Biyernes, Agosto 23, 2013

Limang Dalit sa Kalibre.45

LIMANG DALIT SA KALIBRE.45
ni Gregorio V. Bituin Jr.

PANANGGA

kalibre kwarenta'y singko
ang tangan niyang totoo
tsapa niya't abogado
sa sinong loloko-loko

LAYON

ano bang iyong adhika
ang magkabaril ba't tama
kung ang layon mo'y masama
kakamtin mo'y dusa't luha

PAGBUNOT

pag baril, iyong binunot
tiyakin mong ipuputok
pag ikaw ay nagbantulot
ikaw'y kanyang ilulugmok

ASINTADO

dapat pagtira'y di sablay
di nanginginig ang kamay
pag naunahan kang tunay
mababaon ka sa hukay

HUSTISYA

dapat laging isipin mo
pagkalabit ng gatilyo
may mapapatay kang tao
makatarungan ba ito?

Walang komento: