Martes, Disyembre 10, 2013

Sa parang ng dusa, sa hukay ng korapsyon

SA PARANG NG DUSA, SA HUKAY NG KURAPSYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ikasiyam ng Disyembre ng bawat taon
ay daigdigang araw laban sa korapsyon
isang araw ng pagnamnam sa tamang layon
kung bakit dapat iwaksi ang gawang iyon

mga trapong ganid, laging silaw sa pera
salapi ng bayan ang binubulsa nila
ang serbisyo'y ninenegosyo't kumikita
sa mga proyekto't sila'y nagtatamasa

anila, kung walang korap, walang mahirap
ngunit sa islogang iyon, huwag kukurap
baka matalisod mo silang mapagpanggap
mga trapong tusong hinehele sa ulap

sa sistema ng trapo'y galit na ang dukha
galit na rin pati ang uring manggagawa
dahil sa korapsyon, kayraming nakawawa
ibagsak na iyang mga trapong kuhila

trapong walang kabusugan, lamon ng lamon
buong bayan na ang kanilang binabaon
sa parang ng dusa, sa hukay ng korapsyon
dapat lang silang ilugmok ng rebolusyon

Walang komento: