Lunes, Marso 31, 2014

Humayo kayo at magpigil

HUMAYO KAYO AT MAGPIGIL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

tao'y kaunti nang ito'y sinabi:
"Humayo kayo at magpakarami!"
noon, walang milyong tao ang dami
ngayon, pitong bilyon na, tao'y saksi

noon, dapat magpakarami pagkat
mayaman pa sa pagkain ang gubat
masagana pa sa isda ang dagat
ngayon, bilyong tao ang nagsasalat

kaya iba na ang sabi ng tao
dahil populasyon na'y lumolobo:
"Humayo kayo at magpigil kayo
kaysa magutom ang mga anak nyo!”

isipin nyo rin ang kinabukasan
ng mga anak na kawawa naman
maunlad nga'y tindi ng karukhaan
kaunlaran lang iyon ng iilan

kung di sana ganito ang sistema
ng lipunang ilan ang nagpasasa
sa yaman ng lipunan, yaong masa
sa pagkain ay sapat-sapat sana

ngunit bagay sa mundo'y pinaghati
ng iilang tao, iyan ang sanhi
lupain, produksyon, pabrika'y ari
kaya bilyon ang dukhang di mawari

pagkapribadong yaman ng lipunan
ay tanggalin sa kamay ng iilan
lahat ng tao'y dapat makinabang
sa kalikasan at nalikhang yaman

wasakin ang pag-aaring pribado
angkinin ng bayan ang yamang ito
dahil kung hindi mangyayari ito:
"Humayo subalit magpigil kayo!"

Linggo, Marso 30, 2014

Halina't magsikhay mag-aral

HALINA'T MAGSIKHAY MAG-ARAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

iyang syentipikong sosyalismo
ay ating mahahati sa tatlo:
materyalismong diyalektiko,
ang materyalismong istoriko,
at ang Marxistang ekonomiko

ang una'y kung paano magsuri
ano ang tunggalian ng uri?
bakit ang pribadong pag-aari
ang dahilan ng dusa’t pighati?
paano bagong araw babati?

ikalwa'y hinggil sa kasaysayan
anong prosesong pinagdaanan?
bakit pinuspos ng karukhaan
ang di mabilang na mamamayan?
dapat nang baguhin ang lipunan

ikatlo'y bakit pinagpapala
ang mapang-api sa manggagawa
relasyon ng produksyon sa dukha
tubo'y laksa, sahod ay kaybaba
paggawang di mabayarang tama

iyan ang mga pamamaraan
ng pagsusuri nitong lipunan
mayroong syentipikong batayan
ang bawat nasa kapaligiran
iyan ang lagi nating tandaan

halina't mga ito'y aralin
diyalektiko'y pakaisipin
materyalismo'y ating yapusin
susuriin sa bagong pagtingin
ang mga nasa daigdig natin

kung sa dukha tayo'y nahahabag
at karapatan ay nalalabag
lahat iyan ay may paliwanag
bawat proseso'y ating ilatag
bawat mungkahi'y ating ihapag

syentipikong sosyalismo'y landas
upang sistema'y maging parehas
ang prinsipyong ito'y nag-aatas
pribadong pag-aaring marahas
ay pawiin na’t dapat magwakas

syentipikong sosyalismo'y diwa
ng ating hukbong mapagpalaya
dapat yakapin ng manggagawa
ang prinsipyong dapat maunawa
pagkat landas tungo sa paglaya

uring manggagawa, magkaisa
ang lipunan ninyo'y itatag na
pag-aralan ang bawat teorya
magsikhay tayo, mga kasama
tanganan ang diwang sosyalista

Biyernes, Marso 28, 2014

Katrina at Yolanda

KATRINA AT YOLANDA
ni Gregorio V. BituinJr.
15 pantig bawat taludtod

*280 kph si Katrina, 315 kph si Yolanda

napakabagsik nilang dalawa, napakabagsik
libu-libong mamamayan ang kanilang niyanig
pagkawasak ng marami ang alay nilang lintik
iba't ibang kabayanan ang nilamon ng tubig

higit isang libo't walongdaan ang nangamatay
nang sa Amerika si Katrina'y biglang naglakbay
tatlong doble nito sa Pilipinas lumupasay
nang si Yolanda naman yaong nanalasang tunay

nagbayanihan ang mga tao’t maraming bansa
iba't ibang sektor, kababaihan, manggagawa
makakalikasan, makata, dukha, pati bata
pagtutulungan nila'y tunay ngang kahanga-hanga

sadyang sa mga kababayan natin ay kayrami
ng nag-iisip paano tutulungan ang Leyte
at Samar, libu-libo'y apektado't nakasaksi
sa di nila inaasahang delubyong nangyari

sa gayong kalamidad, ano nang panlaban natin
sa galit ng kalikasan, anong marapat gawin
bagong Katrina't Yolanda'y huwag sanang dumating
ngunit dapat maging handa kung sasapit sa atin

ang kalunos-lunos na pangyayaring ito'y aral
paano aangkop pag kalamidad na'y dumatal?
anong paghahandang gagawin nang tayo'y tumagal?
pagtulungan ang solusyon, nasa diwa’y iusal

* bilang ng namatay batay sa opisyal na tala (Katrina - 1,833; Yolanda - 5,260)

Huwebes, Marso 27, 2014

Ikaw, Ms. M.

IKAW, MS. M.
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ikaw ang aking laya at pagkaalipin
ikaw ang aking laman sa hapdi ng hirin
ikaw ang aking pusong laging susuyuin
ikaw ang aking simula at adhikain
ikaw ang aking langit sa himpapawirin
ikaw ang aking nilay sa pulso ng bangin
ikaw ang aking sintang pakamamahalin

Ang naghahasa

ANG NAGHAHASA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

sumisigaw noon ang mama: "Hasa! Hasa!"
habang dala ang de-pedal niyang panghasa
naglalako ang tulad niyang manggagawa
ng kanyang serbisyo't angking lakas-paggawa

halina't ilabas ang gamit nyong mapurol
kutsilyong pangkusina, gulok at palakol
balisong at kris, hahasaing walang gatol
ngunit di naghahasa ng ulong mapurol

ang panghasa'y magaspang na bilugang bato
kakabit sa pedal, paiikutin ito
sa pedal papadyak, tangan yaong kutsilyo
tila nagbibisekleta ang mamang ito

sa bilugang bato, kutsilyo'y ididiin
ilalapat doon ng maingat ang talim
at sa hinahasa nakatutok ang tingin
habang alipato'y kumikislap ng lagim

pag ang gamit mo'y tumalim sa hasa niya
ang lakas-paggawa niya'y bayaran mo na
kakarampot man lang ang kanyang kinikita
makikitang marangal ang trabaho niya

Martes, Marso 25, 2014

Tulad din ng Thermopylae ang Pasong Tirad

TULAD DIN NG THERMOPYLAE ANG PASONG TIRAD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

tulad din ng Thermopylae ang Pasong Tirad
at si Gregorio del Pilar ang Leonidas
mga Amerikano'y Persyanong tumadtad
sa kanilang mga kaaway at umutas

estratehikong lugar ng pakikihamok
makasaysayang labanan doon sa bundok
nasa kasukalang di basta mapapasok
ng kanilang kaaway nang di malulugmok

naulit ang kasaysayan ni Leonidas
di umatras si del Pilar sa Pasong Tirad
sa kanilang pangkat ay kapwa may naghudas
nagsuplong sa kaaway, plano'y inilantad

labanan iyon hanggang sa huling hininga
sa Thermopylae, kalasag, sibat, espada
sa Pasong Tirad ay mga baril at bala
inubos ang maliit ng malaking pwersa

dalawang digmaang nagluwal ng bayani
labanang naging inspirasyon ng marami
Leonidas at del Pilar, pawang kaytindi
pinuno hanggang mamatay, saludo kami

* Si Haring Leonidas na ang pangalan ay nangangahulugang “mala-leon”ang hari ng Sparta sa pagitan ng 488 BC at 480 BC.
* Si Gregorio del Pilar (Nobyembre 14, 1875 - Disyembre 2, 1899) ang pinakabatang heneral na lumaban sa Digmaang Pilipino-Amerikano.



* ang dalawang mapa'y kapwa mula sa google

Kaibahan ng mukhang maamo sa maamong mukha

KAIBAHAN NG MUKHANG MAAMO SA MAAMONG MUKHA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

iba ang mukhang maamo
kaysa sa maamong mukha
ang una'y himig totoo
sa ikalawa'y may duda

aba'y binaligtad lamang
yaong dalawang salita
ngunit nagkaiba agad
yaong angking nilang diwa

pagkat ganyang kahiwaga
ang ating mga salita
pag nagbabago ng anyo
kapara'y ilaya't hulo

Lunes, Marso 24, 2014

Kung paano naging Leninista si Ho Chi Minh

KUNG PAANO NAGING LENINISTA SI HO CHI MINH
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Ang rebolusyonaryong Ho Chi Minh minsa'y nagtanong
laman ng isipan ay sinabi sa isang pulong:

"Aling internasyunal ang dapat panigan natin
na sa mga mamamayang kinolonya'y panig din?"

Agad tumugon ang ilang kasama: "Ang ikatlo!
Di ang ikalawang internasyunal na naburo."

Isang kasama ang nagbigay ng aklat ni Lenin:
pamagat: "Tesis sa pambansa't kolonyang usapin"

Binasa niya iyon ngunit kayraming salita
na pawang pulitikal na di niya maunawa

Hanggang sa binasa niya iyong paulit-ulit
at ang diwa niyon sa isipan niya'y pumagkit

Bigla niyang nadama sa kanyang kaibuturan
ang sigla, liwanag, katapatan ng nilalaman

At dumaloy sa pisngi yaong luha ng ligaya
Napahiyaw bagamat sa silid ay nag-iisa

Hiyaw na tila sa mga kasama'y talumpati
Nakita na ang tatapos sa kanilang pighati:

"Kababayan, ito ang ating kailangang lubha,
ang landas patungo sa ating tunay na paglaya!"

Kaya si Ho Chi Minh sa artikulo'y isinulat
Leninista siya, sa mambabasa'y pagtatapat

Mula noon, tinanganan niya ang Leninismo
nang lumaon, rebolusyon nila’y naipanalo

- ang tula'y ibinatay sa akdang "The Path Which Led Me To Leninism" ni Ho Chi Minh, na nalathala noong 1960

Diyalektika'y ating angkinin

DIYALEKTIKA'Y ATING ANGKININ
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ayaw nila ng teorya ng pagbabago
di raw dapat ang diyalektika sa tao
diyalektika'y pagsusuring syentipiko
bakit ba ayaw nilang pag-aralan ito?

pagkat sila kasi ang unang tatamaan
ng pagbabagong hinahangad nitong bayan
pag ang tao, diyalektika'y natutunan
tiyak masusuri ang uri sa lipunan

bakit may mayaman, kayraming nagdurusa
sa lipunan, ilan lang ang nagtatamasa
ang lipunan dapat pag-aralan ng masa
teorya ng pagbabago'y aralin nila

ngunit di papayag ang naghaharing uri
sa kapangyarihan ay nais manatili
diyalektika'y iwasan, dapat humindi
iwaksi ang diyalektikang pagsusuri

nais na ng dukhang makaalpas sa hirap
kaya pagbabago'y kanilang hinahanap
diyalektika'y landas tungo sa pangarap
na pagbabago upang ginhawa'y malasap

anong dahilan ng hirap ng sambayanan
bakit dukha'y laksa, karampot ang mayaman
sinong nag-aari ng lupa't kayamanan
na dapat ipamahagi sa buong bayan

ano bang klaseng sistema mayroon tayo
sa limpak na tubo'y kakarampot ang sweldo
gutom ang dukha't nagsisipag na obrero
di ba't dapat lang pantay ang lagay ng tao

yaman ng lipunan dapat ipamahagi
ng pantay sa lahat, dapat wala nang uri
lahat ay may karapatan, pulubi't hindi
dapat iwaksi ang pribadong pag-aari

halina't pag-aralan ang diyalektika
na gabay sa pagbabago para sa masa
sinusuri't inuunawa ang sistema
bakit may mapang-api't mapagsamantala

walang mawawala kung pag-aralan natin
ang diyalektikang dapat nating angkinin
itong diyalektika ang sandata natin
sa pagsusuri upang sistema'y baguhin

Sabado, Marso 22, 2014

Wala nang hininga ang mga puno

WALA NANG HININGA ANG MGA PUNO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

noon ay nabubuhay sila bilang puno
pahingahan ng ibon sa ilaya't hulo
sa gubat na tahanan ay walang siphayo
bawat puno'y malaya sa lahat ng dako

ngunit ngayon, puno'y nawalang isa-isa
pinagpapalakol, sila'y pinagkukuha
ginawang troso ng mga kapitalista
punong pinaslang, troso nang walang hininga

noon, puno silang nag-aalay ng lilim
at prutas sa mga dumanas ng panimdim
ngayon, mga puno'y dinapuan ng lagim
pinaslang ng mga nakangisi ng lihim

buhay nila'y tinapos, dumating ang sigwa
kayraming nasalanta, kawawa ang madla
walang sumanggalang sa dumatal na baha
mga punong naging troso'y walang nagawa

Ang pusang mandarambong

ANG PUSANG MANDARAMBONG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

bawat akda'y mulang pawis na tumutulo
at sa utak na sa tuwina'y dumudugo
minsan sa gutom, ako'y bumili ng tuyo
upang ipang-ulam, siya kong iniluto

matapos magluto'y naggayat ng kamatis
sa tuyo't kamatis lang muna nagtitiis
minsan, buhay-maralita'y nakakainis
di makasapol, lagi nang padaplis-daplis

habang naggagayat, pusa pala'y naroon
nang ako'y makalingat, ang tuyo'y dinambong
kaya kutsilyong tangan, naipukol doon
ang nalawayang tuyo'y di ko na malamon

mandarambong na pusa, sige, bumalik ka!
di ka nakiusap, binigyan sana kita
sa nilutong tuyo'y hati kitang dalawa
ngunit buong tuyo'y tinangay mong hudas ka!

Biyernes, Marso 21, 2014

Maganda ang kayumanggi

MAGANDA ANG KAYUMANGGI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

sino ang maysabing pangit ang kayumanggi
sino pa, kundi ang mga dayuhang puti
mga dayong puti silang mapang-aglahi
inaapak-apakan ang dangal ng lahi

teka, basta ba maputi ay maganda na
ginagatungan pa ng mga kosmetika
pamahid na pampaputi ay pampaganda
ito ang binebenta sa mga dalaga

kayraming dalagang bukid sa kanayunan
balat ay kintab, kayumangging kaligatan
sunog man sa araw ay pagkaganda naman
at kaytamis ng angking ngiti't kalooban

Huwebes, Marso 20, 2014

Ang mamatay nang may dangal

ANG MAMATAY NANG MAY DANGAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ganito ko nais malagutan ng buhay
buong pagkatao'y kinikilalang tunay
makatang marangal, prinsipyadong namatay
puso't diwa'y payapa sa aking paghimlay
mga naiwang katha yaong mag-iingay

Miyerkules, Marso 19, 2014

Ang bayabas ni Juan Tamad

ANG BAYABAS NI JUAN TAMAD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

itong si Juan Tamad ay nangangarap bumagsak
ang bayabas sa bibig, ay naku, siya ba'y tunggak?
kaydali namang kunin at ang paraan ay payak
pitasin niya ang bayabas habang umiindak

maaari namang batakin niya yaong buto
mag-unat ng katawan, tuluyang mag-ehersisyo
saka na ang bayabas, magbunot muna ng damo
may panahon ding hihinog ang bayabas na gusto

o siya'y isang tagapagtanggol ng kalikasan
pag bubot pa ang bayabas, dapat munang hayaan
nganganga lang pag hinog na't babagsak nang tuluyan
kung iyon ang diskarte niya, aba'y kainaman!

pag bayabas pa'y hilaw, aba'y magsaging ka muna!
o kaya'y pagtatanim ng kamote'y simulan na
habang di hinog ang bayabas, may tanim kang iba
na makakain mo habang bayabas ay hilaw pa

ang diskarte ba ni Juan ay iyong gagayahin?
o panahon ng taghinog ay iyong hihintayin?
ang kapara mo ba'y pakong dapat pang martilyuhin
upang kumilos at maisagawa ang hangarin?

Lunes, Marso 17, 2014

Pusong pilay

PUSONG PILAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

pilay kong puso'y paano ba hinihilot
pusong maysakit, paano ba ginagamot
ibigin ka'y iyo bang ipahihintulot
turan mo, dilag, nang malaman ko ang sagot

may lunas pa kaya itong puso kong pilay?
na sa iyong kandungan ay nais humimlay
at sa mga balikat mo'y nais dumantay
halina't puso ko'y alagaan mong tunay

Linggo, Marso 16, 2014

Tugon sa padala ni Fides sa FB

TUGON SA PADALA NI FIDES SA FB
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

(Tinugon ko ng tula ang picture quote na ini-upload ni classmate Fides sa kanyang FB Wall.)

tangi ngang ang tunay na pag-ibig
ang gagamot sa pusong kaylamig
kung dilag sa puso'y nakaantig
ang pagsinta'y dapat iparinig

Sabado, Marso 15, 2014

Ang ginto sa putikan

ANG GINTO SA PUTIKAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

hinahanap ko ang mutya doon sa putik
dahil sa putikan daw ginto'y nakahasik
mutyang dilag ang gintong pangarap ko't hibik
na aalayan ko ng maalab na halik

pinahihirapan ako ng mutyang asam
ngunit mabuti na ito kahit mabalam
pag pinaghirapan, ika nga'y malinamnam
di sapilitang kalburong ginunam-gunam

matatagpuan ko rin ang hanap na mutya
na di makita sa maghapong kalumbaba
sa paghanap sa putikan ay magtitiyaga
dapat kumilos nang matamo ang adhika

Biyernes, Marso 14, 2014

Pabaya sa kanin

PABAYA SA KANIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
6 pantig bawat taludtod

nagsaing si Saling
na pabaya man din
nasunog ang kanin
tutong ang kinain

ganyan ang napala
ng mga pabaya
siya ang kawawa
sa pinaggagawa

kaya maging listo
lalo't may adobo
sunog ang kanin mo
di makaing todo

ang payo ko lamang
huwag mong iiwan
ang apoy sa kalan
nang di masunugan

Huwebes, Marso 13, 2014

Walang Bakas

WALANG BAKAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

ang buong panahon ba'y / panahon ng lunggati
pagkat ang buhay nila'y / puno ng dalamhati
tuliro yaong diwa / puso'y walang baluti
patuloy sa pagdugo / hustisya yaong mithi

walang anumang bakas / saan kaya nagpunta?
kwento'y pinagtutugma / sila kaya'y nahan na?
sinong huling kasama? / saan huling nakita?
bakit di na nagbalik? / nagtila bula sila!

sari-sari ang kwento / iba't iba ang bintang
ang mga nangawala'y / tuluyan bang pinaslang?
alaala'y kaypait / hanggang gunita na lang
nangyari sa kanila'y / sino kayang may lalang?

bakit sila nawala? / sino yaong nagwala?
nawala ba'y winala? / sinong mga maygawa?
silang kasama nati'y / laging nagugunita
hustisya'y nasaan na? / puso'y di pumayapa

hinalughog ang lupa / sila ba'y nangautas?
yaong mga libingan / may dugo ba at katas?
ibalibag man kahit / bundok, sinong nag-atas?
upang ang tulad nila'y / maglahong walang bakas...

Miyerkules, Marso 12, 2014

Tula sa Bahay Kubo

BAHAY KUBO

Bahay kubo
Kahit maliit
Pahingahan ito
Ng aming paslit
Yari sa kawayan
Ang dingding at sahig
Sasa naman ang atip
Dito'y malamig
Ang ihip ng hangin
Naglalatag ng banig
Pag gabing madilim
Bahay kubong sarili
At kaysarap damhin
Sa buong pamilya’y
Pugad ng pag-ibig.

- gregbituinjr.

Martes, Marso 11, 2014

Ilang dalit sa buhay-buhay

ILANG DALIT SA BUHAY-BUHAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Hindi anino ni Adan
si Eva, kundi katuwang
sa kanilang sambahayan
at tungkulin sa lipunan

Pabago-bago ang hangin
doon sa himpapawirin
tangay nito ang buhangin
na sadyang nakakapuwing

Palaso't busog ni Eros
sa puso niya'y tumagos
at minahal niyang lubos
ang dalagang si Remedios

Pag-uwi'y agad tutungga
sa alak nakatulala
si Misis yaong kawawa
pag si Mister na'y dumapa

Sinasariwa sa kwento
ng kaibigan kong henyo
na kanyang inasikaso
ang iba't ibang atomo

Kung ano ang layon

KUNG ANO ANG LAYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat layunin

"A boat is safe in the harbor. But this is not the purpose of a boat." ~ Paulo Coelho

aktibista tayong hindi dapat patulog-tulog
pagkat nais nating bulok na sistema'y madurog
alam nating may panganib sa kilusang pinasok
kaya handa tayo kung sakaling tayo'y malugmok
buhay natin sa dakilang layunin inihandog

maaari namang naroroon sa bahay ka lang
wala pang panganib na baka ikaw ay mapaslang
ngunit dahil sa layuning ang yaman ng lipunan
ay maibahagi sa masa't nang masa'y makinabang
niyapos ang prinsipyo't simulain ng kilusan

ligtas doon sa dalampasigan ang bawat bangka
ngunit di ganyan ang layon nitong gamit-pangisda
dapat itong pumalaot dala ng mangingisda
sa panahong wala pang unos, dagat pa ay hupa
at ligtas sila sa bangka dumaan man ang sigwa

tulad din ng aktibistang may dakilang layunin
niyakap niya ang prinsipyo't mga simulain
ng kilusang ang kalabang uri'y tutunggaliin
at kikilos ang aktibista saanman abutin
maipagtagumpay lamang ang dakilang hangarin

Lunes, Marso 10, 2014

Pagkilala ng mundo kay Alberto Garcia

PAGKILALA NG MUNDO KAY ALBERTO GARCIA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

sa tamang oras, sa agarang pitik sa kamera
litrato ng Pilipinong si Alberto Garcia
hinggil sa pagputok ng Pinatubo'y kinilala
halina't ating basahin yaong kanyang istorya
http://globalnation.inquirer.net/100047/filipinos-pinatubo-photo-named-among-greatest-of-all-time



Linggo, Marso 9, 2014

Babae'y galing sa sinapupunan, di sa tadyang

BABAE'Y GALING SA SINAPUPUNAN, DI SA TADYANG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Babae, sabi nila, hinugot ka lang sa tadyang
upang umano'y may kasama't aliwan si Adan
mula noon hanggang ngayon, wala kang karapatan
lalo sa pagpapasya sa sarili mong katawan

kaiba kina Adan ang katutubong istorya
pantay ang karapatan ni Malakas at Maganda
iginagalang ang pagkatao ng bawat isa
at di kubabaw si Lalaki sa kanyang asawa

karapatan mong magpasya, lumaban ka, Babae
pantay ang karapatan nyo't naming mga lalaki
iisa ang pagkatao ng lahat, yaong sabi
ni Emilio Jacinto, na isa nating bayani

ang bawat isa'y mula sa tiyan ng inang mahal
ilaw ng tahanan, tagahubog ng ating asal
mula tayo sa ina, dapat nating ikarangal
lahat sa ina nagmula, matalino ma't hangal

iyang si Eva lang marahil ang galing sa tadyang
ayon sa isang alamat nitong sangkatauhan;
sa agham, tayo'y galing kay inang sinapupunan
lahat tayo'y galing sa ina, at sa ina lamang

di ka hinugot sa kaninumang tadyang, Babae
lola man, ginang, bata, dalaginding, binibini
at di ka tagasilang lang, iyong silbi'y kaylaki
sa tahanan, sa bayan, sa lipunan, kami'y saksi

Biyernes, Marso 7, 2014

Sa ilalim ng rehimen

SA ILALIM NG REHIMEN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

basta kaalyado, tiyak na protektado
ngunit kung kaaway, kulong ka sigurado
ganyang lagi, anumang rehimen, gobyerno
sistema'y nagkukunwaring demokratiko

sistemang marahas, ngunit saan nagmula
ang ganitong dahas na dumurog sa madla
sistemang dahilan kung bakit may dalita
may mapagsamantala at may mga dukha

sistemang dahil sa pribadong pag-aari
sistemang yumurak sa ating mga puri
bunga nito'y mga rehimeng naghahari
na kayraming taong inapi't inaglahi

protektado pag kaalyado ng rehimen
pag di panig dito'y tiyak kakawawain
di makatao ang sistema nitong angkin
kaya dapat lang pag-aklasan at baguhin

Huwebes, Marso 6, 2014

ANG MASA ni César Vallejo, tulang salin

ANG MASA
ni César Vallejo, makatang taga-Peru
salin ni Greg Bituin Jr.

Matapos ang paglalabanan,
at namatay ang mandirigma, isang tao ang nagtungo sa kanya
at nagsabing 'Huwag kang mamatay, minamahal kitang labis!"
Ngunit ang bangkay, alalaong baga'y, patuloy na nauupos.

Dalawa pang tao ang nagsalita't inulit yaon:
"Huwag mo kaming iwan! Magpakatatag ka! Mabuhay ka!"
Ngunit ang bangkay, alalaong baga'y, patuloy na nauupos.

Dalawampu, sandaan, libo, kalahating milyon ang nagtungo sa kanya,
humihiyaw: "Sa matinding pag-ibig, at walang magagawa ang kamatayan!
Ngunit ang bangkay, alalaong baga'y, patuloy na nauupos.

Milyong katao na ang pumalibot sa kanya,
na may iisang panawagan: "Manatili ka rito, kapatid!"
Ngunit ang bangkay, alalaong baga'y, patuloy na nauupos.

Hanggang sa buong sangkatauhan ang pumalibot sa kanya;
naramdaman, napatingin ang malungkot na bangkay sa kanila;
at unti-unti siyang bumangon,
at niyapos ang unang tao; at nagsimulang maglakad...


MASSES
by César Vallejo

At the end of the battle,
and the combatant dead, a man came unto him
and said ‘Do not die, I love you so much!’
But the corpse, alas, kept on dying.

Two men approached and repeated:
‘Do not leave us! Be brave! Come back to life!’
But the corpse, alas, kept on dying.

Twenty, a hundred, a thousand, half a million came toward him,
shouting: ‘So much love, and nothing can be done against death!’
But the corpse, alas, kept on dying.

Millions of people surrounded him,
with one common plea: ‘Stay here, brother!’
But the corpse, alas, kept on dying.

Then, all the men of the earth
surrounded him; moved, the sad corpse looked at them;
he rose up slowly,
embraced the first man; started to walk . . .


MASA
César Vallejo

Al fin de la batalla,
y muerto el combatiente, vino hacia él un hombre
y le dijo: “No mueras, te amo tánto!”
Pero el cadáver ¡ay! siguió muriendo.

Se le acercaron dos y repitiéronle:
“No nos dejes! ¡Valor! ¡Vuelve a la vida!”
Pero el cadáver ¡ay! siguió muriendo.

Acudieron a él veinte, cien, mil, quinientos mil,
clamando: “Tánto amor, y no poder nada contra la muerte!”
Pero el cadáver ¡ay! siguió muriendo.

Le rodearon millones de individuos,
con un ruego común: “¡Quédate hermano!”
Pero el cadáver ¡ay! siguió muriendo.

Entonces, todos los hombres de la tierra
le rodearon; les vio el cadáver triste, emocionado;
incorporóse lentamente,
abrazó al primer hombre; echóse a andar . . .

* César Abraham Vallejo Mendoza was a Peruvian poet, writer, playwright, and journalist. Although he published only three books of poetry during his lifetime, he is considered one of the great poetic innovators of the 20th century in any language. Wikipedia

Miyerkules, Marso 5, 2014

Ang istambay sa lababo

ANG ISTAMBAY SA LABABO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

araw-gabi siyang naghuhugas ng plato
pagkat iyon ang nakuha niyang trabago
kung siya'y alilang istambay sa lababo
magaling kayang mag-asikaso ng tubo?

isa sa sikat ang napasukang retawran
sa ibang bansang kanyang pinagtrabahuhan
sa ibayong dagat siya'y nandarayuhan
nang may mapakain sa pamilyang naiwan

istambay sa lababo, siya'y tagahugas
tinitiyak na bawat plato'y di madulas
isang trabahong marangal, talagang patas
walang katiwalian, sa kapwa'y parehas

sa gabi'y nangangarap habang patang-pata
mapagtapos ang anak ay ikatutuwa
kahit sa malayo siya'y nagpaalila
pagkat para sa pamilya ang ginagawa

Martes, Marso 4, 2014

Tula sa kaminero

TULA SA KAMINERO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

di maregular at kadalasang sila'y kontraktwal
ngunit kaysisipag nilang maglinis ng imburnal
mga butas na kalsada'y nilalagyan ng tapal
maghapong nagtatrabaho't kita mong napapagal
sila ang mga kaminero, trabaho'y marangal

sa kalsada'y palagi natin silang nakikita
nagtatabas ng mga damo sa gitna ng Edsa
palad nila'y nagkakalipak na sa kapapala
ng bato't buhanging panambas sa sirang kalsada
isa'y hawak lagi ang palang pamana ng ama

kaminero silang kabilang sa laksang paggawa
marami'y sunog na sa araw ang balat at mukha
karamihan sa kanila'y mas dukha pa sa daga
kayod ng kayod kahit katawan na'y nanghihina
di kasi sila mga regular na manggagawa

ganyan ang buhay nilang kaminerong kilala ko
barungbarong ang tirahan, tabing-ilog ang pwesto
sa kanila, mahirap man ang maging kaminero
kakayod sa trabaho't magtitiyagang totoo
upang pamilya'y maiahon sa hirap sa mundo

Linggo, Marso 2, 2014

Pagpugayan ang mga martir

PAGPUGAYAN ANG MGA MARTIR
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

iginuhit sa dugo yaring kasaysayan
bawat sakripisyo'y dapat pahalagahan
alalahanin ang ginawa nila't ngalan
mga nakibakang puspos ng kagitingan

ating gunitain di lang ang mga lider
kundi bawat lumaban, mga naging martir
karaniwang tao mang binangga ang pader
at nag-adhikang ibagsak ang nasa poder

kayrami nilang namatay nang di pa oras
silang matatag sa prinsipyong nilalandas
upang likhain ang pinangarap na bukas
ngunit marami'y pinaslang ng mararahas

nag-alay ng buhay para sa simulain
nag-alay ng talino't panahon sa atin
pinagtanggol ang prinsipyo't kilusan natin
silang mga martir ay dapat kilalanin

Ang bayabas at si Juan Tamad

ANG BAYABAS AT SI JUAN TAMAD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

tama bang hintayin na lang ni Juan Tamad?
ang pagbagsak sa kanyang bibig ng bayabas?
ginawa ba niya'y tanda ng pagkaungas?
kawalan ba niya ng talino'y nalantad?

natuto kaya si Juan Tamad kay Newton
bayabas ay babagsak sa takdang panahon
matiyagang naghintay, matatag na miron
di kayang matinag sa kanyang nilalayon

ngunit ilang araw pa ang dapat hintayin?
bago niya makuha ang kanyang layunin
mautak si Juan, alam rin ang gagawin
alam niya kung ano ang tamang isipin

pag ang bayabas pa'y hilaw, siya'y wala pa
kaya ang pinipitas niya'y ibang bunga
di siya magugutom, may saging pa't pinya
pag bayabas na'y nahinog, saka nganganga

kaya saglit lamang, bayabas na'y babagsak
diretso sa bibig ang asam na bayabas
nabusog siya sa unti-unting pagkagat
kaya sinong maysabing di siya mautak?

Sabado, Marso 1, 2014

Ang Pebrero ng lumbay

ANG PEBRERO NG LUMBAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

malungkot ang Pebrero / nitong mga pangarap
pagkat walang pag-ibig / na muling nagpamulat
sa pusong tigang, tila / pinanawan ng galak
upang sa isang dilag / ay muling magpasiklab

aking inaabangan / ang ngiting sakdal-ganda
na sa iwi kong puso'y / laging humaharana
tila ako bayaning / kahit sanlibong bala
ay haharapin basta't / masilayan lamang siya

ah, kailan darating / ang wagas na pag-ibig
panahon kaya yaong / magbibigkis nang pilit
upang puso ng dilag / ay akin nang masungkit
upang dilag na iyon / ay aking makaniig

musa nitong damdamin, / pangarap kong diwata
yaring puso'y maysakit, / baka ito'y lumubha
nawa'y iyong pakinggan / ang pusong lumuluha
nais ko sa Pebrerong / ito'y ligaya't tuwa

malungkot ang Pebrerong / dumudurog sa puso
ramdam kong buong ako'y / sakbibi ng siphayo
nasaan ang diwatang / pangarap na masuyo
marahil ay naroon / sa puso kong nagdugo