Lunes, Disyembre 30, 2013

Malamig ang kaway ng umaga

MALAMIG ANG KAWAY NG UMAGA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

malamig ang kaway ng umaga
tila sinusuyod ng pagsinta
ang mga naghihirap na masa
na adhika'y lumaya sa dusa

Linggo, Disyembre 29, 2013

Ang inang maysakit na nais iligaw

ANG INANG MAYSAKIT NA NAIS ILIGAW
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

may isang anak na ina'y nais niyang iligaw
doon sa kagubatan hanggang sa ito'y pumanaw

dahil wala nang lunas ang sakit ng inang mahal
at sa pag-aalaga'y di na siya makatagal

kanyang pinasan ang ina hanggang sa makarating
sa sulok ng kagubatan ngunit kanyang napansin

sa bawat madaanan ay pinuputol ng ina
ang bawat sanga ng punong nadaraanan nila

anak ay napaisip bakit ginagawa ito
kaya tinanong ang butihing ina hinggil dito

anang ina: pinutol ko ang mga sanga, anak
nang sa pag-uwi'y di ka maligaw o mapahamak

Sabado, Disyembre 28, 2013

Lalaboy muli akong kapara'y pulubi

LALABOY MULI AKONG KAPARA'Y PULUBI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

muli akong lalaboy, animo'y isang pulubi
kaylayong lakarin, pahihirapan ang sarili
ngunit di nanghihingi ng awa sa tabi-tabi
palaboy sa lansangan hanggang abutin ng gabi

sa isip ay nagtatanong, ano pang aking silbi
sa daigdig na itong kayraming tiwali't imbi
kumpara sa iba, sadyang ako'y walang sinabi
aktibista ako'y pulubi pang di mapakali

tingnan ang trapong sa katiwalian nahirati
di makinig sa dukha ng problemang sinasabi
gamit ang pera ng bayan sa magaganda't seksi
lider daw ngunit sa problema ng bayan ay pipi

ang taumbayan mismo ang tunay na piping saksi
napansin ko ito habang kapara ko'y pulubi

Biyernes, Disyembre 27, 2013

Tulad ko'y maaaring mamatay ng walang puntod

TULAD KO'Y MAARING MAMATAY NG WALANG PUNTOD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

sino ba ako, isang aktibistang makata?
ako ba'y sino, isang makatang hampaslupa?
pag tumapak sa ilog, tiyak kang mababasa
mapuputikan ka rin pagtapak mo sa lupa

halimbawang nadukot ako't biglang nawala
may maghahanap kaya, o maaaring wala
ako'y kilala lamang dahil sa mga tula
tula lang ang kilala at di ang aking mukha

tagatirintas lamang daw ng sanlaksang luha
tagapagsiwalat din kung sino ang kuhila
tila tagaipon ng di mabilang na sumpa
ngunit ang bayan pa ri'y nag-alay ng tiwala

nasaan na ang puntod ng pulubing makata
hindi makita, baka lumutang na sa baha

Huwebes, Disyembre 26, 2013

Seppuku ng isang makata

SEPPUKU NG ISANG MAKATA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

pag nadungisan yaong pagkatao
makata'y dapat gawin ang seppuku
nang dangal ay maibalik ng todo
pati na pagtitiwala ng tao

alagaan ang ating karangalan
gawing matagumpay bawat larangan
pag nabigong dangal ay protektahan
dapat seppuku'y gawin nang tuluyan

tulad sa Hapon at diwang Bushido
mahalaga ang dangal at pagkatao
kapag ito'y nayurakan ng todo
dapat nang magsagawa ng seppuku

sakali man, seppuku'y gagawin ko
sa rebulto ni Andres Bonifacio
sa Tutuban pagkat ito'y simbolo
na makata rin ang bayaning ito

habang Kartilya'y tangan ko sa kamay
at sa kabilang kamay ay balaraw
seppuku'y isasagawang marahan
habang nasa isip ang karangalan

Miyerkules, Disyembre 25, 2013

Buksan ang Regalo at Puso

BUKSAN ANG REGALO AT PUSO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

sa pagdiriwang natin nitong Kapaskuhan
di lamang regalo ang dapat nating buksan
pagkat panahon ito ng pagbibigayan
at di lamang pagtanggap ng mga laruan
damit, gamit, pulutan, o pag-iinuman

ating buksan di lang regalo kundi puso
sa mga kasama, katrabaho, kadugo
ang Pasko'y di panahon ng pagkasiphayo
kundi pagpapatawad, di pagkatuliro
maigi kung ang regalo natin ay puso

ang Kapaskuhan ay panahon ng pag-ibig
pagmamahal sa bawat isa'y maririnig
Pasko'y pagsilang ng mapagpalayang kabig
ng sambayanang sa problema'y natutulig
pagbabago ang nais nilang maulinig

buksan ang regalo, ang bagay na materyal
buksan ang puso, ialay ang pagmamahal
pakikipagkapwa nawa'y laging umiral
sa bawat araw na sa atin dumaratal
upang bawat isa'y mabuhay ng may dangal

Kapos sa pamilya, ubos-biyaya sa alak

KAPOS SA PAMILYA, UBOS-BIYAYA SA ALAK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

minsan, nagtanong ang kapatid kong babae
sadyang pambukas-isip ang tanong ni Ate
"bakit may mga taong kapos sa pamilya
na pagdating sa alak ay ubos-biyaya?"
ako'y natauhan sa binitiwang tanong
ang sinabi niya'y isang pagkakataon
upang pagnilayang mabuti ang sarili
ang kaunti kong pera ba'y ipambibili
ng alak at pulutan, mag-ubos biyaya
at hindi tipirin ang naipon kong pera
isang tanong iyong pinapipili ako
kung anong mahalaga sa dalawang ito
ubusin sa alak ang ipon kong salapi
sa pamilya'y wala nang laman ang kalupi
maraming salamat, Ate, sa iyong puna
mas dapat kong pahalagahan ang pamilya

Lunes, Disyembre 23, 2013

Payak na pamumuhay

PAYAK NA PAMUMUHAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

payak na pamumuhay lang ang pangarap ko't hangad
kahit walang salapi kung ito ang tanging palad
karangalan at pagkatao'y di nababaligtad
ang paa'y lapat sa lupa't ang buhay ay di huwad
nabubuhay mang dukha ay di naman hubo't hubad

ang nais kong kamting buhay ay yaong maginhawa
bagamat di mayaman, di naman kaawa-awa
buhay ay may hustisya kahit pa nagdaralita
taas-noo, nagpapakatao, di hampaslupa
nabubuhay nang marangal kahit pa walang-wala

sa bawat araw ay tatlong beses nakakakain
kapwa'y kapantay, di magagawang api-apihin
pagkatao't puri ng kapwa'y ginagalang man din
ang pagkagutom ng tiyan ay mas mamatamisin
kaysa pag-aari ng iba'y kunin at angkinin

sa buhay na payak, malinis na loob ang una
kung anong mga naririyan ay tatanggapin na
di maiinggit o maghahangad ng sobra-sobra
di magnanasa ng kagitna't magsasamantala
sa piniling landas, pagkatao ang mahalaga

Mga sirang arinola

MGA SIRANG ARINOLA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

sila ang tagasalo ng ihi ng iba
di lang isa, kundi dalawa o higit pa

kahit maghalo-halo'y walang pakialam
tutal, ang tulad nila'y walang pakiramdam

sila ang tagasalo ng ihing mapalot
na para bang tagakupkop ng mga salot

alingasaw yaong kanilang pagkapanghi
na ang pinakaubod ay sadyang kadiri

tila ang natatangi nila ditong layon
mga dumi ng iba'y sila ang lalamon

sila'y hanap pag pantog na'y nag-alburuto
silang kita ang itinatago ng tao

ngunit sila'y nagagatô rin, naluluma
anumang salo, nababasa na ang lupa

butas na ang ilalim, di na mapasakan
paglilingkod nila'y nagwakas nang tuluyan

nagsisilbi sila'y wala na palang silbi
parang trapong di matipon ang mga dumi

anong dapat sa mga sirang arinola
itapon na sila, tama na, palitan na!

Linggo, Disyembre 22, 2013

Ang kabuluhan ng kabulukan

ANG KABULUHAN NG KABULUKAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ang kabulukan kaya'y mayroon pang kabuluhan?
kung wala naman, ano pang saysay ng kabulukan?

alam natin na may hangganan din ang bawat bagay
tulad ng tao, may pagkasilang at pagkamatay

sistemang bulok nga'y tiyak na may katapusan din
ngunit bakit kaya dito'y may yumayakap pa rin

dahil tulad ng buwitreng kumakain ng bulok
ang nakikinabang sa ganitong sistema'y hayok

mapang-api't hayok na hayok sa laman ng kapwa
linta sa pawis at dugo ng masa't manggagawa

ang kabuluhan ng kabulukan ay ang malaman
ng taumbayan na pagbabago na'y kailangan

Solo man sa laban

SOLO MAN SA LABAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

basta alam mong nasa tama ka
lumaban ka kahit nag-iisa

Bathala ma'y walang pakialam
kasama ma'y walang pakiramdam

solo man sa laban, magpatuloy
kaysa malubog ka sa kumunoy

kaaway mo ma'y sanlaksang praning
kalaban ma'y laging nagpipiging

kaaway mo ma'y sa yaman sakdal
at kaydaming baril, mga kawal

durugin ang mga walang budhi
dangal mo'y dapat mapanatili

basta alam mong nasa tama ka
lumaban ka kahit nag-iisa

Wala nang karapatan yaong may dungis na dangal

WALA NANG KARAPATAN YAONG MAY DUNGIS NA DANGAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

wala nang karapatan yaong may dungis na dangal
dahil ang kilusan ay di sangtwaryo ng kriminal
dito prinsipyo'y yakap pati disiplinang bakal
hindi maaari dito ang may pusong pusakal

tulad din sa mahal na Katipunan pag sumapi
pulos sakripisyo dito't wala ritong salapi
pagbabago't pagpapakatao ang dito'y mithi
ang prinsipyo ng kilusan ay susunding masidhi

kung may ginawa kang mali sa kasama't kilusan
ang magtagal pa rito'y ano pa yaong dahilan
kundi parusa'y tanggapin sa iyong kasalanan
at sa kilusan ay dapat umalis nang tuluyan

mahalaga sa kilusan ang loob na malinis
dito'y punung-puno ng sakripisyo't pagtitiis
sa kilusan, mga kasamaan ay tinitiris
walang puwang ang pusakal na dapat mapaalis

mahalaga dito ang dalisay nating adhika
may disiplina't tangan yaong prinsipyong dakila
tinatanggal yaong ugaling tulad sa kuhila
pinaiiral dito'y pag-ibig sa ating kapwa

kaya kung nais mong magtagal sa kilusang ito
yayakapin mong buo ang disiplina't prinsipyo
kapwa'y ipagtanggol, di dapat inaagrabyado
pahalagahan ang dangal at pagpapakatao

Sabado, Disyembre 21, 2013

Pagbabalik sa Maynila

PAGBABALIK SA MAYNILA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

di na malilimutan ang karanasang tumitik
sa puso'y nag-iiwan ng mga aral na hitik
sa diwa'y nagbibiling huwag magpatumpik-tumpik
habang sa Maynila'y kailangan nang magsibalik

isang bangungot ang unos sa ilalim ng araw
na nagpahaging na mundong ito'y kayang magunaw
matapos ang unos ay may bahagharing lilitaw
tandang may pag-asa pa rin tayong matatanaw

habang naglalakbay ay na-platan kami ng gulong
sa suliranin ang bawat isa'y nagtulong-tulong
katanghaliang-tapat ay tila hilong-talilong
madaling araw dumatal, panganib ma'y sinuong

gumagapang sa kalamnan ang nagbabagang diwa
sa Maynila'y nakarating, patda ma'y naghahanda

* nakabalik kami ng Maynila nang madaling araw ng Disyembre 6, 2013 mula sa limang araw na pagalakbay patungo sa mga sinalanta ng Yolanda sa Leyte

Mga kotseng inararo ni Yolanda

MGA KOTSENG INARARO NI YOLANDA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

dumadaluyong, dinig na dinig ang pagragasa
pinupunit yaring dibdib sa pagdatal ng sigwa

pinaghele-hele din ng baha ang laksang kotse
na ang kapara'y mga inaanod na kabibe

mga sasakyang naroon ay inararong lubha
ng rumagasang nagdulot ng dambuhalang baha

inangat kung saan-saan, nakasampay sa bakod
pagbaba ng kotse'y paano habang nakatanghod

gasolinang tumagas ay naghalo na sa putik
makina'y tiyak basang-basa't asahang tumirik

* ang mga litrato'y kuha ng may-akda noong Disyembre 2-3, 2013 sa mga nadaanang nasalanta ng Yolanda sa Leyte




Biyernes, Disyembre 20, 2013

Sa kampanaryo ng Parokyang St. Vincent Ferrer

SA KAMPANARYO NG PAROKYANG ST. VINCENT FERRER
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

kasama si Ka Rene na dati kong kakilala
ay umakyat kaming kampanaryo upang makita
ang paligid at sa taas ay tunay mong madarama
ang kalupitan ng bagyong tumama sa kanila

dahon ng puno'y naglaglagan, puno'y nagyukuan
wasak ang mga atip ng kayraming kabahayan
di dalumat ang lakas ng lumamon sa tahanan
kasamang nilamon pati na mga kababayan

habang pinagninilayan ang bawat namamasid
ay nagkukwento sila ng naganap sa paligid
madarama mo ang nangyari sa bawat kapatid
humihiwa sa puso ang di mo sukat mabatid

kampanaryong iyon ay saksi sa lupit ng unos
babangon sila sa kalagayang kalunos-lunos

* Si Ka Rene ay kasapi ng dating FOMCRES sa Taguig, na tinulungan ng Sanlakas noong panahon ni Erap. Siya pala ay tagaroon sa pinuntahan namin sa Tanauan, Leyte. Kwento niya, ang kanyang ina'y natagpuang nakasabit sa isang puno at wala nang buhay matapos ang pananalanta ng bagyong Yolanda. Kuha ang mga litrato noong Disyembre 3, 2013 sa Brgy. Canramos, Tanauan, Leyte

Ang kura paroko ng St. Vincent Ferrer Parish na si Fr. Joel, ang makatang Greg na nasa gitna, at si Ka Rene na tagaroon sa Brgy. Canramos sa Tanauan, Leyte na lugar na aming pinuntahan.

Ang barkong sumampa sa kabukiran

ANG BARKONG SUMAMPA SA KABUKIRAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

naroon sa isang bukid barko'y sumampa
di makapaniwala yaring mga mata
sakahan ng dukha'y dinaganang talaga
ako'y iling, ang nangyari'y walang kapara

may tahanan kayang nadaganan ng barko
kasumpa-sumpa nga ang nangyaring delubyo
anong lakas na sa bayang yao'y tumimo
na di madalumat ng karaniwang tao

lumusob sa kawalan ang tibok ng puso
pinupunit ang dibdib na sakdal siphayo
kayraming nilalang ang tuluyang naglaho
laksa ang sa delubyo'y tumigis na dugo

isang barko ang sumampa sa kabukiran
tila baga isang sumpa sa pamayanan
di matantong mangyayari sa mamamayan
ang Yolandang masakit na yugto sa tanan

* ang litrato'y kuha ng may-akda sa Tacloban, Disyembre 4, 2013 habang pabalik na sa Maynila ang People's Caravan

Bayanihan sa panahon ng kalamidad

BAYANIHAN SA PANAHON NG KALAMIDAD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

pagbabayanihang ugaling Pinoy ang katulad
pagbabayanihang sa nagsitulong ay dignidad
pagbabayanihang pakikipagkapwa'y nalantad
pagbabayanihan sa panahon ng kalamidad

relief goods o ayudang kalamidad ay dinala
mula Caritas patungo sa mga nasalanta
malayo mang paglalakbay ay di alintana
basta't nasa puso'y makapagbigay ng ayuda

bawat isa sa pagpapasan ay nagtulong-tulong
upang ibaba ang tubig, bigas, at nasa karton
nagkakaisang tunay sa kabila ng daluyong
upang sa gayong panahon ay may pusong tumugon

mabuhay ang mga kababayang nagkakaisa
at nagtulong upang magbigay ng bagong pag-asa
pagbabayanihan ay sadyang tunay na pagsinta
pagkat nakikipagkapwa't iwing puso'y may saya


* ang mga litrato'y kuha ng may-akda noong Disyembre 3, 2013 sa Brgy. Canramos, Tanauan, Leyte, na nakaranas ng daluyong ni Yolanda












Huwebes, Disyembre 19, 2013

Ang nawalang kapatid ng sakristan, kwento ni Father Joel

ANG NAWALANG KAPATID NG SAKRISTAN, KWENTO NI FR. JOEL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

tumuloy kami nang pansamantala sa simbahan
upang kami'y bumiyaheng muli kinabukasan
at sa kura paroko kami'y nakipagkwentuhan
ako'y naantig sa kinwento niyang karanasan
hinggil sa matagal na niyang nagsilbing sakristan

kasagsagan noon ng pagdaluyong ni Yolanda
kaybilis at biglang taas ng tubig sa kanila
nasa ikalawang palapag ng simbahan sila
tinutulungan ang maraming taong makasampa
upang makaligtas sa biglaang pananalasa

nakita ng sakristan ang mahal niyang kapatid
inabot niya ng kamay nang di ito mabulid
ngunit ibang kamay ang nasampa't siya'y naumid
nasaan na, nawawala na ang kanyang kapatid
kaylakas ng bagyo, napigilan siyang sumisid

ilang araw bago kapatid niya'y natagpuan
wala nang yaong buhay, nasa malayong putikan
dahil sa nangyari, tuluyang siyang nagpaalam
sa matagal-tagal ding pinagsilbihang simbahan
ang nangyari'y anong sakit na di malilimutan

* Si Fr. Joel ang kura paroko sa St. Vincent Ferrer Parish sa Brgy. Canramos, Tanauan, Leyte, na nakadaupang palad namin noong Disyembre 3, 2013 bilang bahagi ng People's Caravan upang maghatid ng tulong sa mga sinalanta ng matinding bagyong Yolanda

* ang mga litrato'y kuha ng may-akda noong Disyembre 3, 2013 sa Brgy. Canramos, Tanauan, Leyte, na nakaranas ng daluyong ni Yolanda

"Help! Food, Water" sa bubong ng bahay

"HELP! FOOD, WATER" SA BUBONG NG BAHAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

bakasakaling matanaw ng mga nasa itaas
ang paghingi ng mga tao ng tulong sa labas
ipininta na nila ang "Help! Food, Water" sa bubong
baka may makaalala pang mag-abot ng tulong
animo'y "No Man's Land" ang malayong lugar na ito
na bubong na iyon ay nakunan ko ng litrato
di iyon naisulat kung danas ay di matindi
ngunit dapat maligtas ang buong bayang sakbibi
ng lumbay at gutom, tila walang kinabukasang
naghihintay, subalit may pag-asa pa ring asam
"Help! Food, Water", sumamo ng ating mga kapatid
bakasakaling may makatanaw sa himpapawid
malupit ang palad na walang makahalintulad
dahil sa Yolanda'y paano ba makauusad
dapat ang pamahalaan ay agad makatugon
lalo't kayrami nang bayan at kabayang nilamon

* ang mga litrato'y kuha ng may-akda noong Disyembre 3, 2013 sa nadaanang nasalanta ng bagyong Yolanda sa Leyte

Pagsapit ng Km 687 patungong Leyte

PAGSAPIT SA KM 687 PATUNGONG LEYTE
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

nagpahinga muna kami't dyumingel sa may tabi
napansin ko ang marker, sadyang malayo na kami
buti't may dala kaming tinapay at ilang kendi
na baon habang patungo sa nasalantang Leyte

tila apektado rin ang lugar na tinigilan
bagamat di iyon ang sentro't ibang lalawigan
may mga bahayang wasak at wala nang bubungan
maya-maya lang kami sa trak na'y nagsisakayan

ilan lang kaming sakay ng dalawang trak, isang van
habang relief goods ang sa mahahabang trak ay lulan
mabuti't ako'y nakasama sa People's Caravan
pagkat naging saksi sa nasalantang kababayan

sa kabila niyon, may pag-asa pa't makatitindig
ang bayang sa anumang unos ay di palulupig

- 19 Disyembre 2013

* ang dalawang litrato'y kuha ng may-akda bandang Samar, Disyembre 2, 2013

Miyerkules, Disyembre 18, 2013

Halina't pagpugayan ang dakila nating ina

HALINA'T PAGPUGAYAN ANG DAKILA NATING INA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

halina't pagpugayan ang dakila nating ina
sa tiyan, siyam na buwan niya tayong dinala
pinakain, pinalaki, inalagaan niya
manggagawa siyang walang sahod, dakila siya
di tayo ganito ngayon kung di dahil sa kanya

wala akong maipagmamalaki, inang mahal
kundi ang malinis na loob, pagkatao't dangal
tapat na sinusunod ang Kartilya't inyong aral
mas maayos na sistema ang dapat mapairal
lalo sa tahanang ang gabay ay pagsintang banal

halina't pagpugayan ang ina nating dakila
pagkat inilayo tayo sa ugaling kuhila
at siyang nagturo kung anong mabuti't masama
inang walang sweldo sa sakripisyong ginagawa
wala kang kaparis, ina, sa puso nami't diwa

Martes, Disyembre 17, 2013

Sa pag-ibig, ang pinaghirapan, may katuparan

SA PAG-IBIG, ANG PINAGHIRAPAN, MAY KATUPARAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

noong unang panahon, ang harana'y kaganapan
habang umaawit, dalaga'y iyong pagmamasdan
ninanais mong makasama ang gayong kariktan
aalayan ng puso, buhay at paninindigan
ipagsisibak ng kahoy kung kinakailangan
mag-iigib ng tubig sa balon ng kagitingan
adhikang nililiyag mo'y ibigin kang tuluyan
sa pag-ibig, ang pinaghirapan, may katuparan

di man madaling mapagtagumpayan ang pag-ibig
iwawaksi lahat ng sa puso'y dusa't ligalig

pag ang kaytamis niyang oo'y nakamtan mong tunay
anong ligaya mo't lahat na'y iyong ibibigay
mamahalin siyang higit pa sa iwi mong buhay
puso't iwing pagkatao sa kanya'y iyong alay
bubuo ng pamilya't ang bawat isa'y kalakbay
dumatal man ang suliranin, laging magkaramay
kung sakali mang siya sa daigdig mo'y mawalay
mamamatamisin mong mawala na rin at mamatay

sa pag-ibig, ang pinaghirapan, may katuparan
lalo't puso'y sumusumpa ng buong katapatan

Lunes, Disyembre 16, 2013

Paglilibot sa Canramos

PAGLILIBOT SA CANRAMOS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

wala doong kuryente, mabuti't araw na araw
walang mabilhan ng load, langit ay bughaw na bughaw
katanghaliang-tapat ay dama ang pagkauhaw
habang di makatikim kahit mainit mang sabaw

nilibot muna ang nayong sadyang kalunos-lunos
lubak-lubak man ang ilang bahagi ng Canramos
napapatitig sa mukhang tila ba nauupos
napapatingin sa tahanang nilamon ng unos

pawang tulala pa rin silang mga nangabigla
sa bilis ng pangyayaring buhay na ang tinudla
tila ba paraiso iyong biglang isinumpa
ano't napoot sa kanila ang mga bathala

nagbago na nga ba ang klimang di maunawaan
paraisong iyon ba'y dapat tuluyang takasan
marami'y di mahagilap ang tamang kasagutan
sa kayraming tanong na pilit pinagninilayan

* ang mga litrato'y kuha ng may-akda noong Disyembre 3, 2013 sa mga nadaanang nasalanta ng Yolanda sa Leyte

Mga sulat sa pader

MGA SULAT SA PADER
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

nakatitik ang petsa't pangalan ng nakaligtas
o marahil pangalan iyon ng mga nautas
nilang mahal sa buhay sa daigdig na di patas
tila uling ang panulat sa pader na kalatas

sa kaibutura'y sakbibi ng lumbay ang nayon
di maampat ang dugo ng mga pusong nilamon
ng unos na pinagyapos ng rumagasang alon
ang mga nilalang patungo sa Haring Poseidon

mga natitik sa pader ay may inihahain
mga nangawala'y huwag raw nating lilimutin
na ating paghandaan ang unos na sadyang tulin
kakayahang magtulong-tulong ay agarang gawin

* ang mga litrato'y kuha ng may-akda noong Disyembre 3, 2013 sa mga nadaanang nasalanta ng Yolanda sa Leyte

Linggo, Disyembre 15, 2013

Ang pagdaluyong ni Yolanda

ANG PAGDALUYONG NI YOLANDA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

tinanggal niyang pilit ang maraming bubong
ng mga kabahayan, tila siya buhong
na tao'y halos lipulin, baha sa silong
ihip ng hangin ay sadyang dumadagundong
kaytaas ng tubig, kaytindi ng daluyong

lunsod ay nagtila pook ng kamatayan
dama ng tao, yaon na ang katapusan
mga Bathala'y tila walang pakialam
sa sinapit nilang nalunod ng tuluyan
walang nagawa kahit ang pamahalaan

mga bangkay ay naglutang, kalunos-lunos
may nakaligtas ding pawang balat ay lapnos
kahit na mayayaman ay pinagpupulbos
lungsod na dating maunlad, ngayon na'y kapos
ang delubyong yao'y tila di matatapos

bakit ba si Yolanda'y kaylupit, kaybangis?
ang usok ba sa atmospera'y labis-labis?
pagbabago ba ng klima'y sadyang kaybilis?
negosasyon sa COP ay di kanais-nais?
ito ba'y walang tugon, tayo'y magtitiis?

ang pagdaluyong ni Yolanda'y isang tanda
upang pag-ukulang pansin ang klima't sigwa
puno't dulo ng isyu'y pag-aralang pawa
pagkasunduin sa tugon ang mga bansa
kung dumaluyong muli, tayo'y maging handa

Ipagpatuloy ang relief sa Yolanda

IPAGPATULOY ANG RELIEF SA YOLANDA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

relief operation, ititigil daw ng Disyembre
ito ang ipinahayag ng di-es-dobol-yu-di (DSWD)
tumayo raw sa sariling paa, sabi ni Dinky
mga biktima ni Yolanda'y papayag ba dine?
bakit ganyan, di pa napapanahon ang ganire
nasalanta sa Kabisayaa'y milyon, kayrami

apat o limang taon pa, anang mga eksperto
bago bumalik sa dati ang nasalantang todo
kayraming patay, nasaktan, milyon ang apektado
sa ari't buhay, Yolanda'y kaytindi ng epekto
sa psycho-social na kalagayan ng mga tao
wasak ang sakahan, walang maayos na trabaho

dumating si Yolanda, ikawalo ng Nobyembre
relief operation, ititigil daw ng Disyembre
isang buwan lang ang pagitang iyan, di ba, Dinky?
kapos sa panahon, gayong si Yolanda'y kaytindi
ang totoo, tumayo sa sariling paa dine
yaong tao, pagkat gobyerno'y di agad nagsilbi

relief ng ibang bansa'y di sapat sa milyon-milyon
bansa'y nagbayanihan, mga grupo'y nagsitulong
di-es-dobol-yu-di, pangunahing ahensya ngayon
ito ang sa inyo'y aming hinihiling at hamon
huwag munang itigil iyang relief operation
mga ilang buwan pa, hanggang tao'y makaahon







Ang mga itim na body bags

ANG MGA ITIM NA BODY BAGS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

di ko alam kung nakapaloob ay tent o bangkay
sa mga itim na body bags na nakitang tunay

doon sa liwasang kaylawak na animo'y ilang
kayraming body bags ako'y napamulagat na lang

sa biglang tingin sa malayo'y kayraming nilibing
na ang mga bangkay ay pinagsamang siping-siping

kwento ng tagaroon na sa plasa'y pinagtipon
ang laksa-laksang bangkay upang kilalanin iyon

ng mabigyan ng maayos na libing ng pamilya
mabilang ilan ang namatay, at di pa makita

sa kayraming body bags balahibo ko'y tumindig
tila baga ako'y napatda't may katal sa bisig

* ang mga litrato'y kuha ng may-akda noong Disyembre 3, 2013 sa Brgy. Canramos, Tanauan, Leyte, na nakaranas ng daluyong ni Yolanda

Lanos pati bubong ng paaralan

LANOS PATI BUBONG NG PAARALAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

sa Tanauan I Central School kami'y napadako
walang atip ang paaralan, talagang naglaho
nilipad ng hangin, buti't ang buo'y di gumuho
pag iyong kinatitigan, puso mo'y magdurugo

mga librong naroroon marahil ay nilipad
kagamitan ng guro'y kung saan-saan napadpad
tila baga buong paaralan ay binaligtad
guro't estudyante'y paano na muling uusad

halina't magtulungan tayong makabangon sila
magkaroon muli ng bubong ang buong eskwela
mag-ambag tayo ng aklat, kwaderno, tsok, pisara
proyektuhin nating magkalapis, papel, krayola

nawa'y matanaw sa ilalim ng langit na asul
ay muling babangon ang Tanauan I Central School

(kuha ng may-akda ang litrato noong Disyembre 3, 2013 sa Brgy. Canramos, Tanauan, Leyte, na nakaranas ng daluyong ni Yolanda)

Biyernes, Disyembre 13, 2013

Maraming Salamat, Yeb Saño




MARAMING SALAMAT, YEB SAÑO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

malaki ang tinulong mo upang maunawaan
ang mensahe ng nagbabagong klima't kalagayan
ng daigdig na doon ay inyong pinag-usapan
ang talumpati mo sa harap ng mga dayuhan
ay sadyang madamdamin, tagos sa puso't isipan

sa negosasyon sa COP 19, di ka nakatiis
hinamon ang mga delegado kung anong da best
na dapat gawin nilang malalaking bansa't burges
at ang mahalaga mong panawagan: climate justice!
common but differentiated responsibilities!

ang pagpatak ng luha mo'y tanda ng katapatan
sa kababayan mo, sa prinsipyo't katotohanan
ang sinimulan mong hunger strike doon sa Poland
ay malaki nang pagmumulat sa sangkatauhan
dakila ka, Yeb Saño, sa maraming mamamayan!

maraming salamat sa iyong mga sakripisyo
dayuhan at Pilipino'y sumuporta sa iyo
salamat sa ginawa mo, Commissioner Yeb Saño!
para sa kababayan natin at sa buong mundo
kami rito'y nagpupugay sa iyong taas-noo!

Mas mahalaga ang dangal kaysa buhay

MAS MAHALAGA ANG DANGAL KAYSA BUHAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

magpakatao'y turo ng mga Katipunero
pangalagaan ang iyong prinsipyo't pagkatao
labanan ang sinumang magtangkang dumungis nito
at kung kailangan, tigpasin ang kanilang ulo

sapagkat mahalaga sa bawat tao ang dangal
isa itong matibay na iniwan nilang aral
naroon sa Kartilya't dekalogong pinairal
nasa talaan din ito ng disiplinang bakal

halos buong buhay ko, ito’y aking sinusunod
mula pagkabatang sa mga estatwa'y lumuhod
hanggang ang diyalektika'y niyapos nang malugod
kahit hirap, kapos at sa pagkilos ay pilantod

di kami sa aming kapwa'y nagsasamantala
mga hiniram ay marapat ibalik sa masa
sa pagsasalita'y may respeto sa bawat isa
araw at gabi'y nagpapakatao sa tuwina

malalim ang pagpapahalaga namin sa puri
mas mahalaga ang dangal kaysa buhay na mithi
sa sinumang dudungis sa aming dangal na iwi
lalaban kami katawan ma'y magkangiwi-ngiwi

pag dangal nami'y niyurakan, babaha ng dugo
sisingilin namin ang yumurak sa puri't puso
di kami patatalo, basagin man itong bungo
sa kahit kanino'y di kami susuko't yuyuko

Huwebes, Disyembre 12, 2013

Itayong muli ang mga nasirang paaralan





ITAYONG MULI ANG MGA NASIRANG PARAALAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

sa pagdaluyong ni Yolanda'y pawang nangasira
ang maraming paaralan, mga ito'y binaha
atip ay tuklap, dingding at gamit ay nangabasa
ang matikas na paaralan ay naging dalita

ngunit di nagiba ni Yolanda ang diwang banal
ng guro upang mga bata'y lumaking marangal
gusali lang ang nasira, hindi ang pag-aaral
paarala'y tatayo pa ring kapara'y pedestal

tunay ngang mahalaga kaysa gusali ang buhay
kaya buhay ng tao'y dapat manatiling tunay
gayunman, gunitain natin ang mga namatay
pati na nakaligtas, tayo'y kanilang karamay

itayo muli ang mga nasirang paaralan
muli tayong bumangon para sa kinabukasan
edukasyon ng mga bata'y tunay na puhunan
lalo ang damayan sa sandali ng kagipitan

* ang mga larawan ay kuha noong Disyembre 3, 2013 sa Brgy. Canramos, Tanauan, Leyte, na nakaranas ng daluyong ni Yolanda