Linggo, Marso 9, 2014

Babae'y galing sa sinapupunan, di sa tadyang

BABAE'Y GALING SA SINAPUPUNAN, DI SA TADYANG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Babae, sabi nila, hinugot ka lang sa tadyang
upang umano'y may kasama't aliwan si Adan
mula noon hanggang ngayon, wala kang karapatan
lalo sa pagpapasya sa sarili mong katawan

kaiba kina Adan ang katutubong istorya
pantay ang karapatan ni Malakas at Maganda
iginagalang ang pagkatao ng bawat isa
at di kubabaw si Lalaki sa kanyang asawa

karapatan mong magpasya, lumaban ka, Babae
pantay ang karapatan nyo't naming mga lalaki
iisa ang pagkatao ng lahat, yaong sabi
ni Emilio Jacinto, na isa nating bayani

ang bawat isa'y mula sa tiyan ng inang mahal
ilaw ng tahanan, tagahubog ng ating asal
mula tayo sa ina, dapat nating ikarangal
lahat sa ina nagmula, matalino ma't hangal

iyang si Eva lang marahil ang galing sa tadyang
ayon sa isang alamat nitong sangkatauhan;
sa agham, tayo'y galing kay inang sinapupunan
lahat tayo'y galing sa ina, at sa ina lamang

di ka hinugot sa kaninumang tadyang, Babae
lola man, ginang, bata, dalaginding, binibini
at di ka tagasilang lang, iyong silbi'y kaylaki
sa tahanan, sa bayan, sa lipunan, kami'y saksi

Walang komento: