KUNG DUMISKARTE ANG MGA KASAMA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
yaong mga kasama'y pawang maparaan
magaling dumiskarte sa pang-araw-araw
ngunit may sinusunod silang panuntunan
gabay ay kawastuhan, prinsipyadong galaw
anumang hiniram ay dapat mong ibalik
anumang iyong nasira'y bayarang pilit
ang paggalang sa kapwa'y nasa puso't isip
dito'y laging pagpapakatao ang salik
huwag lalamangan ang manggagawa't dukha
igalang ang mga babae't matatanda
maging makatwiran sa bawat pasya't gawa
maging makatarungan din sa puso't diwa
kapos ka man sa buhay sa araw at gabi
mabuhay lang ang pamilya'y dumidiskarte
nagtatrabaho't nagsisikap ng maigi
sa kapwa'y di nanlalamang, di nang-aapi
dumidiskarte ng maayos at marangal
binabayarang wasto ang perang hiniram
kung mangusap sa kapwa'y tunay na magalang
ang diskarte'y may pagpapakataong tunay
mabuhay kayong sa bayan ay nagsisilbi
nang walang pag-iimbot, may pagkabayani
kasama'y prinsipyado nga kung dumiskarte
at sa kanila'y hindi kayo magsisisi
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento