SA SULOK NA IYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
sa sulok na iyon sa tuwina'y nakasalampak
hinahabi sa guniguni ang laksang pangarap
gubat na mapanglaw ay maging lungsod ng liwanag
at isang lipunang ang madla'y panatag at ligtas
iwing apoy sa puso'y nakatalagang mag-alab
upang mapagsamantala'y ating magaping ganap
pangarap ay binubuo ko sa sulok na iyon
habang hukbo nitong langgam ay parito't paroon
di man gaanong tahimik, madalas may alulong
nasa puso'y itinitik, kahit na nagugutom
sinusuri ang lipunan, diwa'y batbat ng tanong
kayraming kataga sa sala-salabat na saknong
ah, ang sulok na iyong sakbibi ng laksang lumbay
sa pagsuyo'y sawi, ang pagkabigo'y lumalatay
habang puno 'y lagas na ang dahon sa mga tangkay
bawat pagkabalisa, puso'y tila naluluray
hihip ng hangin sa balat ay kaylamig dumantay
sa sulok na iyon, iwi kong haraya'y may buhay
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento