Martes, Oktubre 30, 2012

Salamat sa mga Biyayang Galing sa Pawis ng Manggagawa


SALAMY SA MGA BIYAYANG GALING SA PAWIS NG MANGGAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

nais kong magpasalamat sa mga manggagawa
sa mga biyayang galing sa pawis nila't likha
sila ang tunay na lumikha ng yaman ng bansa
di ang diyus-diyosang kapitalistang kuhila
nariyan ang magsasakang naglilinang sa lupa
sa dagat nama'y pumapalaot ang mangingisda
sa lungsod, gusali'y kaytayog, tulay ay kayhaba 
guro, doktor, nars, inhinyero, tsuper, namamangka
manininda, kaminero, kargador, mangangatha
patunay ang mga biyayang kanilang nilikha
manggagawa silang sa mundo'y tunay na nagpala
noong panahong una'y nariyan na sila't dukha
inalipin niyong mapagsamantala't kuhila
hanggang maging magsasaka't itinali sa lupa
ngayon, kapitalista na ang umuupasala
ngunit nananatiling silang mga manggagawa
ang lumilikha ng ekonomya ng mga bansa
kaya salamat sa kanila't sila ang dakila
mula sa pawis nila kaya mundo'y guminhawa
maraming salamat sa biyaya, o, manggagawa

Lunes, Oktubre 29, 2012

Sa bawat pinapangarap nating lipunan

SA BAWAT PINAPANGARAP NATING LIPUNAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Sa bawat pinapangarap nating lipunan
Ating tinatanaw ang wastong pamaraan
Nang pagsasamantala'y mawalang tuluyan
Lulupigin ang mapaniil at gahaman
At bubuklurin ang iba't ibang samahan
Kaakibat ang makataong kalooban
At diwang mapagpalaya't makatarungan
Sosyalismo'y landas para sa ating bayan

Linggo, Oktubre 28, 2012

Sindak sa Lungsod ng Unos


SINDAK SA LUNGSOD NG UNOS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

pataas ng pataas ang sindak
lunsod na'y nilulunod sa lusak
nakagigimbal ang milyong patak
iwing tahanan ang winawasak

kaytinding manalasa ni Ondoy
sinindak ang bayang nangaluoy
kahit na mayaman o palaboy
tubig ang nangwasak at di apoy

Pedring at Sendong ay nangariyan
at si Ofel itong kahulihan
habang inuunos yaring bayan
sindak ang puso ng kalunsuran

maigi't mamamayan na'y handa
sa pagdatal ng unos at baha
sa isipan pa nila'y sariwa
ang nagdaang bagyong mapanggiba

Sabado, Oktubre 27, 2012

Ideya'y di laging nasa katahimikan

IDEYA'Y DI LAGING NASA KATAHIMIKAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

huwag manghiram ng ideya sa katahimikan
kayrami nito lalo't maingay ang kalooban
sa musika ng kapitbahay, busina ng dyip man
kahit dalagang madada't sukdol sa katarayan
ay maraming ideyang mapipitas kang mataman

basta't may sasabihin ka'y mayroong matititik
di kailangang maghanap ng lugar na tahimik
basta't sa isip mo'y may ideyang agad pumitik
itala agad o isulat nang may pagkasabik
bago ito mawala o sa isip ay tumirik

nakaiinis pag sila'y nag-iinarte na rin
'manunulat kasi', ang idadahilan sa atin
parang manunulat ay lisensya upang di gawin
ang anumang sulatin kahit walang sasabihin
sa tahimik na lugar ang ideya'y hihiramin

makapagsusulat ang manunulat maingay man
konsentrasyon ay pangunahin niyang kakayahan
ang totoong manunulat ay buhay ang isipan
digmaan man, putukan, kantahan, rali, daldalan
makasusulat sa aktwal, akda na'y kasaysayan

Biyernes, Oktubre 26, 2012

Pag-aaklas sa La Tondeña

PAG-AAKLAS SA LA TONDEÑA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

nasa walong daang manggagawa ng La Tondeña
ang pumukaw sa katahimikan, sila'y nagwelga
naparalisa ng manggagawa yaong pabrika
at sa inilabas na manipesto'y mababasa:

panawagan nilang ang manggagawa'y i-regular
sa panahong tatlong taon na ang batas-militar
nais nilang mabalik lahat ng mga tinanggal
na karamihan ay mga manggagawang kontraktwal

nanawagan sila sa Kagawaran ng Paggawa
na dapat bawat aksyon nito'y makamanggagawa
welgang ito'y nagbigay ng inpirasyon sa madla
na lihim na pumalakpak, nagpaangat sa diwa

ito ang welgang pinaralisa pati gobyerno
kaya inaresto ang mga nagwelgang obrero
ipinagbawal ng diktador ang welga't "panggugulo"
bawal nang mag-aklas at sumuporta sa ganito

O, mabuhay kayo, manggagawa ng La Tondeña!
sinindihan nyo ang mitsa laban sa diktadura
natutong lumaban ang madla laban sa pangamba
binigyan nyong sigla ang pagkakaisa ng masa

ang welga sa La Tondeña'y tunay ngang inspirasyon
pinagsiklab ang poot ng madla't sila'y bumangon
kaya ang diktadurya'y pinag-aklasan din noon
na nagdulo sa Edsa, mapayapang rebolusyon

* Naganap ang welga sa La Tondeña sa Tondo, Maynila, noong ika-24-25 ng Oktubre, 1975.


Huwebes, Oktubre 25, 2012

Ang Trapo at ang Galunggong


ANG TRAPO AT ANG GALUNGGONG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ayon sa mangingisda, gunggong ang galunggong
kaydaling hulihin, lumalapit sa bitag
pag nahuli'y di tumatakas sa patibong
di na nagrereklamo, di na pumapalag

anang mangingisda, iba ang pulitiko
pagkat di raw mahuling nagsisinungaling
kayraming palusot ng magaling na trapo
nariyan ang ebidensya'y di umaamin

kaya nga gunggong ang galunggong, tangang isda
wala nang anumang palusot pag nahuli
kaiba ang matalinong trapong kuhila
kaydaming palusot kaya ngingisi-ngisi

trapo'y kayhilig bigkasin itong galunggong
sa kanilang talumpati sa sambayanan
batayan ng pag-unlad, presyo ng galunggong
pag tumaas ang kilo, kawawa ang bayan

Miyerkules, Oktubre 24, 2012

Doon po sa amin, kayrami ng trapo

DOON PO SA AMIN, KAYRAMI NG TRAPO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

doon po sa amin, kayrami ng trapo
nangangako doon, nangangako dito
gayong ilang taon sila sa serbisyo
walang nagawa sa kanilang termino

doon po sa amin, ang trapo'y kayrami
di nila malinis ang sanlaksang dumi
ang meyor ay bingi, konsehal ay pipi
kahit kongresista'y sadyang walang silbi

kapag meron batas na nais ipasa
ay pawang pabor sa mga elitista
at kung kailangan, manunuhol muna
at pinaiikot nila'y laksa-laksang kwarta

kayrami ng trapong talagang suwail
silang sa masa nga'y laging nagtataksil
mas pinapaburan yaong mapaniil
imbes dukhang laging asin dinidildil

mga trapong ito'y dapat lang ibagsak
pagkat sa serbisyo, sila nga'y bulagsak
umaasang masa'y laging hinahamak
yaong taas nila'y siya ring lagapak

doon po sa amin, kayrami ng trapo
na iyang serbisyo'y ginawang negosyo
kaya kababayan, magkaisa tayo
para sa tunay at sadyang pagbabago

Linggo, Oktubre 21, 2012

Kay Google Ka Magtanong



KAY GOOGLE KA MAGTANONG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

may kakilala kaming / talagang henyong tunay
kayraming nalalaman / sa mga bagay-bagay
pag ito'y nabarkada, / magugulat sa husay
sa tanong niyong madla, / may tugon siyang bigay

parang inseklopedya / sa kanyang nalalaman
para bang buong mundo'y / nalibot nang tuluyan
bukal ng karunungan / at mga kaalaman
pinadadali yaong / saliksik sa anuman

pag may suliranin kang / hindi masagot-sagot
itanong mo kay Google, / huwag kang magbantulot
kayrami niyang tugon, / hindi ka mababagot
ibato lang ang tanong / at siya ang sasambot

anuman yaong nais / na malaman ni Michelle
gaano man kahirap / yaong tanong ni Mabel
masasagot din iyan, / itanong lang kay Google
ngalan iyan ng henyong / kabarkada ni Twinkle

Huwebes, Oktubre 18, 2012

Paskong Mapagpanggap


PASKONG MAPAGPANGGAP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

bakit kailangang ikampanya ng media
ang Pasko pagkatapos ng balita nila
Pasko ba'y di na maramdaman nitong masa
kaya kailangan pa itong ikampanya

negosyo na nga lang ba ng kapitalista
ang Paskong ito upang pagtubuan nila
layon nila'y tumubo't magpakaligaya
humamig ng limpak ang kanilang paninda

wala nang Pasko yaong mga naghihirap
Pasko'y pekeng panahon ng mga paglingap
kunwari'y matutupad ang inyong pangarap
may pag-ibig daw ngunit pulos pagpapanggap

Pasko'y kinailangan nang ipaalala
nitong media pagkat di na ito kilala
taun-taon, Pasko'y komersyalisado na
negosyante lamang yata ang sumasaya

panahon daw ng pagbibigayan ang Pasko
minsan sa isang taon, magbigayan tayo
habang sa buong taon, di naman ganito
Paskong mapagpanggap, di na para sa tao

Miyerkules, Oktubre 17, 2012

Sobrang Bayad sa Taksi

SOBRANG BAYAD SA TAKSI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

may tsuper ng taksing di tapat magsukli
pag buo ang perang iyong ibinayad
sabi'y walang barya't di ka makahindi
kaya pasahero'y bababa na't sukat

tunay nga bang walang panukli ang tsuper
o ito'y diskarteng tirang magnanakaw
kung ganito lagi para kang minarder
operasyong legal sa bayan mong hilaw

mga pasahero'y pawang nalalansi
di nasusuklian dahil pera'y buo
di magsukling tama ang tsuper ng taksi
sobrang ibinayad, tuluyang naglaho

anong dapat gawin ng pamahalaan
pababayaan na lang ba ang ganito
ipalabas nila'y tamang patakaran
at ang di sumunod, multa't kalaboso

Martes, Oktubre 16, 2012

Mining Act of 1995, Ibasura!

MINING ACT OF 1995, IBASURA!
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

ngingisi-ngisi ang mga kuhila
sa kongreso'y tila sila Bathala
isinabatas ang sasalaula
miminahing todo ang ating lupa
batas ng anay itong isang sumpa
sa tahanan ng katutubo't dukha
dapat palitan ito't mapanira
kung nais na buhay pa'y mapagpala

* nais ipalit sa Mining Act of 1995 ang nakasalang na panukalang batas na AMMB (Alternative Minerals Management Bill), na pag naisabatas ay magiging Philippine Mineral Resources Act of 2012

Lunes, Oktubre 15, 2012

Aanhin ang Pag-ibig Kung Walang Bigas?


AANHIN ANG PAG-IBIG KUNG WALANG BIGAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

wika nga, aanhin pa ang pag-ibig na wagas
pag nagsama na kayong walang pambiling bigas
pababayaan bang buong pamilya'y mautas
pag walang kwarta, problema ba'y di na malutas

kaakibat ng pagmamahal ay sakripisyo
di maaring pag-ibig lang, dapat magtrabaho
para sa pamilya'y dapat kumayod ng todo
tulad ng pananim, dinidiligan din ito

anong ramdam ni Ama pag bunso'y umiiyak
di ba't di maaring magutom ang bawat anak
kinabukasan nila'y paghahandaang tiyak
upang buong pamilya'y di gumapang sa lusak

tiyak si Ina'y ayaw na ama'y nakatanghod
sa araw-araw, kailangan nitong kumayod
at pag natanggap na ang di sapat nitong sahod
may pambili na ng bigas, pamilya'y malugod

kinabukasan ng pamilya'y pakaisipin
kalagayan ng mag-anak yaong pangunahin
ang pamilyang di nagugutom at may pagkain
ay nagsasamang maluwat, bukas nila'y angkin

Sabado, Oktubre 13, 2012

Kwento ni Estong


KWENTO NI ESTONG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

Nasa may gitna siya ng bus na sinasakyan
Ngunit nag-aalburuto na ang kanyang tiyan
Di na matiis ang sakit na nararamdaman
Ngunit kaylayo pa nitong kanyang pupuntahan.

"Ahh!" nasambit niyang bigla sa kagitlaanan
Pagkat ang tae niya'y pabagsak nang tuluyan
Sa pagkataranta ito'y kanyang naupuan
Kaya ang mga pasahero'y nangaglayuan.

Nais niyang bumaba't puno ng kahihiyan
Subalit sa pagbalik, pamasahe na'y kulang
Kaya tiniis na lang siya'y mapag-usapan
Basta't mapalapit lang sa kanyang pupuntahan.

Sadyang kayhirap ng dukhang sumakit ang tiyan
Doon pa man din lumabas sa kanyang sinakyan
Yaong tulad niyang nasa gayong kalagayan
Ay nararapat lamang nating pagpasensyahan.

Huwebes, Oktubre 11, 2012

Sa numerong bundat, dukha'y buto't balat


SA NUMERONG BUNDAT, DUKHA'Y BUTO'T BALAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

ipinagyayabang ng pamahalaan
may pag-unlad na raw itong ating bayan
sa mga numero'y kitang-kita iyan
numero'y tumaas kaya't kaunlaran

may pag-unlad kahit kayrami pang dukha
na ang kahirapan, lalong lumalala
numero'y tumaas, ang dukha'y tulala
numero'y di pala sa nagdaralita

numero'y para lang sa kapitalista
di sa manggagawa't maralitang masa
elitista'y busog, masa'y di kasama
bulok pa rin kasi ang buong sistema

GDP'y tumaas, GNP'y umangat
ngunit masa'y dukha pa ri't nagsasalat
di nila makain ang numerong bundat
pagkat ang numero'y di para sa lahat

Miyerkules, Oktubre 10, 2012

Aanhin pa ang damo?


AANHIN PA ANG DAMO?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

aanhin pa ba ang damo
kung patay na ang kabayo
tanong ng isang obrero
agad na sinagot ito

ibigay mo na sa iba
tulad ng kambing o baka
huwag lamang sa timawa
at baka maadik sila

pampatalas ng isipan
ang maraming kasabihan
kapara nito'y bugtungan
na iyong pagninilayan

aanhin ang damong kumpay
kung kabayo na ay patay
sa kalabaw mo ibigay
at manginginaing tunay

Martes, Oktubre 9, 2012

Mabuti pa'y tutong kaysa panis na kanin

MABUTI PA'Y TUTONG KAYSA PANIS NA KANIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

sino kayang matino pa yaong kakain
kung batid naman niyang panis yaong kanin
kahit na pulubing marahil walang kain
di gaganahan, di nila iyon kakanin

tanungin mo kaya, bakit ka napanisan
kaning kaysarap ay bakit pinabayaan
dahil maraming bigas na maisasalang
o dahil ito'y di naman pinaghirapan

marami nga riyan, sa gutom ay nagtitiis
sapat lang, asin man, walang ulam na labis
kung meron mang konti, kanin di mapapanis
pagkat uubusin, ulam man nila'y patis

mabuti pang magtiyaga sa kaning tutong
sunog man, tiyak ang tiyan mo'y di susumpong
matigas man, masarap pagkat anong lutong
didighay ka anumang ulam ang ipatong

Sabado, Oktubre 6, 2012

Pagdiriwang ng kaarawan

PAGDIRIWANG NG KAARAWAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

apat na araw matapos ang kaarawan
nang idaos ang isang munting kasiyahan
naghanda ang mga kapatid ko't magulang
ng pagkaing aming pinagsalu-saluhan

kung aking matatandaan, iyon ang una
sa aking kaarawan ay naghanda sila
kung sakali mang dito'y mayroong nauna
aba'y baka nuong ako'y munting sanggol pa

(* tuwing Oktubre 2 ang kaarawan ng maykatha)

Huwebes, Oktubre 4, 2012

Magtiwala sa Sarili

MAGTIWALA SA SARILI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

And by the way, everything in life is writable about if you have the outgoing guts to do it, and the imagination to improvise. The worst enemy to creativity is self-doubt. ~Sylvia Plath

maraming dapat isulat, marami
kaya huwag tayong mag-atubili
mga salita'y pinipintakasi
nililikha ang sulating may silbi
sa masa't obrerong sadyang kayrami
magtiwala lang sa ating sarili

Miyerkules, Oktubre 3, 2012

Blogero 2012


BLOGERO 2012
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

mga blogero kaming / mayroong kalayaang
maipahayag bawat / nasa aming isipan
may karapatan tayong / sabihin ang anuman
at maisulat ito / sa anumang paraan

noon, sinusulatan / namin ay yaong dyaryo
at magkaminsan naman / gagawin nami'y libro
ngunit ngayon, blog naman / itong bagong estilo
sa internet ay babad / kaming mga blogero

ang karapatang ito'y / nanganganib na ngayon
dahil sa bagong batas / maari kang makulong
sa facebook mo at twitter / huwag kang magsusumbong
huwag mong isusulat / ang ginawa ng buhong

huwag mong pupunahin / ang gagong pulitiko
sa kanilang tiwaling / ginawa sa bayan mo
ang nais nitong batas / sarilinin lang ito
gaano ka man inis, / pabayaan ang trapo

katapat mo'y libelo / agad kang kakasuhan
iyang pagpapahayag / di mo na karapatan
ang libelo'y panakot / ng mga tampalasan
nang di sila mapuna / sa gawang kasalanan

pag nahatulan, ito'y / karanasang kaylagim
labingdalawang taon / umano'y bubunuin
pinapatay na nito / ang karapatan natin
bagong batas na ito'y / dapat lamang tanggalin