Sabado, Nobyembre 24, 2012

Masaker sa Nobyembre

MASAKER SA NOBYEMBRE
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

dalawang masaker sa Nobyembre'y naganap
sa bansang itong napuno ng dusa't hirap
sa Asyenda Luisita'y pitong obrero
sa Maguindanao, limampu't walong katao
yaong pinaslang ng mga berdugong ganid
pinugto nila’y buhay ng kapwa't kapatid

hustisya sa lahat ng mga minasaker
ibagsak yaong pumaslang na nasa poder
kay-iitim ng buto't puso nila'y halang
buhay ng kapwa'y di na nila iginalang
basta't sa kapangyarihan ay manatili
di na nangiming buhay ng kapwa'y pinuti

pagkatao't diwa ng bayan ang nilait
hustisya sa mga biktima'y aming giit!

(16 Nobyembre, 2004 - Hacienda Luisita massacre
23 Nobyembre 2009 - Maguindanao massacre)

Huwebes, Nobyembre 15, 2012

Kwento ng Isang Tsuper ng Traysikel

KWENTO NG ISANG TSUPER NG TRAYSIKEL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

I

tsuper ng traysikel ay nagninilay
pagkat sa lungsod di na mapalagay
kaylayo sa pamilya't nalulumbay
kaya't nagpasyang umuwi ng bahay

sa lungsod, buhay ay masalimuot
pamilya'y gunita't gabi'y kaylungkot
traysikel ay kanyang pinaharurot
kung saan-saan nagpasikut-sikot

II

lumayas sa magulong kalunsuran
sementadong lansangan ay iniwan
doon sa inuwiang lalawigan
kaysariwa ng simoy ng amihan

bagamat ang gabok ay lapastangan
nilandas niya ang mabatong daan
gana sa pagpasada'y kaunti man
mahalaga'y nasa sariling bayan


Miyerkules, Nobyembre 14, 2012

Tanaga laban sa Sin Tax

TANAGA LABAN SA SIN TAX
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Patak ng aming pawis
Kakainin ng buwis
Sin tax dapat maalis
Dahil sa masa'y labis

* tanaga - anyo ng katutubong tula na may isang saknong, apat na taludtod, may tugma, at isang diwa

Martes, Nobyembre 13, 2012

Sin Tax, Dagdag Pahirap sa Masa

SIN TAX, DAGDAG PAHIRAP SA MASA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ang sin tax ay buwis, di ito isang lunas
sa sakit ng dukhang sa gutom nauutas
sa sin tax na buwisit, dukha'y dinarahas
kabuhayan ng nila'y tiyak magwawakas

ang sin tax ay buwis, di ito isang gamot
sa problema sa buhay na masalimuot
dagdag pahirap ang panukalang baluktot
kabuhayan ng masa'y ipinagdaramot

ang sin tax ay buwis, pandagdag lang sa pondo
pondo ang talagang hanap nitong gobyerno
kaya di kalusugan ang tunay na isyu
kundi dagdag pondo, obrero'y apektado

sin tax ay sadyang di para sa kalusugan
kalusugan ay ginagamit lang sangkalan
nang buwis na ito'y agad maaprubahan
ang nais lang talaga, pondo'y madagdagan

buwis ang sin tax, ito ang isyung totoo
pag tumaas ang buwis, taas din ang presyo
baka dahil diyan, magtanggal ng obrero
sa buwis na ang punta ng para sa sweldo

dukha'y araw-gabi nang laging nagtitiis
pahihirapan pa tayo ng dagdag buwis
pagkat sa ating dukha ito'y labis-labis
panukalang ito'y dapat lamang maalis

Lunes, Nobyembre 12, 2012

Huwag Magpahuli sa Trapikero


HUWAG MAGPAHULI SA TRAPIKERO
11 pantig bawat taludtod
ni Gregorio V. Bituin Jr.

may mga nagtatanod sa trapiko
silang tagaayos ng daloy nito
ang tawag sa kanila'y trapikero
hinuhuli'y tsuper na barumbado

kaya sa mga hari ng lansangan
batas-trapiko'y huwag kaligtaan
mahirap nang ikaw ay matyempuhan
ng mga trapikero sa katihan

ang trapikero'y ating irespeto
pagkat sila'y sahuran ding obrero
iyan ang nakuha nilang trabaho
kahit kaybaba ng kanilang sweldo

araw-gabing sa araw nakabilad
nakatayo, minsan, lakad ng lakad
katawan nga'y sa init nakalantad
kaya mainit ang ulo't kaykupad

sundin mong lagi ang batas-trapiko
tsuper man, pedestriyan, pasahero
huwag magpahuli sa trapikero
kung ayaw mong ikaw ay maperwisyo

Linggo, Nobyembre 11, 2012

Hilang Kayod Kalabaw

HILANG KAYOD KALABAW
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat kariton

ang hilang kahon-kahon, tila nakasingkaw
sa leeg ng isang matipunong kalabaw
sa init, obrero'y tila di natutunaw
patuloy ang trabaho, bilad man sa araw

tagas yaong pawis sa lansangang kay-init
kahit na kontraktwal, nagtatrabahong pilit
trabaho'y di man nais, gagawin ding pilit
nang mairaos ang pamilyang nagigipit

tila mga kalakal ang laman ng kahon
ihahatid saanman nararapat yaon
lakad at hila, lansangan ay sinusunson
hanggang siya'y tumigil sa bodegang iyon

ibinaba ang kahon at isinalansan
sa paleta'y pinagpatung-patong niya lang
muli siyang bumalik sa pinanggalingan
upang hakutin ang mga kahong naiwan

simple mang gawain, ngunit kayhirap pa rin
dapat kumayod nang pamilya'y di gutumin
kailangang pagpawisan ang kakainin
sahod ma'y kaybaba, pinagtiisan na rin

Sabado, Nobyembre 10, 2012

Di pa umiiral ang bayang pangarap

DI PA UMIIRAL ANG BAYANG PANGARAP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ang malayong bayang iyon ay di pa umiiral
bayang ang bawat isa'y nabubuhay ng marangal
bawat isa'y may paggagalangan, walang pusakal
pagkat di uso ang pusakal sa bayang may dangal

di pa umiiral ang bayang pangarap ng tao
bayang ang pribadong pagmamay-ari'y di na uso
bayang ang moda ng produksyon ay sosyalisado
bayang nakikipagkapwa at nagpapakatao

ang bayang pangarap, atin bang mahahanap iyon?
nasa langit ba, sa lupa, saang dako naroon?
o narito lang sa lipunan, sa rela-relasyon?
o kailangan ng isang tunay na rebolusyon?

bakit ang lumilikha ng yaman ang naghihirap?
bakit yumaman ang nagpapatubong mapagpanggap?
bakit may uring dukhang pawang dusa'y nalalasap?
bakit may uring bundat, nagpapasasa sa sarap?

kailan iiral ang pinapangarap na bayan?
ito ba'y mangyayari o ito'y suntok sa buwan?
di masamang mangarap, ito'y ating pagsikapan
nang marating natin ang bayang may kaginhawahan

Biyernes, Nobyembre 9, 2012

Lipak sa Palad ng Paggawa

LIPAK SA PALAD NG PAGGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kayraming lipak sa palad ng manggagawa
tanda ngang sila'y kaysipag at kaytiyaga
bawat lipak ay tandang sila ang nagpala
upang umunlad itong lipunan at bansa

tila lipak na’y tatak ng pagkaalipin
gawa ng gawa nang pamilya'y may makain
mababa ang sahod, nagdidildil ng asin
kaysipag ngunit kawawa sila sa turing

pagkat sistema'y saliwa, talagang mali
pagkat ang lipunan sa uri'y nahahati
dukha'y laksa-laksa, mayaman ay kaunti
alipin ng mayroon ang dukhang inimbi

puno ng lipak ang palad ng manggagawa
di ito sasapat na pamahid ng luha
sa kapal ay kayang tampalin ang kuhila
at pangwasak sa sistemang mapangkawawa

Sa Bawat Gusali'y Bakas ang Kamay ng Manggagawa

 SA BAWAT GUSALI'Y BAKAS
ANG KAMAY NG MANGGAGAWA

ni Gregorio V. Bituin Jr.
16 pantig bawat taludtod

masdan ang bawat gusali / pumunta ka sa Ayala
tingnan ang mga gusali / sa kahabaan ng Edsa
sa ibang lunan sa bansa / ay iyo ring madarama
naroroon yaong bakas / ng obrero't makikita
at gaano man katayog / ang gusaling naglipana
kamay nila ang lumikha, / nagpala, at nagpaganda

yaong maraming gusali'y / mahusay na dinisenyo
ng arkitektong magaling / o kaya'y ng inhinyero
ngunit pinagpalang kamay / ng magiting na obrero
ang nagtiyak na gusali'y / maitayo nang totoo
manggagawa ang naghalo / ng buhangin at semento
nagsukat at nagpatatag / ng biga't pundasyon nito

sa bawat gusali'y bakas / ang kamay ng manggagawa
ang katotohanang iyan / ay di mapapagkaila
isinakripisyo nila'y / buhay, pawis, oras, diwa
ginugol yaong panahon / upang gusali'y magawa
nagtrabaho nang maigi, / tunay silang nagtiyaga
ngunit pakasuriin mo, / ang sahod nila'y kaybaba

Huwebes, Nobyembre 8, 2012

Alikabok at Agiw

 ALIKABOK AT AGIW
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

sa bawat alikabok / na namuo sa sahig
at agiw sa kisameng / animo'y ikinalat
nariyan ang dyanitor, / may malakas na bisig
masipag na obrero / kahit na nagsasalat

hawak yaong panlinis, / lampaso bawat sulok
ang mga alikabok, / hinahagip ng tingting
mga nagbiting agiw / lalo't nasa tuktok
kinakayod ng maigi't / sinisikap tanggalin

manggagawang alagad / siya ng kalinisan
mula kisame't sahig, / silya nama't lamesa
nais niyang ang sahig / ay pwedeng salaminan
ngunit obrero siyang / kontraktwal lang ang gana

pag siya'y wala, tiyak / kayrumi at kaygulo
masipag na dyanitor / kalabaw kung kumayod
lampaso ng lampaso / sa maghapong trabaho
ngunit natatanggap lang / ay karampot na sahod

Makulimlim ang Umaga

MAKULIMLIM ANG UMAGA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

umaga'y makulimlim, may bantang pag-ulan
nawa'y di maging unos, kawawa ang bayan
yaong tikatik lang, sapat sa kabukiran
upang magsasaka'y ganap ang kasiyahan

huwag mabahala sa pagdatal ng bagyo
may bahagharing magpapakita sa tao 
na tanda ng pag-asang humayo pa tayo
at gawin ang marapat sa kapwa't sa mundo

ulan, ulan, pantay kawayan, sabi nila
bagyo, bagyo, pantay kabayo, ang dagdag pa
awiting bayan itong aking nakilala
nang bata pa't naniningala sa dalaga

may bantang pag-ulan, umaga'y makulimlim
sana kalangita'y di tuluyang magdilim
upang ang bubuyog bulaklak ay masimsim
nang lumigaya ito't huwag nang manimdim

Miyerkules, Nobyembre 7, 2012

Palitada't Sampay

  PALITADA'T SAMPAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

hinahagod ng hangin ang basang baro't pantalon
tila baga bawat ihip ay may tinatalunton
animo’y nagpipigang pilit sa buong maghapon
gayong sa titig ng araw, iga ang mga iyon

labandero sa gabi, karpintero sa umaga
manggagawa'y doble kayod, tuloy ang palitada
umaasang paglabas sa trabaho'y masuot na
ang nilabhang polo't pantalon na gamit na pamporma

tulad ng palitadang ang semento'y pinapantay
hangad ng manggagawang lipunan din ay mapantay
tulad ng baro't pantalong nilabhan at sinampay
tiwaling pamahalaan nga'y malinisang tunay

Biyernes, Nobyembre 2, 2012

Pangitain

PANGITAIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

pangitain yaong ako na'y dinaluhong
ng mga kalabang di ako makaurong
hanap daw ako ng kapitalistang ganid
dahil tula ko raw sa kanila'y balakid
at naganap iyong nagdidilim ang langit
gayong may araw pa'y ngipin ay nagngangalit
unggoy ay masasayang lalambi-lambitin
habang niyuyurakan ang dangal na angkin
pulang alon ang dumagsa sa karagatan
ngiti ng alindog, napalitan ng anghang
habang may buhay, ginhawa’y di malalasap
walang katuparan ang adhika’t pangarap
limampung taon matapos akong paslangin
saka ang mga tula ko'y kikilalanin
mauuna pa ako kina ama't ina
sa hukay, pagkat marangal na aktibista
itim na paruparo'y nasa pulang rosas
puso'y dinarang sa apoy na nagdiringas

Huwebes, Nobyembre 1, 2012

Walang Bakasyon ang Pluma


WALANG BAKASYON ANG PLUMA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

A writer never has a vacation. For a writer life consists of either writing or thinking about writing. - Eugene Ionesco

bakasyong-bakasyon ay nagtatrabaho
lumilikha ng tula sa paraiso
nananaginip na nasa purgatoryo
at ang pluma'y nasusunog sa impyerno

wala nang bakasyon iyang manunulat
puso'y laging gising, diwa'y laging mulat
habang kumakatha, tagay ay salabat
pampalit sa kape't pukaw ang ulirat

impyerno ng kapitalismo'y nilatag
purgatoryo ng demokrasya'y nilaspag
paraiso ng sosyalismo'y nalimbag
habang manunulat ay napapapitlag

kayrami ng isyung dapat pag-usapan
kayraming nangyari sa buhay ng bayan
kahit ang sarili'y may sariling dagan
na maikukwento sa anu't anuman

Nobyembre 1, 2012

Pagkatha

PAGKATHA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

napakatahimik ng paligid
tila sementeryo'y halukipkip
walang mga katagang masambit
walang kausap, nakakainip
ang mga sandaling tila manhid
buti't pinsel at papel ay bitbit

umiiwas ang mga salita
di makapa ang mga kataga
ngunit lumilipad yaong diwa
tungo sa lugar ng manggagawa
nagpapasalamat sa dakila
pagkat lipunan ang nililikha

pagkaisahin ang buong uri
yaong sa labi'y namumutawi
kaluluwa ng obrero'y mithi
na putulin na ang paghahari
ng kapitalista, hari't pari
na sa masa'y yumurak ng puri

ito ang bumalikwas sa papel
ng makatang tila isang anghel
mapangahas itong kanyang pinsel
sa pagkatha'y mistulang kaytabil
handang lumaban sa mapaniil
nang bulok na sistema'y masupil