ANG LASENGGO AT ANG LASENGGERO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
ang lasenggo sa nayon at lasenggero sa lungsod
ay nagkasarapan sa tunggaang nakalulunod
pulutan nila'y balot na pampalakas ng tuhod
napag-usapan ang buhay, bakit kayod ng kayod
lasenggo'y nais nang iwan ang sinasakang lupa
nais magtungo sa lungsod at maging manggagawa
tugon ng lasenggero, sa lungsod kayraming dukha
mabuti't sa nayon, magtanim lang, may mapapala
basta masipag ka sa nayon, may maitatabi
may lupa roong matatamnan, di ka magsisisi
sa lungsod, dapat mautak, marunong dumiskarte
magpautang, magpataya, mangamuhan, maapi
patuloy sa pagtunggang kayraming napag-usapan
pati mga pangarap nila sa kinabukasan
nais layuan ang kasalukuyang kalagayan
pinapangarap kung saan buhay nila’y aalwan
naubos ang tagay, natulog, nagising, tulala
pagkatapos mahulasan, sila'y nakatunganga
kinita'y napunta sa inom, ngayon, walang-wala
kinitang maghapon, di naipon, walang napala
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento