Martes, Hulyo 31, 2012

Disgrasya sa mga Pagawaan


DISGRASYA SA MGA PAGAWAAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

Alalahanin ang mga namatay na manggagawa: Manila Film Center Workers (Nov 1981), Eton Workers (Jan 2011), Hanjin Workers (patuloy hanggang 2012), at marami pang iba.

patuloy na nagkakayod para sa pamilya
nag-iipon para sa kinabukasan nila
sweldo'y kaybaba, bagamat nagsisipag sila
ngunit ang masakit, sa trabaho'y nadisgrasya

namatay sa disgrasya'y minsan nababalita
ngunit karamihan, itinatago nang kusa

mga namatay na manggagawa'y kayrami na
guho sa Manila Film Center, alam ng masa
sa konstruksyon sa Eton Towers, nahulog sila
sa Hanjin sa Subic, bawat buwan yata'y isa

mga balita'y di mapag-usapan ng madla
pilit ba kayang itinatago ang balita?

bisig ng obrero'y bumuhay sa ekonomya
gusali'y tinayo, lansangan ay pinaganda
ngunit pag sila sa trabaho'y nadidisgrasya
nakakamit kaya ang marapat na hustisya?

marami pang insidenteng di nababalita
marami nang aksidenteng di na nabalita

Itinalaga ang Abril 28 bawat taon bilang International Workers' Memorial Day (an international day of remembrance and action for workers killed, disabled, injured or made unwell by their work) sa iba't ibang panig ng mundo. Ngunit di lang sa araw na ito dapat natin silang gunitain dahil patuloy pa ang mga nagaganap na disgrasya sa mga pagawaan.

Lunes, Hulyo 30, 2012

Gutom sa Gitna ng Kaunlaran


GUTOM SA GITNA NG KAUNLARAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

isang tao, sa bangketa'y tila walang malay
sa harap ng isang kainang kilalang tunay
gutom, hawak ang tiyan, nakalahad ang kamay
walang sapin kundi baro, barya'y hinihintay

"now serving breakfast" ang nakapaskil sa salamin
nag-aanyayang pumasok doon at kumain
hintay, bakit ang pulubi'y di mabigyang-pansin
dahil walang salaping pambili ng pagkain

“now serving breakfast”, anunsyo ito ng restoran
ngunit ito’y di libre, ito'y dapat bayaran
ganito ang gutom sa gitna ng kaunlaran
kayrami ng pagkain, gutom ang kababayan

pulubi? sa Pilipinas kayraming pulubi
ngunit lingkod-bayan, sa kanila'y walang paki
ang pamahalaan sa kanila'y anong silbi
ang alam nila, gutom ka pag walang pambili

ganito ang sistema sa bayan nating ito
walang pakialaman magutom man ang tao
kaya kung wala kang pera sa kapitalismo
sadyang papangarapin mong sistema'y magbago

pagbabago? salitang sa dukha nga'y kaytamis
ito ang pangarap ng nabubuhay sa hapis
sistema’y dapat baguhin nitong nagtitiis
ito’y kaya kung mga dukha na’y magbibigkis

ang litrato'y kuha ni Glenz, na ka-facebook ni kasamang Jhuly Panday, na magkasama sa isang Artists Collective

Hukbo ng mga Kumain-Dili


HUKBO NG MGA KUMAIN-DILI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

hukbo ng kumain-dili'y napakalaki
sa mundo'y milyon-milyon, talagang kayrami
habang pagkai'y puno sa mall at grocery
dahil walang pera'y di sila makabili

habang napapailing ka ay nagsusuri
bakit sistemang ganito'y nananatili
dahil pagkai'y ginawa, tubo ang mithi
di upang pakainin ang gutom na lipi

mga kumain-dili'y laksa sa Aprika
kilala sa mga bansang ito'y Somalia
Burundi, Rwanda, Zimbabwe, Congo't Angola
meron ding ganito sa Latin Amerika

payat yaong mga bata't kulang sa lakas
marami sa kanila'y sa gutom nautas
sa Asya’y mayroon ding sa gutom di ligtas
sa North Korea, Bangladesh, at Pilipinas

anong tulong natin, paano mababago
ang sistemang itong ginugutom ang tao
sobra-sobra ang pagkain ngunit may presyo
lipunan ba'y hahayaan na lang ganito

may nagugutom sa gitna ng kaunlaran
pagkai'y karapatan, huwag pagtubuan
gawin ang pagkain para sa mamamayan
upang magawa ito, sistema’y palitan

Linggo, Hulyo 29, 2012

Ang Inggit


ANG INGGIT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

“Pity is for the living, envy is for the dead.” Mark Twain
“Envy shoots at others and wounds itself.” -  English Proverb
“Envy eats nothing but its own heart.” - German Proverb

pag isang tao'y may naipon, may nagawa
kinaiinggitan ng mga palamara
kung anu-ano'y sabi't nag-aalimura
para bang kinawawa’t sila'y walang wala

inggit ba'y dahil ang sarili'y walang silbi
walang kasiyahan, ang ramdam nila’y api
inggit ba'y paraan nila ng pagsisisi
sa kawalan, pagtakas mismo sa sarili

imbes makuntento kung ano ang mayroon
namamatay sa inggit, kapara ay leyon
pulos bulong sa kapwa't tila nabuburyong
bakit ako'y wala, bakit sila'y mayroon

bakit kanila'y kayrami, sa akin konti
nangingimbulo’t di maabot yaong mithi
karamdaman na kaya ang pananaghili
o pagkaawa sa sarili yaong sanhi

hayaan mo na silang mamatay sa inggit
ituloy mo lang ang pag-iipon mong pilit
wala na yatang lunas ang kanilang sakit
nais mo mang sa kanila'y magmalasakit

nakamamatay ang inggit, nakamamatay
puso ng tao'y tila kinulong sa hukay
buti pa'y sarili'y magsikap magtagumpay
ng di mainggit sa kapwa't sumayang tunay

Biyernes, Hulyo 27, 2012

Ang Pintuan


ANG PINTUAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

i
ang tao'y pumapasok sa pintuan
at iyon din ang kanyang lalabasan
magnanakaw ay ibang kaasalan
ito yaong papasok sa pintuan
aalis nang sa bintana daraan

ii
kung sa bahay mo'y pauwi na doon
magpapahinga, pinto'y sasalubong
papasok ka’t sa bahay mo’y kakanlong
sa silid mo'y hihilata na doon
magninilay muna at magkukulong

iii
anong nangyayari sa may labasan
di malalaman kung nasa kwarto lang
anong naganap sa pamahalaan
bakit ganyan ang takbo ng lipunan

upang magkaroon ng katugunan
ang sa isip mo'y mga katanungan
dapat ka lang lumabas ng pintuan
makihalubilo sa sambayanan

iv
dahil sa pangarap ng sobrang luho
pagkat nais tumubo ng tumubo
kapwa'y inagrabyado, di nagtino
sala'y napatunayan, nabilanggo

ilang taon na sa loob ng hoyo
laging nakatitig doon sa pinto
paglaya'y nasa isip nakatimo
ninanasa’y makalabas ng pinto

v
nakatulala siya sa kisame
pakiramdam niya'y natuturete
sa diwa'y diwata ang naghehele
tila siya'y wala na sa sarili

sa batas iyon ang makabubuti
buhay ay inutas, kapwa’y inapi
pinto'y kandado't siya'y nagsisisi
may bukas pa ba o doon ang hulí

Huwebes, Hulyo 26, 2012

Tibak at Danas sa Gunita

TIBAK AT DANAS SA GUNITA
(pagpupugay sa mga manunulat ng "Tibak Rising")
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

sa hulihang kabanata ng Noli Me Tangere
ang mamamatáy na noong si Elias ay nagsabi:
"huwag limutin ang nabulid sa dilim ng gabi"
bilin ito’t aral na uminog sa masang api

biling umalingawngaw sa takbo ng kasaysayan
sa pananakop ng Espanya, bayan ay lumaban
sa Amerika't Hapon, tayo'y nakipagdigmaan
noong batas-militar, lumaban ang sambayanan

maraming estudyante noon ang nagsama-sama
upang pasismo’y wakasan, palitan ang sistema
marami'y palaban, naging ganap na aktibista
rali, komunidad, piketlayn, kapiling ang masa

bagamat uminog ang takot sa dibdib ng madla
naganap noon ang tinatawag na Unang Sigwa
sa La Tondeña unang nagwelga ang manggagawa
sa Tondo naman, naorganisa ang maralita

mga aktibista'y masigla't tila walang takot
lumaban sa pamahalaang sa masa'y kilabot
ngunit marami sa kanila'y hinuli, dinampot
may namundok, may namatay, nawala at dinukot

prinsipyado ang mga tibak, bayani ng masa
mga danas ng paglaban ang mga kwento nila
saya, ginaw, init, pantal, pait ng alaala
hirap, sakit, gutom, luha, namatay na kasama

"huwag limutin ang nabulid sa dilim ng gabi"
di ito nalilimot, marami pang nagsisilbi
di pa tapos ang tunggalian, kayrami pang api
magwagi sa labanan ng uri'y dapat mangyari

tunay ngang masa ang lumilikha ng kasaysayan
mga tibak na bahagi ng historya ng bayan
salamat sa mga ibinahaging karanasan
pagpupugay po sa inyo, mga tibak ng bayan!

- Hulyo 26, 2012

Ang tula'y nilikha matapos mabasa ang artikulong
"Tibak Rising" ni Ma. Ceres P. Doyo sa Philippine 
Daily Inquirer, July 26, 2012, p.A13

Miyerkules, Hulyo 25, 2012

Kontraktwalisasyon ba'y isang jigsaw puzzle?


KONTRAKTWALISASYON BA'Y
ISANG JIGSAW PUZZLE?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

palaisipan ba ang kontraktwalisasyon
na hindi malutas ng milyong manggagawa
ang kailangan ba'y madugong rebolusyon
upang salot na ito'y tuluyang mawala

kontraktwalisasyon ba'y kapara ng bugtong
na kinakailangang hanapan ng sagot
ang lulutas ba niyan ay mga marunong
trapo, abugado, kapitalistang buktot

di ba't may pakana'y yaong kapitalista
upang mabawasan ang mga benepisyo
ng obrerong kayod kalabaw sa pabrika
ayaw gawing regular ang mga obrero

seguridad natin sa trabaho’y nasaan
na nakaukit sa ating Saligang Batas
seguridad na ito’y ating karapatan
o Konstitusyong ito'y may saligang butas

anong pyesa ang nawala sa jigsaw puzzle
hanapin natin, makita kaya ang sagot
di ba’t may sagot sa problema't kuntil-butil
bawat epidemya'y may katapat na gamot

sa isyung ito'y di dapat maging tahimik
ang manggagawang lumikha nitong lipunan
alinlangan pa kaya silang maghimagsik
upang malutas nila ang palaisipan

jigsaw puzzle na ito'y halina't buuin
nawawalang pyesa'y atin ding mahahanap
magtyaga't kumilos tayo't pasasaan din
kalutasan ay atin ding mahahagilap

Isang kamatis ang ulam sa bawat kainan

ISANG KAMATIS ANG ULAM
SA BAWAT KAINAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

ang tumpok ng kamatis, ngayon ay sampung piso
laman ay lima, minsan apat ang laman nito
kaya mura'y panahon nito't mura ang kilo
alam mo bang sa akin, kaylaking tulong nito

ilang panahong pulos trabaho ng trabaho
prinsipyo'y tangan-tangan, kumikilos ng todo
kahit walang alawans, patuloy pa rin ako
barya'y tipid na tipid, ano bang bibilhin ko

madalas walang kain, kaya nga namamayat
paborito kong beef stake, porkchop, wala nang lahat
wala kasing pambili, barya'y di makasapat
para gutom maibsan, kamatis ang katapat

pinagtiisan itong pagdidildil ng asin
bibili ng kamatis, pandagdag sa pagkain
ihahalo sa toyo matapos kong gayatin
iuulam sa kanin, nakakabusog na rin

ang ulam kong kamatis, kakampi nitong bayan
sa tibak na tulad kong walang laman ang tiyan
isang kamatis lamang ang ulam sa agahan
isa sa tanghalian, isa rin sa hapunan

sa bahaw ay ulam na, gutom na’y napapalis
pag naubos ang toyo, ihahalo sa patis
laging nakakasama sa bawat pagtitiis
laki kong pasalamat, may kakamping kamatis

Martes, Hulyo 24, 2012

Himutok ng magwawalis sa isang rali


HIMUTOK NG MAGWAWALIS SA ISANG RALI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

isang magwawalis ang minsan ay nagsabi:
"lagi na, pulos kalat na naman sa rali!"
sa komento niya, siya ba'y masisisi?
nagkakalat tayo, may magwawalis kasi

sa magwawalis, ito'y dagdag na trabaho
ngunit wala naman siyang dagdag na sweldo
nago-obertaym ang tulad niyang obrero
dahil dapat walisin ang kalat na ito

ang mga nagrali'y may pag-ibig sa bayan
adhika'y baguhin ang takbo ng lipunan
gusto'y maging matino ang pamahalaan
ngunit sariling hanay, nagkakalat naman

paumanhin sa magwawalis, pasintabi
salamat sa puna, aminado po kami
mga kasama, huwag magkalat sa rali
ating simulan sa hanay nating sarili

tulungan natin ang magwawalis na ito
upang sa susunod, turan niya'y ganito:
"sa rali, konti na lang ang winawalis ko
totoo nga ang hangad nilang pagbabago!"

Lunes, Hulyo 23, 2012

Mamamayang gutom sa saganang lungsod

MAMAMAYANG GUTOM SA SAGANANG LUNGSOD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

maraming pagkain dito sa kalunsuran
lunsod na itong tanda ng kasaganaan
ngunit laganap pa rin itong kagutuman
masa'y sadyang nagdurusa sa karukhaan

sa lungsod tinayo ang maraming pabrika
merong gumagawa ng pagkaing delata
may pabrika ng noodles at mga tsitsirya
pagkaing pangkalamidad ang gawa nila

tila di na uso ang pagkaing sariwa
kinukulong na sa lata ang mga isda
kaya sardinas itong pagkain ng dukha
pamatid-gutom lang, pagkaing pangkawawa

kayraming pagkain dito sa kalunsuran
ngunit bago nyo ito mapakinabangan
kailangang bilhin ito sa pamilihan
salapi, pera, kwarta, piso'y kailangan

lahat sa lungsod, may kapalit na salapi
kung wala ka nito'y walang maiuuwi
sa pamilyang gutom, animo kayo'y sawi
ganyan ang lipunan, may pera'y naghahari

mamamayan ay gutom sa saganang lungsod
katotohanang nakalalambot ng tuhod
mga walang pambili'y laging nakatanghod
sapagkat mga dukhang walang sinasahod

Linggo, Hulyo 22, 2012

Di Mamalayang Tagumpay


DI MAMALAYANG TAGUMPAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Karaniwan, tagumpay ay di madaling makita
Di tulad ng laban ni Pacquiao na nakabandera
Tagumpay na pinagsumikapan hanggang makuha
Sa pagtitiyaga, nilaga'y kaysarap ng lasa

Wala naman kasing dahilan upang magmayabang
Na magaling ka't ang iba'y pawang mga talunan
Baka asarin ka't sabihang nakatsamba ka lang
Buti pang tumahimik nang walang makaalitan

Sa iyong tagumpay, hayaang wala silang malay
At huwag ka ring magyabang na ikaw'y nagtagumpay
Gawin mo lamang ang tama't kung ano ang may saysay
Kung nais mong magbalato'y tahimik kang mamigay

Nang dahil sa tagumpay, totoong may pagbabago
Ngunit tandaang huwag itong ilagay sa ulo
Marami riyang maiinggit at totoong tuso
Kaya sukat mong pag-ingatan ang mga bolero

Ipakita mong nagpapakatao ka't marangal
Na kahit biglaan kang naparoon sa pedestal
Sa tagumpay na natamo'y di nagpapakahangal
Kundi nakikipagkapwa ka't may magandang asal

Sa Pagkulo ng Sinaing

SA PAGKULO NG SINAING
ni Gregorio V.Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

sadyang tunay, kukulo lamang ang sinaing
kung merong nagbabagang apoy sa ilalim

dapat tantyado ang apoy at mapahina
upang di masunog, mahilaw o malata

tulad din ng baga ng apoy sa kilusan
pagningasin pa ang prinsipyo't kalooban

alamin ang kasaysayan ng gintong palay
na itinanim sa gitna ng saya't lumbay

tayo nang magtanim, magbayo at magsaing
upang tayo naman at iba'y makakain

itanim ang binhi ng prinsipyo't himagsik
alagaan, palaguin ang inihasik

alagaang mabuti, huwag ikalburo
mas masarap kung kusa nang nahinog ito

hanggang sa yaong gintong palay na'y gapasin
tanggalan ng ipa, maluto't maging kanin

tiyakin mong mabantayang tama ang gatong
dahil kung hindi, ang kakainin mo'y tutong

pakuluin ang masa upang maghimagsik
hanggang sistemang bulok, tuluyang tumirik

Sabado, Hulyo 21, 2012

Libre lang ang mangarap


LIBRE LANG ANG MANGARAP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

libre lang naman ang mangarap
sintayog man ito ng ulap
prinsesa kitang aking hanap
na lagi sa aking hinagap

libre lang naman ang mangarap
tayo'y hindi na maghihirap
ah, kayhirap namang magpanggap
kailangan pa ring magsikap

Huwebes, Hulyo 19, 2012

Minsan, isang umagang kaypanglaw


MINSAN, ISANG UMAGANG KAYPANGLAW
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

mapanglaw na ang opisina
akala mo'y isang bodega
isang gubat ng alaala
nagkalat ang parapernalya

tila ba ito'y hinalughog
sa puso’y halos makadurog
yaong pangarap bang kaytayog
basta na lamang ba lulubog

opisina'y nangungulila
nasaan na ang manggagawa
solong naiwan ay napatda
sa kisame'y napatulala

walang imik, ang diwa'y gising
sa upuan napapailing
sa isip ay nagtutumining
manggagawa pa ba’y darating?

Miyerkules, Hulyo 18, 2012

tula hinggil sa pelikulang Dead Poets Society


Dead Poets Society, sikat na pelikula noon
na marahil naghubog din sa isang henerasyon
sa manonood ay talinghaga ang pasalubong
ligaya, lungkot, ngiti, rimarim, kutya, linggatong
malalalim na katagang tila ba di malulon
bagamat nauunawa ng may magandang layon
kasama ang kani-kanilang musa'y naglimayon
at tila di madalumat kung saan paroroon

- gregbituinjr, 071712

Ginupitan ko ang aking sarili


GINUPITAN KO ANG AKING SARILI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

nais ko lang putulan ang aking patilya
bawasan ang buhok nang lumitaw ang taynga
ngunit sa barbero ba ako pa'y pupunta
gayong presyo na ng gupit niya'y singkwenta

ako na kaya ang sa buhok ko'y gumupit
ito ang pasiya ko dahil nagigipit
gunting, salamin, suklay, diskarte ang gamit
sa presyo ng gupit, almusal ang kapalit

kaya ako nga ay humarap sa salamin
sinuklay ang buhok, ah, kaysarap suklayin
at saka hinagod ng gunting na matalim
patilya'y inukit ng maganda, ginunting

ginupit ang buhok, pinalitaw ang taynga
inayos ang hubog ng gupit ng patilya
tiningnan sa salamin kung gupit pantay na
minasdan ang mukha kung gupit bumagay ba

naligo naman ako agad pagkatapos
kaya ko rin palang gumupit ng maayos
at ito nga, natipid ko'y singkwenta pesos
may sukli pa ang kanin at piritong bangus

Linggo, Hulyo 15, 2012

Ekspresyon

EKSPRESYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

ang paglikha'y isang ekspresyon
ng sariling nararamdaman
ang bawat kataga'y kombulsyon
ng kanyang mga panawagan

si Batuteng iniidolo
ay naukit sa panitikan
at sina Balagtas at Rio
umukit din ng kasaysayan

kung idolo mo'y si Balagtas
ano bang pakialam nila
hayaan ang kanilang pintas
dahil magagaling na sila

nais kong maging mapanlikha
kataga man o kaya'y sining
lilikha ng anumang akda
mula sa diwa'y tumitining

Huwebes, Hulyo 12, 2012

Kaya Ikaw, John, Magsumikap Ka


KAYA IKAW, JOHN, MAGSUMIKAP KA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

"kaya ikaw, John, magsumikap ka"
mensaheng umalingawngaw noon
sa katapusan ng John en Marsha
nagmulat sa isang henerasyon

John en Marsha ng kabataan ko
komedyang di santuka't sangkahig
habang inaaliw nila tayo
winawalis ang pera sa sahig

"kaya ikaw, John, magsumikap ka"
sermon ni Dely Atay-Atayan
sa pagtatapos ng John en Marsha
pang-aliw ito't aral sa bayan

kaya sa maraming John Puruntong
payo itong sa puso bumaon


Miyerkules, Hulyo 11, 2012

Minsanan lang

MINSANAN LANG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
5 pantig bawat taludtod

minsang mauntog
di na uulit
minsang mahulog
di na pipikit

minsang kinabog
di na makulit
minsang nagdabog
di na humirit

minsang dumulog
may masasambit
minsang nambugbog
may masasabit

minsang nayugyog
agad kumapit
minsang kumulog
iyak ang langit

minsang nagluhog
nitong pag-ibig
ang iniirog
kapit sa bisig

minsang pinupog
ng laksang halik
sintang inirog
mata'y tumirik

Martes, Hulyo 10, 2012

Si Lean Alejandro, Magiting na Aktibista



SI LEAN ALEJANDRO, MAGITING NA AKTIBISTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

dalawampu't limang taon na ang nakararaan
nang paslangin ng kung sino ang kilalang si Lean
hanggang ngayon di pa mahagilap ang katarungan
tila hustisya'y kay-ilap sa bayani ng bayan

si Lean, isang magiting na lider-estudyante
nangarap ng pagbabago, nagsimula sa U. P.
binaka yaong mga mali, kasama ni Lidy
nakibaka, nagtalumpati, sumama sa rali

kinausap ang masa, kinaibigan ang dukha
kasama sa bawat laban ng mga manggagawa
ipinagtanggol ang karapatan ng maralita
bayani ng masa pagkat ang masa'y kinalinga

aktibista siyang magiting, sa kapwa'y may puso
habang kinalaban niya ang sakim at maluho
ngunit ang bawat pagbaka sa sakripisyo'y puno
siya'y pinaslang, ang bayan ay nadilig ng dugo

gayunman, pasasalamat yaong bati ng bayan
sa kanyang ikalimampu't dalawang kaarawan
maraming salamat sa mga inambag mo, Lean
di ka nabigo, pagkat tinuloy namin ang laban

- Hulyo 10, 2012

Paglaya

PAGLAYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

"The struggle for freedom is the next best thing to actually being free." ~ Lean Alejandro

tigib sa gunita ang pag-asam ng kalayaan
kahit di napipiit ang diwa sa bilangguan
ngunit dapat lumaya ang isip, puso't katawan
mula sa kuko ng mapagsamantalang lipunan

sapupo ni Lean ang pag-asa't pakikibaka
kahalukipkip ang pag-ibig sa bayan at sinta
di magagapi ninuman ang layang ninanasa
kikilos at kikilos pa rin ang hiráp na masa

patuloy na itindig ang dangal ng kapwa't madla
patuloy na makibaka sa panahon ng sigwa
pagkilos tungo sa paglaya'y di dapat humupa
hanggang totohanang kamtin ang ganap na paglaya

tama nga ang sabi ni Lean, tunay na pagkilos
ang susi upang maharap ang nagbabadyang unos
upang totoong kalayaan ay makamtang lubos
at lumaya sa tanikala ng pagkabusabos

Sabado, Hulyo 7, 2012

Laro ng aming kabataan


LARO NG AMING KABATAAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

tanda mo pa ba noong naglalaro tayo
doon sa paaralan, kita'y naghoholen
at sa lansangan laro nati'y patintero
pag pista’y nag-aagawan pa sa pabitin

tulad ng iba, ako'y lumaki sa lungsod
matapos ang aralin, pulos paglalaro
samahan namin noon nga'y nakalulugod
sipa, goma, takbuhan, taguan, siyato

uso noon ang teks na kartong laro namin
habang di pa uso noon ang text at cellphone
teks na animo'y komiks, may kwento't may drowing
sa pitik ng hinlalaki'y kakalat iyon

tumbang preso'y hindi pagtumba ng bilanggo
gamit dito'y walang lamang lata ng gatas
magkakampihan dito ang magkakalaro
lata'y patutumbahin gamit ang tsinelas

tabi ng eskwelahan ay gubat pa noon
ngunit ngayon ito'y malaking apartment na
doon nanghuhuli ng gagambang panabong
tutulay sa istik at maglalaban sila

nauso din noon iyang trumpo at yoyo
minsan nga sa trumpo'y nabasag ang salamin
ng kapitbahay, nagalit, nais mamalo
dahil walang sinuman ang nais umamin

wala pang kompyuter noon ngunit masaya
pagkat magkababata'y naglalarong tunay
lagi nga kaming laman noon ng kalsada
di na lumalayo, sa tapat lang ng bahay

kaysarap gunitain at balik-balikan
ng mga larong di pa naman nalalaos
sa paggunita'y bakas pa ang kasiyahan
pagkat kabataan namin ay nairaos

Internasyunalismo

INTERNASYUNALISMO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

nagkataon lang sa Pilipinas ako sinilang
kaya iyang banyaga'y di natin agad kalaban
gayunman, nauunawaan ko ang kasaysayan
kung bakit ninuno'y lumaban sa mga dayuhan

subalit sa panahong ito ng kapitalismo
diwang internasyunalismo'y tinataguyod ko
na nakita ko sa aral ni Emilio Jacinto
sa kanyang Liwanag at Dilim, aking napagtanto

"Iisa ang pagkatao ng lahat," sabi niya
malalim kong pinagnilayan, diwang mahalaga
"Lahat ng tao'y magkakapantay" ang sinulat pa
bilang isa sa mga payo't aral sa Kartilya

ang Kartilya'y nagmulat sa aking matang may luha
upang magpakatao't makipagkapwa sa madla
upang wala nang pang-aapi sa mundo't sa bansa
upang makipagkaisa sa uring manggagawa

kung ako'y taga-Amerika, Europa, o Byetnam
ang Pilipino ba'y kalaban na agad, kay-inam
tayo'y magkapatid, kapwa taong may pakiramdam
kaya sa isyu sa ibang bansa'y may pakialam

kaya internasyunalista sa sarili'y turing
nagkataon lang sa bansang ito ako nagising
bilin nga sa Kartilya, tayo'y magkapantay man din
balat man ay kayumanggi, dilaw, puti o itim

Biyernes, Hulyo 6, 2012

Halina't Ipalaganap ang Baybayin


HALINA'T IPALAGANAP ANG BAYBAYIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

"Itong Katagalugan, na pinamamahalaan noong unang panahon ng ating tunay na mga kababayan, noong hindi pa tumutuntong sa mga lupaing ito ang mga Kastila, ay nabubuhay sa lubos na kasaganaan, at kaginhawahan. Bata’t matanda at sampu ng mga babae ay marunong bumasa at sumulat ng talagang pagsulat nating mga Tagalog." - Gat Andres Bonifacio, sa kanyang sanaysay na "Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog"

inamag na ba sa dahon ng kasaysayan
yaong panulat nating tawag ay baybayin
pamana ng ninuno'y pinababayaan
tila wala na ritong nais pang pumansin

ngunit bakit ba pilit kinakalimutan
ang sariling panulat ng ninuno natin
tila tayo binunot sa pinag-ugatan
memorya ng bayan ay tinaboy sa hangin

maglabas tayo ng sariling pahayagan
na ang gagamiting panulat ay baybayin
isabaybayin natin ang balita’t agham
tula, sanaysay, krosword, kwento't lathalain

ito'y isang masalimuot na usapin
na dapat nating pag-isipan, pag-usapan
ang pondo't makinarya'y saan manggagaling
sinong magdidibuho nitong pahayagan

sa antigong baul hinango ang baybayin
gayong nakapaloob sa puso ng bayan
binhi nito'y ating ihasik, palaguin
hanggang lumaganap sa buong kapuluan

halina't simulan ang banal na mithiin
narito ang ating lakas at unawaan
payak na hiling na ito'y marapat dinggin:
dapat nang buuin ang isang patnugutan

* Ayon sa talababa sa unang pahina ng Kartilya ng Katipunan, sa salitang "Tagalog," kahulugan ay "lahat ng tumubò sa Sangkapuluang ito" ng mga pamayanang taga-ilog. Idinagdag pa ng talababang iyon na "Samakatuwid, Bisaya man, Iloco man, Kapampangan man, etc. ay Tagalog din." Sa katunayan, pawang magkakasingkahulugan naman ang mga katagang Tagailog, Ibanag, Ilokano, Kapampangan, Sugbohanon, Subanon, Subanen, Agusan, Tausug, atbp. 

Miyerkules, Hulyo 4, 2012

Kasamang Rey, Magiting na Lider-Maralita


KASAMANG REY, MAGITING NA LIDER-MARALITA!
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

(Inatake sa puso’t pumanaw si Kasamang Rey Baltazar, pangkalahatang kalihim ng KPML-NCRR, noong Hulyo 1, 2012. Siya rin ang ikalawang pangulo ng Samahang Walang Tahanan (SAWATA) sa lungsod ng Kalookan.)

si Ka Rey ay isa sa aming lider na magiting
sa rehiyon siya ang pangkalahatang kalihim
maralita'y kasamang nakibaka ng taimtim
sa kanyang pagpanaw, mga maralita'y nanimdim

dalawang dekadang higit din siya sa pagkilos
tumulong sa laban ng mga maralitang kapos
magaling na lider-maralita, di malalaos
pamilya'y di pinabayaan, minahal nang lubos

ilang taon na namin siyang kasama sa rali
bawat isyu'y sinusuri, di siya atubili
lalo't maralita'y apektado, di mapakali
karapatan ng masa'y lagi niyang sinasabi

mula sa lokal, siya'y naging lider sa rehiyon
lipunan ay inaral, sa sistema’y di umayon
ipinagtanggol ang dukha laban sa demolisyon
ipinagtanggol ang dignidad ng organisasyon

si Kasamang Rey ay isang dakilang sosyalista
sa laban, di siya nang-iwan ng mga kasama
kumilos upang baguhin ang bulok na sistema
adhika ay lipunang may pagkalinga sa masa

kasamang Rey, nagpupugay kaming taas-kamao
dakilang sosyalistang nais baguhin ang mundo
itutuloy namin ang mga naiwang laban mo
pumanaw ka man, tuloy ang laban sa pagbabago

* KPML-NCRR - Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod - National Capital Region-Rizal

Lunes, Hulyo 2, 2012

Imbes na Charity, Baguhin ang Lipunan

IMBES NA CHARITY, BAGUHIN ANG LIPUNAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

kahulugan ng charity ay limos
bigyan kahit ano ang mga kapos
ngunit mumo lang ang pinantutustos
ng mga taong yama'y lubos-lubos

ngunit bakit hanggang charity lamang?
bakit di tumbukin yaong dahilan?
kung bakit may mahirap at mayaman?
di ba't dapat baguhin ang lipunan?

nais lang nilang malaman kung sino
yaong kapos upang limusan ito
ayaw nilang ipaalam sa tao
kung bakit ang mga dukha'y ganito

pinapanatili ang karukhaan
at binubusabos ang karamihan
yaong pantay-pantay na kalagayan
ay kailan kaya masusumpungan

ang pagtsa-charity'y ginawang pilit
ng sinumang nag-aastang mabait
nag-iipon na ng pwesto sa langit
gayong sistema'y sadyang mapagkait

charity'y di talaga kailangan
kung masa'y tamasa ang karapatan
may pagkain bawat hapag-kainan
walang nabubuhay sa karukhaan

kapitalismo ang dumadaluhong
sa buhay ng dukha'y sadyang linggatong
kung nais talaga nilang tumulong
palitan nila ang sistemang buhong

dapat walang mahirap at mayaman
pagkat pantay-pantay ang kalagayan
ibahagi ang yaman ng lipunan
sa lahat ng tao, sa buong bayan