Lunes, Abril 30, 2012

Alawans sa Organisador

ALAWANS SA ORGANISADOR
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

organisador yaong taguri
ngunit mistula silang pulubi
lumalaban sa mga tiwali
upang bayan ay di maapi

kaysisipag nila kahit gutom
kumikilos ng walang alawans
tulala na'y di pa umuurong
dahil sa prinsipyo nilang tangan

nakikita nila pag may rali
may perang pambayad sa mga dyip
ngunit sila'y mistulang pulubi
uuwi nang walang halukipkip

tsuper lang ang may kita sa rali
habang uuwing lakad na lamang
ang organisador na pulubi
silang nagpapatuloy ng laban

mga organisador na gutom
at sa araw-araw ay tulala
sa rali lang ba sila'y nagumon?
ngunit wala namang napapala?

prinsipyadong walang kabuhayan
gutom at hirap na nga'y balakid
pwede bang regular na alawans
ibigay na sa ating kapatid?

Linggo, Abril 29, 2012

Kapatid namin si ____

KAPATID NAMIN SI ____
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

(Alay para sa International Day of the Disappeared)

matagal nang nawawala itong aming kapatid
kung nasaan siya ngayo'y nais naming mabatid
kung sakali mang buhay niya'y tuluyang pinatid
nawa ang bangkay niya sa amin ay maihatid

kung aming kapatid sa dilim ng gabi'y nabulid
marapat siyang hanapin, alamin, di malingid
paghanap sa hustisya'y bakit tila may balakid?
ang pintuan ba ng hustisya'y laging nakapinid?

Sabado, Abril 28, 2012

Tularan ang Banig, Di ang Walis



TULARAN ANG BANIG, DI ANG WALIS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ang tingting ay walang lakas kung nag-iisa
ngunit nakakawalis pag marami sila
ganoon din sa kapatirang sama-sama
ramdam mo ang lakas pagkat nagkakaisa

ngunit di kusa ang pagkakaisang ito
may labas sa kanilang nagbibigkis dito
sa walis ay may taling sumakal ng todo
di magkakaisa pag tali'y kinalag mo

tibay nito'y dahil sa taling gumagapos
may taling sa kanila'y tila bumusabos
pag tali'y nawala, kalag na sila't tapos
wala nang kaisahan ang kanilang ayos

kung may alegoryang dapat nating tularan
bilang tanda ng pagkakaisa ng bayan
piliin na ang banig na may kaisahan
walang taling nagbigkis, hibla'y nagyakapan

mula sa pagkakaayos at pagkaplano
sadyang pinag-aralan ang buong disenyo
bawat hibla nito'y magkayapos ng todo
tulad ng samahang nagkaisang totoo

butasin man ang banig, magkayapos pa rin
di agad masira kanila mang pilitin
pagkakaisa nila'y hirap mong gipitin
bawat banig ay tandang kayhirap buwagin

tulad ito ng samahang ating tinayo
may isang simulain kaya ito'y buo
mahirap man, puno ng sakripisyo't dugo
hanggang dulo, sinumpaa'y di maglalaho

huwag gayahin ang walis, tulara'y banig
na ang bawat hibla'y tunay na magkaniig
unawa ang layon, nagkakaisang tindig
sadyang magkapatid sa ulo, puso't bisig

Miyerkules, Abril 25, 2012

Di napaslang ang kanilang pangalan

DI NAPASLANG ANG KANILANG PANGALAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

Macliing Dulag, Father Pops Tentorio
Dr. Gerry Ortega, Leonard Co

Cheryl Ananayo, Gensun Agustin
si Father Neri Satur, Armin Marin

Margarito Cabal, Rudy Segovia
Jimmy Liguyon, Frederick Trangia

Manuela Albarillo, Boy Billones
Nicanor Delos Santos, Romy Sanchez

Rogelio Lagaro, Rodel Abraham
Joel Pelayo, Eladio Dasi-an

Jose Doton, Father Allan Caparro
Gil Gujol, Reverend Raul Domingo

mga pangalan ito ng napaslang
ngunit di napapaslang ang pangalan

kayrami na nilang nasa listahan
silang mga martir ng kalikasan

dapat lang natin silang parangalan
bilang bayani ng kapaligiran

napaslang lang ang kanilang katawan
di napaslang ang kanilang pangalan

Kamatayan sa Silverio


KAMATAYAN SA SILVERIO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

(Alay sa mga taga-Silverio Compound, Parañaque City, at sa namatay nilang kapwa maralita, Arnel Leonor Tolentino, 21 taong gulang, na nabaril at napatay sa demolisyon noong Abril 23, 2012, at sa mahigit 30 ilegal na inaresto dahil sa pagtatanggol sa kanilang mga tahanan.)

anong masamang hangin ang kanilang hatid?
bakit sa demolisyon, buhay mo'y pinatid?
sinumang maysala'y dapat lang mabilibid!
at ang katarunga'y makamtan mo, kapatid!

wala ka na bang karapatang magkabahay?
wala na ba kayong karapatang mabuhay?
dahil ba iskwater ka'y dapat nang mabistay?
at sa ulo mo nga'y natamaan kang tunay!

ilan pa bang bahay ang dapat idemolis?
ilan pa bang dukha ang nais mapaalis?
ilan pa ba kayong nais nilang matiris?
kayong araw-gabi'y lagi nang nagtitiis!

pasistang punglo nga ba ang tamang solusyon?
karahasan ba o dapat ay negosasyon?
ang gobyerno ba'y paano dapat tumugon?
lagi na lang bang sagot nila’y demolisyon?

dapat itigil ang mga pakana nila!
lalo ang walang tigil nilang pangmamata!
tao tayong may dignidad, hindi basura!
tao tayong may karapatan sa hustisya!

hustisya sa mga nawalan ng tahanan!
katarungan sa lahat ng mga nasaktan!
wakasan ang demolisyon at karahasan!
nang wala na muling buhay na nasasayang!

- Abril 24, 2012, KPML-NCRR Office, Navotas, Metro Manila

Lunes, Abril 23, 2012

Kasaysayan ng isang punungkahoy

KASAYSAYAN NG ISANG PUNUNGKAHOY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

dati kang mabunga't malagong punungkahoy
mas matanda ka pa sa aking Tiyo Nonoy
dumating ang panahong dahon mo'y naluoy
dating ubod ng yaman, ngayon na'y palaboy

ang laki mo'y di mayakap ng limang tao
ang taas mo'y tila abot ng limang metro
di ka na nagbunga, tuluyan kang nakalbo
anila, wala nang pakinabang sa iyo

walang bunga, walang dahon, anong nangyari
panahong taglagas, kapara mo na'y poste
panahong tag-araw, walang lilim na saksi
tila ka na bangkay sa kadimlan ng gabi

dapat ka nang sibakin, sabi ng iilan
dapat ka lang lagariin, gawing upuan
dapat gawing troso't dalhin sa kalunsuran
limpak ang tubo sa punungkahoy na iyan

ang dating punungkahoy ay naging troso na
sinibak, nilagari, siya'y ibinenta
nakinabang sa kanya ang isang eskwela
doon ay naging lamesa, silya't pisara

sa lupang iniwan ay may tumubong bago
taon ang lilipas upang lumago ito
at magbigay-bunga't lilim sa mga tao
buhay ng punong kahoy sa mundo'y ganito

Martes, Abril 17, 2012

Bahagi kayo ng aking panulat



BAHAGI KAYO NG AKING PANULAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod


I

Bahagi kayo nitong aking pluma
Bahagi kayo ng puso ko't diwa
Bahagi ng danas, luha't ligaya
Bahagi ng kwento, sanaysay, tula

Sa bawat sulatin, yakap ang prinsipyo
Masaya man o may bahid ng dugo
Sa bawat akda'y nagpapakatao
Habang bira ang ganid at maluho

Sa akda'y anong ipagmamalaki
Lalo na't rebolusyon yaong binhi
Pagbabago, sadyang ito ang silbi
Upang aking kapwa'y di maaglahi


II

Kayo, aking bayan, ang nilalayon
Kayo, aking kapwa, ang rebolusyon

Kayong mga dukha ang aking kwento
Kasama ang maralita't obrero

Ako'y nasa panig ng kabataan
Kasama ng ating kababaihan

Magsasaka, mangingisda, ang masa
Pagkat kayo'y laging aking kasama

Sa lahat ng uri ng tunggalian
Magkasama sa anumang digmaan


III

Bahagi kayo ng aking panulat
Bahagi rin ng aking pagkamulat
Narito kayo kahit ako'y salat
Kaya pagsasama nati'y nagluwat
Mga kasama, maraming salamat

Linggo, Abril 15, 2012

Napapanaginipan ko ang bawat propaganda

NAPAPANAGINIPAN KO ANG BAWAT PROPAGANDA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

napapanaginipan ko ang bawat propaganda
na dapat isulat, ipamahagi, ipabasa
idinidisenyo ito para kaaya-aya
madaling maunawaan ang maganda sa mata
at tagos sa puso ang bawat mensahe sa masa

pluma't kwaderno'y lagi nang katabi sa pag-idlip
bakasakaling masulat agad ang nasa isip
sabi nga, ang bawat karanasan ay halukipkip
sa puso't sa diwa, bagamat di agad malirip
na biglang naglalabasan sa bawat panaginip

tulog man yaong katawan, di tulog ang isipan
kahit sa gitna ng nararamdamang kagutuman
patuloy na nagmamasid sa takbo ng lipunan
pag napukaw isusulat anumang natandaan
taludtod man, parirala't iba pang natuklasan

ngunit sa aking pagbangon at pag-inat ng buto
sa totoo lang limot ko na ang panaginip ko
subalit di nakalimot ang katabing kwaderno
pagkat doon ko natala ang panagimpang ito
na magagamit sa propaganda ng pagbabago

bubuksan ang kwaderno't babasahin yaong tala
baka may mungkahi doon ang uring manggagawa
baka may mabagsik na sinabi ang masang dukha
baka may bagong talinghaga’t gintong parirala
baka may bugtong, saknong, awit, sukat ikaluha

at saka susuriin ang lahat ng naisulat
magagamit ba sa islogan, tula, o pamagat
sa propaganda'y matatalas ba't nakasusugat
salamat sa panaginip at di nakalilingat
patuloy pang nagagawa ang papel na mabigat

Miyerkules, Abril 11, 2012

Mga Batang Hamog sa Bayang Tulog

MGA BATANG HAMOG SA BAYANG TULOG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

naging pangulo si Noynoy ng bayang hamog
namumuno sa bansang sa utang ay lubog
kayraming batang hamog sa bayang hamog
silang pinabayaan ng gobyernong tulog

hamog ang bayan dahil sa katiwalian
nitong mga pinunong walang pakialam
ang gubyerno'y imbes magserbisyo sa bayan
ang inaatupag na'y pagkakakitaan

kaya mga batang hamog na'y naglipana
sa mga taksi't bus nakikipagkarera
mga pasahero't tsuper inaabala
kung anu-anong gamit nito'y kinukuha

sinasalamin ng batang hamog kung ano
ang klase ng liderato nitong gobyerno
bakit pabaya't ang bansa'y laging magulo
paano ba namumuno itong pangulo

tila sa problema'y naghahanap ng damay
ang mga batang hamog na sa hirap ratay
sa nangyaring ito'y aking napagninilay
sila ba'y may pag-asa pang magbagong buhay

hangga't pekeng kaunlaran ang laging handog
sa taumbayan ng lider ng bayang hamog
hangga't pangulo'y nakatunganga o tulog
walang magandang bukas iyang batang hamog

Lunes, Abril 2, 2012

Pabasa ng Maralita, Abril 2012


PABASA NG MARALITA, ABRIL 2012
ni Greg Bituin Jr.

(Nilikha ito upang gamitin sa Tatlong Tagpong Pasyon ng Maralita sa ika-3 ng Abril mula sa Espana, tuloy ng Bustillos, at magtatapos sa Mendiola sa maynila. Ang pabasang ito'y iniayon sa anyo ng pasyon, na may limang taludtod bawat saknong, at walong pantig bawat taludtod)

kami'y mga maralita
ang buhay ay dusa't luha
gutom lagi't walang-wala
api na't kinakawawa
bakit ganito ang dukha

kami ang mga obrero
kaybibigat ng trabaho
ngunit kaybaba ng sweldo
kapitalistang barbaro'y
ginigipit kaming todo

ang sinabi ng Pangulo:
"O, bayan, Kayo ang Boss ko"
ngunit anong ginawa mo
binubusabos ang tao
sa nagtataasang presyo

sadya ngang nakakatangis
tubo sa presyo ng langis
at el-pi-dyi’y labis-labis
lagi na bang magtitiis
itong bayang tinitikis

kami ngayo’y nananaghoy
nahan ka, Pangulong P-Noy
kay Grace Lee, ikaw ang playboy
habang masa’y tinataboy
at ginagawang palaboy

hihingi kami ng tulong
may patay sa ebakwasyon
pinabayaan na doon
walang pambiling kabaong
saan sila ibabaon

mga ina’y lumuluha
para sa anak na dukha
na may sakit na malubha
kami ba’y may mapapala
sa gubyernong kulang-pala

inutil ang pamunuan
sa ating pamahalaan
bingi, bulag at gahaman
halina’t ating palitan
silang kawatan sa bayan

wala tayong mapapala
sa lipunan ng kuhila
kaya gawin nating dukha
putulin ang tanikala
nitong pagdurusa’t luha

wakasan ang pandarahas
tahakin ang bagong landas
itatag ang bagong bukas
tungo sa bayang parehas
at isang lipunang patas

Linggo, Abril 1, 2012

Pansit Lamay

PANSIT LAMAY
ni Gregorio V. Bituin jr.
11 pantig bawat taludtod

I

mula pa noon pag may namamatay
tradisyunal na handa'y pansit lamay
laging kasama sa pakikiramay
tagapagtanggal ba ito ng lumbay

noong bata pa ako'y nakagisnan
ito ang handa saanmang lamayan
pansit itong saksi sa kalumbayan
sa bigat ng puso'y nagpapagaan

bakit pansit lamay ang paborito
marahil dahil sa dami ng tao
at dahil madaling lutuin ito
mura na'y mabubusog ka pa rito

II
maraming tindang pansit sa palengke
paborito ko rito'y ispageti
kayganda ng kulay, kaytamis pati
buhay na buhay ang dugo ko dine

meron ding pansit tulad ng palabok
ang palibot nito'y maraming sahog
mabigat sa tiyan, nakabubusog
lalo't sahog nito'y hipon at itlog

kung may pansit lamay sa karinderya
palengke, turo-turo, o saan pa
tanong ko'y bakit ito'y tinitinda?
sa lamayan ba ito ang natira?