Linggo, Disyembre 1, 2013

Ang ulilang marker


ANG ULILANG MARKER
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

nag-iisa ang marker na iyon sa ilang
walang katabing estatwa o gusali man
tila doon ay wala iyong kasaysayan
bakit iyon nasa sukal ng kalunsuran

matindi pa naman ang doo'y nakatala
pag-alala sa comfort women noong digma
tanda ng kaapihan ang ginugunita
ng marker na iyong tigib ng dusa't luha

nasa sulok lang ng Liwasang Bonifacio
di kapansin-pansin, di daanan ng tao
ni wala ka nga doong makitang rebulto
sadyang nangungulila ang marker na ito

gayunman, buti't may ganitong marker doon
isang gunita noong panahon ng Hapon
higit libong babae'y ginahasa noon
na panawagan pa rin ay hustisya ngayon

ang ulilang marker ay isang paalala
na may nangyaring ganoon dito noon pa
gunitain ang mga babaeng biktima
at dinggin natin ang sigaw nilang hustisya!

* Ang ulilang marker na ito ay nasa likod ng rebulto ni Gat Andres Bonifacio sa Liwasang Bonifacio, at nasa gilid ng tulay patungong Jones Bridge. Di ito kapansin-pansin kung hindi lalapitan. Hindi daanan ng tao. Natsambahan lang na makita dahil kailangang maghanap ng CR. Kuha noong Nobyembre 30, 2013, sa ika-150 kaarawan ng ating bayaning si Gat Andres Bonifacio.

Walang komento: