maihandog
rosas yaong sakdal ganda't may tinik
na ngalan ng dilag ay natititik
kukunin ko ulan man ay tikatik
tulad ng gintong nabaon sa putik

- gregbituinjr.

Miyerkules, Disyembre 16, 2015

Di man nagisnan ang inaasahang niyebe

DI MAN NAGISNAN ANG INAASAHANG NIYEBE
15 pantig bawat taludtod

pangarap ko muling makita ang puting niyebe
ngunit di ko natagpuan nitong buong Nobyembre
nanatili hanggang kalagitnaan ng Disyembre
wala sa Paris ang nakita noon sa Iwate

kahit nadarama yaong lamig na bumabagtas
sa katawan pagkat panahon iyon ng taglagas
na kung di magbalabal ay maaaring mautas
ngunit di makapuputi sa pag-ibig kong wagas

ang inaasahang niyebe'y di ko na nagisnan
at marahil di na iyon muling mapagmamasdan
sasariwain na lang yaon sa mga larawan
na animo'y naroong dinarama ang kawalan

niyebe sa aking loob ay maaring malusaw
sa saliw ng indayog ng tinig mong anong gaslaw
papalitan ng alab ang katawang sakdal ginaw
habang pinapawi mo ang danas kong pamamanglaw

- gregbituinjr.

Martes, Disyembre 15, 2015

Pagsalubong ni Nona

PAGSALUBONG NI NONA

galing ibang bansa'y sinalubong agad ni Nona
mula sa malamig ay ulan ngayon ang kasama
pasan ang ilang gamit ay baha na ang kalsada
kayhirap sumakay lalo't ang nasa bulsa'y barya

mabuti't sa loob ay may natitira pang lakas
naalalang baha sa lungsod ay lagi nang danas
malamig ang simoy ng hangin, sa sarili'y anas
galing sa malamig ay sa malamig din bumagtas

ah, Nona, unos kang agad sumalubong sa akin
habang pasipul-sipol pa ang malamig na hangin
kinalakhan na sa lungsod ang ganitong danasin
tulad mo'y di man iba, ako'y mag-iingat pa rin

dama ko si Nona pagkat patuloy ang pagbuhos
pati inanod na basura'y kasama sa agos
kayrami muling buhay ang naging kalunos-lunos
may katapusan pa ba itong taun-taong unos

- gregbituinjr.
15 Nobyembre 2015

Sabado, Disyembre 12, 2015

Nang umibig ang makata

NANG UMIBIG ANG MAKATA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

umiibig ang makata ngunit
walang nagkakamaling umibig
sa makatang ulayaw ng lumbay

tanong ng dalagang sinusuyo:
"makabibili kaya ng bigas
o makagagawa ba ng bahay
ang mga hinahabi mong tula?
makata, di ba't ikaw rin yaong
nagsabing walang pera sa tula?"

ang makata'y wala nang magawa
at inunawa na lang ang mutya
nangyari'y kanya na lang tinula
at bakasakaling may maawa
at ang kanyang puso ay matudla

Linggo, Disyembre 6, 2015

Pagpinta ni Ate Juliet

PAGPINTA NI ATE JULIET

sa pagpinta'y nakibahagi si Ate Juliet
sa may dingding, sa larawan ng nagngangalang Agit
ang pampintura'y buong pagmamahal niyang bitbit
sadyang aming dama ang kanyang pagmamalasakit

hinahagod ng kamay upang sining ay mabuo
habang sa dibdib ay dama ang luhang tumutulo
alaala iyong tunay ngang nakasisiphayo
pagkat ang nasa larawan, sa Yolanda'y naglaho

ngunit dapat ipinta, ang mensahe'y ipaalam
na nagbabagong klima'y tunay, di agam-agam lang
na tayo'y magsikilos, bawat isa'y makialam
pagkat tayo'y iisa, iisa't may pagdaramdam

tila bihasa, sa hagdang mataas pa'y umakyat
ang ibinahagi nyo'y sadyang dama naming sukat
sa inyo po, Ate Juliet, maraming salamat
at sa iba pang nagbahagi ng talento't lahat

- gregbituinjr.

- sa Point Ephemere, Disyembre 6, 2015, nang tapusing ipinta ni  kasamang AG Saño ang larawan ng kanyang kaibigang si Agit na namatay kasama ang buong pamilya sa Tacloban sa kasagsagan ng bagyong Yolanda noong Nobyembre 13, 2013

Ang larawan ni Agit

ANG LARAWAN NI AGIT
15 pantig bawat taludtod

pinta sa dingding, alay ng kasamang A.G. Saño
larawan iyon ng namayapang Agit Sustento
  isa sa libu-libong nangawala sa Tacloban
  dahil sa Yolandang sakdal lupit sa mamamayan
sa kaylaking pader, ipinintang dalawang araw
kayraming nagtulong-tulong, bawat isa'y humataw
  mababakas mo sa kanila ang pusong may tuwa
  kahit ang ipininta'y tunay na ikaluluha
gumigiti man ang pawis, mukha'y maaliwalas
mga pagtulong nila'y walang halagang katumbas
  kundi saya sa pusong nakatulong sa hangaring
  ipaalala sa mundo ang nangyari sa atin
na mula Tacloban hanggang Guiuan ay nanalanta
ng libu-libong pamilyang winasak ni Yolanda
  magkasama ang magkaibigang A.G. at Agit
  ilang oras bago dumatal ang unos ng lupit
naghiwalay sila pagkat maggagabi na noon
hanggang dumating yaong si Yolanda't nandaluyong
  libu-libo ang nilamon ng animo'y buwitre
  unos na lumipol, kapara'y kaylaking tsunami
buong pamilya ni Agit ay nangawalang sukat
kasama pati ang kayraming di na naiulat
  pinta sa dingding, alay ng kasamang A.G. Saño
  paggunita iyon sa nawalang Agit Sustento

- gregbituinjr.

- sa Point Ephemere sa Paris, Disyembre 6, 2015, nang ipinta ni kasamang AG Saño ang larawan ng kanyang kaibigang si Agit na namatay kasama ang buong pamilya sa Tacloban sa kasagsagan ng bagyong Yolanda noong Nobyembre 8, 2013


Miyerkules, Disyembre 2, 2015

Kaylamig ng hanging amihan

KAYLAMIG NG HANGING AMIHAN

Disyembre na, kaylamig ng hanging amihan
tila tumatagos sa buo kong katawan
amihan itong tila ba isang salarin
na bawat laman ko'y nais nitong waratin
sabay sa pangingilo ng buto sa batok
habang sa hanging amihan nakikihamok
magkaibang lamig sa magkabilang dulo
ng mundo, ang katawan ko'y naninibago
para bang di na sanay sa aba kong bansa
habang tinatahak ang rumaragasang baha
tila baga tulala akong sumusuong
sa panganib na di na naisip sumilong
kaylamig ng amihang kasabay ng unos
na sa buo kong pagkatao'y tumatagos

- gregbituinjr.
- kinatha sa St. Denis bago magtungo sa Chapelle W. D. Des Anges, malapit sa istasyon ng Duroc, Disyembre 2, 2015