Linggo, Mayo 31, 2015

Pagtitig sa kawalan

PAGTITIG SA KAWALAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

nais kong magpahinga, lumayong pansamantala
gamit na papel at bolpen ay itinago muna
ngunit may mga tauhang pangkwentong nang-abala
na sa iwi kong guniguni'y panay bulong nila
bago ko raw malimutan ay maisulat sila

kaya nakatitig sa kisameng ako'y tulala
mga tauhan itong takbo ng takbo sa diwa
ibinubulong sa akin ang kanilang adhika
ating mga karapatan ay ipaglabang lubha
huwag kalimutang kwento nila'y aking itula

pagtulog sana'y pahinga ngunit sila'y patuloy
sa panaginip ko'y nagkukwento't laboy ng laboy
nariyang inakyat nila ang mataas na kahoy
kanilang lilikumin ang bawat dahong naluoy
at pababayaang mamunga sa kaygandang suloy

kayrami nilang ikinukwento sa panaginip
na di ko agad maunawa, di agad malirip
kalaunan, nais palang sila'y aking masagip
mula sa mga suliraning nilikha sa isip
at gigising akong may bagong kwentong halukipkip

Sabado, Mayo 30, 2015

Aking bituin

AKING BITUIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

ikaw lamang ang aking bituin
natatangi sa bawat isipin
na mula't sapul pa'y adhikain
at kasama sa gintong layunin
di ka dapat mawala sa akin

pagkawala mo'y kamatayan ko
kamatayan mo'y pagkawala ko
huwag bibitiw, magsama tayo
at walang iwanan hanggang dulo
ang lahat ng akin ay sa iyo

pagkat tayong dalawa'y iisa
bituin kita sa tuwa't dusa
sa langit man, susungkitin kita
pagkat palad nating magkasama
hanggang kamtin ang sukdulang saya

Biyernes, Mayo 29, 2015

Maari ba kitang maging bituin?

MAARI BA KITANG MAGING BITUIN?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

maari ba kitang maging bituin
at makasama sa bawat layunin
pag-ibig kang sa puso'y nakahain
sana'y maging kita kung papalarin
ang pakpak ng panahon nawa'y dinggin
kahit sampung bundok ay tatawirin
kahit ilang dagat ay lalanguyin
ng lingkod mong nawa'y pakaibigin
ang lahat-lahat ay aking gagawin
ng ikaw lang, dilag, ay maging akin
bagong bukas ay ating uukitin
di ka magsisising ako'y sagutin
bagong pangarap ay ating bubuuin
payag na't nang ako'y iyong maangkin

Hapi Bertdey, Klasmeyt Fides

HAPI BERTDEY, KLASMEYT FIDES
15 pantig bawat taludtod

di ko maaring limutin ang iyong kaarawan
kaya araw na mahalaga'y aking inabatan
upang batiin ka, o diwata ng kagandahan
malambing na musa sa batch ng ating paaralan

paano nga ba babati sa isang inspirasyon
anong tamang salitang mula sa puso'y bumaon
pag musa'y babatiin, isip ko'y naglilimayon
naghahalukay ng wika sa malalim na balon

ngunit payak na salita ang sa diwa'y dumaplis
mula sa balon tumungo sa mapayapang batis
simpleng bati sa kaeskwelang may ngiting kaytamis
maligayang kaarawan sa iyo, Klasmeyt Fides

- gregbituinjr.

Huwebes, Mayo 28, 2015

Para sa isang magandang reporter

kaysarap gawan ng tula
pag ganito ang diwata
nabighani ang makata
sadyang ako'y natulala
ganda niya'y pinagpala

at nang siya'y makaharap
mata niya'y nangungusap
pakiramdam ko'y kaysarap
tila ako'y nasa ulap
diyosa siyang pangarap

kagandahang naglimayon
sa puso kong umaalon
diwata ba ng kahapon
ay naririto na ngayon
tunay siyang inspirasyon

sa kanya'y dalangin ko lang
ay magandang kapalaran
maayos na kalusugan
patuloy nyang paglingkuran
ang obrero't mamamayan

- gregbituinjr


Miyerkules, Mayo 27, 2015

Ang kapitalista'y tulad ng isdang kapak

ANG KAPITALISTA'Y TULAD NG ISDANG KAPAK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ang kapitalista'y tulad ng isdang kapak
nakadamit ng maganda, anyo'y busilak
ngunit laman pala nito'y puno ng burak
nasa diwa'y tubò, obrero'y hinahamak
ang manggagawa'y pinagagapang sa lusak

mga kapitalista'y sa ganito bantog
pulos porma, lakas-paggawa'y binubugbog
sa murang sahod, manggagawa'y nilulubog
ang masakit pa't sa puso'y nakadudurog:
pitumpu't dalawang obrero pa'y nasunog

sa trabaho, manggagawa'y walang proteksyon
pulos pa biktima ng kontraktwalisasyon!
proteksyon? sa kapitalista'y gastos iyon!
kapitalista'y sa tubò lang nakatuon
walang pakialam kung obrero'y magutom

ang kapitalista'y tulad ng isdang kapak
ang balat ay pilak, ngunit loob ay burak
kapitalista'y tubò lang ang nasa utak
ah, dapat baguhin ang sistemang bulagsak
nang uring manggagawa'y di na mapahamak

Martes, Mayo 26, 2015

Pinag-ayuan

PINAG-AYUAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

minsan nga, ako'y napag-ayuan
ng magkakabarkadang haragan
bugbog-sarado yaring katawan
iyon na ba’y aking katapusan

ngunit ninais ko pang mabuhay
para sa sinisinta kong tunay
dapat magpakatatag, matibay
sa dinaranas na walang lubay

magkakaayo silang kaylupit
at pinag-ayuan akong pilit
tila sila nawalan ng bait
namula ako sa pasa’t sakit

tatawa-tawa ang mga imbi
walang magawa ang mga saksi
(ako'y naaawa sa sarili
kaya ninais kong makaganti)

kinailangan ko nang lumaban
upang sarili'y di masumbatan
mag-isa'y makikipagsabayan
kahit na mukha'y maging duguan

Lunes, Mayo 25, 2015

Makatang walang mukha

MAKATANG WALANG MUKHA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

ako'y makatang walang mukha
nakikilala lang sa tula
kaya di malaman ng madla
bakit ako'y laging tulala

tulala roon sa kawalan
tutula ng kasiphayuan
tutulain ay di malaman
tala ba’y pinag-aalayan

kapara ko raw ang bituin
na sa langit bibitin-bitin
subalit bakit lubog pa rin
sa putik ang buhay kong angkin

dahil ba makata'y tulala
na siphayo'y itinutula
o dahil ako'y walang mukha
na dama lagi’y dusa’t luha

Linggo, Mayo 24, 2015

Ikaw ang aking tula

IKAW ANG AKING TULA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

"If you can’t be a poet, be the poem." – David Carradine

di ka makata ngunit alay ko sa iyo'y tula
ako ang manunula, ikaw ang tula kong mutya
di mo man magustuhan ang hinabi kong salita
ngunit dito sa puso'y itinanghal kitang lubha

di mo man maitula yaring hibik kong pagsuyo
ikaw yaong aking tula ng bawat kong pangako
di ka man makata, inspirasyon ka niring puso
ikaw ang tula sa mga taludtod, walang biro

nawa'y tanggapin mo ang buong ako, aking irog
kita nang ukitin ang pangarap nating kaytayog
tula kitang ang mga labi'y nais kong mapupog
ng sanlaksang halik na sa pag-ibig umiinog

Biyernes, Mayo 22, 2015

Pagninilay sa pagkasunog ng mga manggagawa ng Kentex

PAGNINILAY SA PAGKASUNOG NG MGA MANGGAGAWA NG KENTEX
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

"Horror factory. Ito ang naging reaksyon ng isang mambabatas ng Valenzuela City sa sunog na naganap sa Kentex Manufacturing Corporation, isang pabrika ng rubber at plastic-made footwear sa nasabing siyudad kung saan 72 na factory workers na ang kinumpirmang nasawi." ~ pahayagang Abante Tonite, Mayo 15, 2015

pitumpu't dalawang manggagawa
ayon sa iba't ibang balita
yaong agad namatay sa sunog
na sa pabrika nila'y pumupog

apoy ay di agad naapula
maraming pamilya'y nangaluha
nasunog yaong kanilang irog
pati pangarap nilang kaytayog

ang buong bayan ay natulala
di makilala, bangkay at mukha
yaon sa puso'y nakadudurog
tunay ba ito o bungangtulog

sana'y isang panaginip lamang
subalit ito'y katotohanan
ano nga bang nararapat gawin
sinong dapat nating panagutin

halos kontraktwal ang karamihan
kaybabang sahod na di mainam
ngunit kinailangang tiisin
nang pamilya nila'y makakain

sa sunog, sinong may kasalanan
ang hustisya kaya'y makakamtan
nangyari sa kanila'y rimarim
hustisyang asam kaya'y diringgin

Miyerkules, Mayo 20, 2015

Magsipag lang daw

MAGSIPAG LANG DAW
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

basta masipag ka, yayaman ka
itong sabi ng kapitalista
maniniwala ka ba sa kanya
magsipag ka lang, yayaman ka na

napakasipag ng manggagawa
araw-gabi sila'y gumagawa
ang sahod pa nga nila'y kaybaba
kaysisipag nilang mga dukha

napakasipag ng magsasaka
bakit naghihirap pa rin sila
walang lupang pag-aari nila
sa asendero'y nagkautang pa

napakasipag ng mga vendor
paninda'y alok kahit door-to-door
barbero'y naggugupit sa parlor
tinitinda'y pagpag ng urban poor

kaysisipag ng mga obrero
laging gawa doon, gawa dito
kaysisipag nila sa trabaho
ngunit kapos pa rin yaong sweldo

magsipag lang kayo’t magtiyaga
sabay-sabay kayong manggagawa
ipunin ang sahod na kaybaba
ay makakahigop ng nilaga

basta't magsipag, kayo'y yayaman
kapitalista'y iyan ang turan
mali ba ang sabi niyang iyan
siya pa ba'y paniniwalaan

bakit masisipag ay hikahos
at may-ari ang nakararaos
masipag ay laging kinakapos
at may-ari’y panay luho't gastos

ang lipunan ay pakasuriin
masipag ay kapit sa patalim
hanggang sa mapagtanto rin natin
pribadong pag-aari'y salarin

sistema'y kailangang mabago
palitan itong kapitalismo
tanganan na ang karit at maso
tungo sa hangaring pagbabago

Linggo, Mayo 17, 2015

Talambuhay ko'y tula

TALAMBUHAY KO'Y TULA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

"A poet's autobiography is his poetry. Anything else is just a footnote." ~Yevgeny Yentushenko, The Sole Survivor, 1982

sadyang tunay, na bawat makata'y isinusulat
ang pinagdaanang danas, laban at pagkamulat
sa bawat taludtod at saknong ay nasisiwalat
sa bawat katha'y tila naroroon siyang sukat

sa tanaga, pitong pantig ang bawat taludturan
sa dalit, waluhang pantig yaong nagyayakapan
sa gansal, siyaman naman ang nagkakatuksuhan
sa diona, usapan ng mga magkahuntahan

maraming danas na inilalarawan nang kusa
maraming kabiguang animo’y kasumpa-sumpa
maraming tagumpay na kinagagalak ng diwa
maraming labanang sadyang di maiwasang sigwa

basahing mataman ang tula ng makata't damhin
ang kaibuturan ng puso't diwa niyang angkin
makikilala mo ang makatang bibitin-bitin
sa ulap, humahabi ng anumang tutulain

Huwebes, Mayo 14, 2015

Sama-samang pagkilos

SAMA-SAMANG PAGKILOS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ano nga ba ang pagkilos na sama-sama?
ito'y pag-abot mo sa katabing kaisa
at pag-abot din niya doon sa iba pa
hanggang maabot din natin ang ibang masa

isa'y kakapitbisig mo sa simulain
at siya, ang iba'y kakapitbisig na rin
habang palawak ang kaya nating abutin
palawak ng palawak tungo sa layunin

may pinagkakaisahang paninindigan
bawat tilamsik ng diwa'y nagyayakapan
tulad ng banig ay sama-samang yapusan
sa pakikibaka'y wala silang iwanan

papalaki ng papalaki ang naabot
hanggang di na napansing tayo'y nakaikot
kalaunan, kapitbisig ay salimuot
mula sa isa'y milyon na pala'y inabot

sa sama-samang pagkilos tayo'y magsikhay
paraang ang bawat isa'y magkaagapay
sa sama-samang pagkilos nakasalalay
ang inaasam nating taos na tagumpay

Miyerkules, Mayo 13, 2015

Pakikipagtunggali kay Kamatayan

PAKIKIPAGTUNGGALI KAY KAMATAYAN
13 pantig bawat taludtod

nagtagis kami, hawak niya ang kalawit
habang matalas na kris nama'y aking gamit
kanino kayang dugo ang agad sisirit
sa akin o kay Kamatayang anong lupit

nais kong mabuhay, di ako pagigipit
lipunang pangarap ay di pa nakakamit
kaya sa labanang itong napakahigpit
pinaghuhusay ko nang dugo’y di sumirit

sa tunggalian, mahigpit kong tangan ang kris
sinisipat kong di niya ako magahis
malao't madali ako'y magkakadaplis
dahil sa mahigpitan naming pagtatagis

habang bata pa'y lumaban munang sabayan
mabuting ganito’t makipagsapalaran
may panahon namang buhay ko'y ipaglaban
may oras ding kukunin na ni Kamatayan

- gregbituinjr.

Martes, Mayo 12, 2015

Ibuhos mo, kaibigang tibak

IBUHOS MO, KAIBIGANG TIBAK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawa taludtod

ibuhos mo ang isipan sa kalutasan
sa mga suliraning dapat matugunan
ibuhos mo ang isip sa kinabukasan
at maghanda sa kakaharaping anuman

ibuhos mo ang pagod sa buong pamilya
nang sila naman ay iyong mapaligaya
ibuhos mo lahat ng iyong makakaya
nang magawa ang mga layuning maganda

ibuhos mo ang sarili sa pag-aaral
hinggil sa lipunang sagrado ang kapital
ibuhos mo ang sarili sa pangangaral
upang bulok na sistema'y di na magtagal

ibuhos mo ang panahon sa manggagawa
at organisahin bilang uring dakila
ibuhos mo ang oras sa kapwa mo dukha
bulok na sistema'y sama-samang magiba

ibuhos mo ang lakas, kaibigang tibak
sa pagsagupa sa sistemang mapanghamak
ibuhos ang lakas laban sa mapangyurak
at naghaharing uri'y tuluyang ibagsak

Linggo, Mayo 10, 2015

Kinalburong K12

KINALBURONG K12
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

katulad ng manggang hilaw na pinilit mahinog
sa programang K to 12, ang bayan ay nauuntog
walang kahandaan ay inaabot ang kaytayog
na kung biglang bumagsak, bigla rin ang pagkadurog

pilit sinabatas ang nais ng kapitalista
gayong walang konsultasyon sa mismong guro, masa
nagpapaaral na magulang ay di kinonsulta
may-ari ng paaralan ay sunud-sunuran na

nahan na ang edukasyon bilang isang serbisyo?
karapatang edukasyon, bakit naging negosyo
kinalburong programang K to 12 ay suriin mo
pinagtutubuan na lang ang edukasyong ito

K to 12 ay pilit iginiit, namimilipit
kahit mismong mga guro'y nagpoprotestang pilit
libo'y mawawalan ng trabaho, lalo nang gipit
kayraming guro ang tiyak namumutla sa galit

* nilikha matapos ang pagkilos ng mga guro, kasama ang iba't ibang organisasyon, sa Liwasang Bonifacio, Mayo 9, 2015; ang pagkilos ay pinangunahan ng Suspend K12 Coalition, Teachers Dignity Coalition (TDC), CoTeSCUP, ACT partylist, Magdalo partylist, Ating Guro partylist, BMP, Sanlakas, PLM, Sentro, FFW, iba’t ibang colleges and universities, tulad ng Miriam, UST, San Beda, at marami pang iba.

Martes, Mayo 5, 2015

Umalis man ako ngunit babalik din sa lupa

UMALIS MAN AKO NGUNIT BABALIK DIN SA LUPA
15 pantig bawat taludtod

umalis man ako ngunit babalik din sa lupa
aking tinahak ang kalbaryong dala ng kuhila
pasan ang mga batong magiging moog ng dukha
uukitin ang landas kasama ng manggagawa

ipagtanggol ang uri, sa diwa ko'y natititik
pasan ang mga bato ng panaghoy nila't hibik
pangako, babalik ako, sa alabok babalik
upang di na muling umalis sa lupang nagputik

- gregbituinjr.

Kamatayan

KAMATAYAN

nakikita kita sa puso kong mapanglaw
tila buong katawan ko'y di maigalaw
tila nakatarak sa likod ko'y balaraw
tila ba ang liwanag ay naging mapusyaw

nakikita kita sa gabing anong dilim
tila sa aking puso ang dulot mo'y lagim
tila ba kaharap ko'y kung anong rimarim
tila bawat danas ay palaging panimdim

di ko alam kung handa akong harapin ka
o kailangan tayong magdwelong dalawa
subalit maghintay ka, diyan ka lang muna
marami pang dapat gawin para sa masa

sa araw-gabi, nakasubaybay kang lagi
narito lang ako, di nagpapaduhagi
sa iyong kalawit, di ako magwawagi
ngunit tula ko sa mundo'y mananatili

- gregbituinjr.