Biyernes, Marso 30, 2012

Pag-iisa - salin ng tula ni Edgar Allan Poe

PAG-IISA
Ni Edgar Allan Poe
Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Noong panahon ng pagkabata'y di ako naging
Tulad ng iba - at ako'y hindi napagkikita
Tulad ng nakita ng iba - hindi ko madala
Mula sa karaniwang tagsibol ang aking dama -
Mula sa kapwa pinagmulang hindi ko nakuha
Ang aking kalungkutan - at hindi ako magising
Ang aking puso sa tuwa ng may parehong himig -
At ang tangi kong inibig - inibig kong mag-isa -
Noon - ng aking kabataan - sa bukangliwayway
Ng pinakamatinding unos sa buhay - hinugot
Sa bawat kaibuturan ng mabuti't pasakit
Yaong hiwagang nagtanikala pa rin sa akin -
Mula sa kaylakas na agos, o sa balong -
Mula sa pulang talampas ng kabundukang yaon -
Mula sa haring araw na sa akin ay lumulon
Sa taglagas nitong bahagyang natina ng ginto -
Mula sa matinding kidlat doon sa kalangitan
Habang dumaan sa aking anaki'y lumilipad -
Mula sa ugong ng kulog, at nanalasang unos -
At ang alapaap na nagsa-iba't ibang anyo
(Nang yaong kabuuan ng kalangitan ay bughaw)
Na kapara'y yaong diyablo sa aking paningin -

-
-
-

ALONE
Edgar Allan Poe

From childhood's hour I have not been
As others were — I have not seen
As others saw — I could not bring
My passions from a common spring —
From the same source I have not taken
My sorrow — I could not awaken
My heart to joy at the same tone —
And all I lov'd — I lov'd alone —
Then — in my childhood — in the dawn
Of a most stormy life — was drawn
From ev'ry depth of good and ill
The mystery which binds me still —
From the torrent, or the fountain —
From the red cliff of the mountain —
From the sun that 'round me roll'd
In its autumn tint of gold —
From the lightning in the sky
As it pass'd me flying by —
From the thunder, and the storm —
And the cloud that took the form
(When the rest of Heaven was blue)
Of a daemon in my view —

Martes, Marso 27, 2012

Luksampati sa Luksang Parangal


LUKSAMPATI SA LUKSANG PARANGAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

binibigyang pugay ang nawalang kasama
na namatay sa karamdaman o sa gera
na pawang nakibaka para sa hustisya
at upang baguhin ang bulok na sistema

sa bawat luksampati'y pawang pagpupugay
ang handog ng mga kasama sa namatay
sa pag-idlip nito, ang katawang humimlay
ay pagkatuldok sa pakikibakang tunay

sa isa naming kasama'y namumutawi
yaong bait ng namatay, pawang papuri
gayong noong buhay pa'y nanggagalaiti
ngunit ano nga bang layon ng luksampati

bigyang parangal yaong kasamang nawala
sa huling sandali sa ibabaw ng lupa
sa bayan ay munti man ang kanyang nagawa
ngunit munti iyong sa masa'y pagpapala

may luksampati sa bawat luksang parangal
di upang wasakin ang namatay na dangal
di upang sirain sa namatay ang dangal
kundi ipakita ang ginawang marangal

bigyang pugay natin ang nawalang kasama
mabuting luksampati'y para sa pamilya
at anumang maiwan niyang alaala
magaan ang kalooban ng bawat isa

Lunes, Marso 26, 2012

Utak Badjao o Utak Intsik?

UTAK BADJAO O UTAK INTSIK?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

estilo ng mga Badjao ay nanghihingi
estilo ng mga Intsik ay tingi-tingi
alin sa kanila ang hindi nalulugi
alin ang dapat tularan, alin ang hindi

walang anumang puhunan ang mga Badjao
kundi sa mga sasakyan, palaktaw-laktaw
nanghihingi ng limos, pulubing pananaw
konti lang ang naaamot sa araw-araw

namumuhunan ang Intsik, tubo ma'y piso
kahit barya-barya ang tubo sa produkto
kahit tubong lugaw, pumapayag ito
basta't pera'y mapaikot nilang totoo

atake ng Badjao ay kultura ng awa
tiyak Pinoy daw ay maglilimos sa dukha
ngunit estilong ito'y sangkahig, santuka
walang katiyakan, estilong hampaslupa

sa Intsik kahit di tumubo ng malaki
kahit na tingi, baryang tubo'y di na bale
piso ang tubo basta't produkto'y kayrami
sa sanlibong produkto'y di na magsisisi

kung nais mong magpatuloy ang iyong buhay
huwag kang utak-Badjao kung ayaw mamatay
maganda'y utak-Intsik, di ka malulumbay
ugali itong dapat pagbutihing tunay

Martes, Marso 20, 2012

Di ko malaman kung saan ako susuling

Di ko malaman kung saan ako susuling
Ikaw ang nakikita pag ako'y humimbing
Tunay ba ang halakhak mong tumataginting
At ikaw ang sa panaginip ko'y kapiling

Sinta kitang diwata't lagi bang tuliro
Ramdam ko bakit lagi kang nasisiphayo
Espesyal ka rito sa aking abang puso
Pusikit man ang gabi, kita'y sinusuyo

Uulitin ko, lagi kitang iniibig
Yayapusin kitang mahigpit nitong bisig
Ah, sa panaginip lang ba kita kaniig
Nawa pagsamo ko'y lagi mong naririnig

- gregbituinjr.

Lunes, Marso 19, 2012

Pulitikong Lango


PULITIKONG LANGO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

wala nga bang disiplina ang mga Pinoy
tanong ito ng isang kababayang tsimoy
utak daw ng lasenggo'y tulad ng palaboy
tungga ng tungga itong tunggak na kaluoy

gaya ng pulitikong lasing sa upuan
langong-lango sa hawak na kapangyarihan
nalilimot nang siya'y isang lingkod-bayan
pabaya sa tinatanganang katungkulan

problema ng bayan imbes ayusin niya
hayun, siya'y di na mahagilap ng masa
nalasing na kasi sa papuri ng iba
akala'y di babagsak yaong tulad niya

asal niya'y gahaman, sobra siyang tuso
ang sariling kawani'y kaybaba ng sweldo
masamang halimbawa'y pakita sa tao
asal niya'y basahan, isa siyang trapo

taumbayan sa kanya'y nagbakasakali
ngunit nahawa siya sa mga tiwali
bagong pulitiko ngunit nakadidiri
hamig siya ng hamig, tila walang budhi

pag sa kapangyarihan ang trapo'y nalasing
lahat na ng anomalya'y kanyang gagawin
para bang nakadroga, siya'y napapraning
lingkod-bayang sa kabang-yaman naduduling

Linggo, Marso 18, 2012

Ang Lingkod na Pluma

ANG LINGKOD NA PLUMA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

ang pluma'y dapat ipaglingkod sa aping uri
lalo sa manggagawang api ng naghahari
ilantad ng pluma ang pribadong pag-aari
na dahilan ng pagsira ng buhay at puri

ang bawat tula't kwento'y may salaysay ng hidwa
habang dinuduyan-duyan yaring puso't diwa
di toreng garing ang tibok ng bawat salita
may sigla ng himagsik ang bawat kabanata

pluma'y tagapaglingkod laban sa mga hayok
sa tubo't naghaharing tanda ng pagkabulok
sa kwento ang tiwali'y kaya nating ilugmok
habang yaong naapi'y ilalagay sa tuktok

makata, pluma'y gamitin sa gitna ng digma
upang yaong mga tiwali'y di makawala
durugin mo sa tula yaong kasumpa-sumpa
at iangat sa pedestal yaong manggagawa

Mga Kasalamuha

MGA KASALAMUHA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

sa araw at gabi'y kayraming kasalamuha
maaring bida't kontrabida sa kwento't tula
posibleng tauhan sa akda kong kinakatha
sila yaong bubuhay sa saknong at talata

bawat mga danas ay maaaring eksena
habang sa kwento'y lulutang ang isang persona
mga posibleng piyesa sa tula't nobela
iwasiwas ang pluma sa hapdi, kirot, saya

lilitaw tiyak ang paniwala mo't prinsipyo
sa bawat kathang kinatas sa puso mo't ulo
sinong nakasalamuha ang bida sa kwento
masa ba'y anong aral ang mahihita dito

tila nga buhay na buhay ang bawat sitwasyon
tulad din ng karakter doon sa telebisyon
salita'y kikilos sa bawat talata't saknong
ngunit tayo lamang ang dapat doong magdugtong

Huwebes, Marso 15, 2012

Tinik sa Obrero ang Kontraktwalisasyon


TINIK SA OBRERO
ANG KONTRAKTWALISASYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

binobola ng kapitalistang kawatan
ngunit alinlangan pa silang maghimagsik
kung ganyan ng ganyan, anong kahihinatnan
di matatanggal ang sa manggagawa'y tinik

ang dangal ng manggagawa'y nayuyurakan
tinik sa obrero ang kontraktwalisasyon
dignidad ng paggawa'y nilalapastangan
tinik na ito'y unti-unting bumabaon

labis nang nabibikig ang mga obrero
pagkat tinik na ito'y labis kung tumusok
sa diwa't kalamnan ay sumusugat ito
sa buhay ng obrero'y sadyang umuuk-ok

maghimagsik ka, manggagawa, maghimagsik
ikaw lang ang kayang tumanggal niyang tinik

Martes, Marso 13, 2012

Presyo ng LPG, Ibaba!


PRESYO NG LPG, IBABA!
ni Greg Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

kayrami nang natutulala
bilihin ay kaytaas na nga
ito'y abot na sa kusina
tagos pa sa bulsa't sikmura
pambili'y nagsasalat na nga

pagtaas ng presyo ng langis
ay sadya ngang nakakainis
buhay namin ay numinipis
sa pagtaas na labis-labis
kartel nga'y dapat nang matiris

presyo ng el-pi-dyi (LPG), ibaba
pagtaas nito'y isawata
pagkat kawawa kaming dukha
hirap na, hirap pa'y lulubha
ang buhay na'y kasumpa-sumpa

pag lalo pang tumaas ito
aba'y baka na magkagulo
tiyak na ang gutom ng tao
kaya ibaba na ang presyo
nitong el-pi-dyi at petrolyo

Huwebes, Marso 8, 2012

Nakikita'y Tugma, Kulang sa Sukat

NAKIKITA'Y TUGMA, KULANG SA SUKAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

kayrami nilang mga lumilikha ng tula
kulang sa sukat, bagamat seryoso sa tugma
di naman malayang taludturan ang kinatha
tila kaalaman sa tugma't sukat ay wala
basta't kakatha na lang yaong bagong makata

sa tula kasi'y tugma ang agad namamalas
tulad ng obra ng ating makatang Balagtas
di pansing ang bilang ng pantigan ay parehas
kaya dapat iturong sa pagtula'y may batas
na sa tulang may tugma, may sukat na kapatas

minsan meron pa silang sesurang binibilang
na sa bawat taludtod ay hati ng pantigan
halimbawa'y Florante na labindalawahan
sa ikaanim na pantig, may paghinto naman
ganyan itong ating katutubong panulaan

makata noon pa'y ganito kadisiplina
pantig sa bawat taludtod ay binibilang pa
sa tanaga, dalit, gansal at iba pang obra
kaya di lang tugma ang ating dapat makita
kundi batas ng tugma't sukat, maunawa pa

Linggo, Marso 4, 2012

Pag-ibig mo sinta'y nakilala ng puso

Pag-ibig mo sinta'y nakilala ng puso
Ikaw lamang ang tangi nitong sinusuyo
Ang iwi kong pag-ibig ay di maglalaho
Mula sa kawalan, ako'y iyong hinango

Oo, buong-buo mo akong maaangkin
Ngayon at kailanman, pakamamahalin
Tutuparin ko, sinta, ang sumpaan natin
Ako'y iyong-iyo na't isa mong alipin

Lagablab ka sa diwa kong animo'y hangal
Bilib ako sa Kupido mong tinatanghal
Alab mo'y tila pusong nagpapatiwakal
Ningas ka sa pusong naritong nagmamahal

- gregbituinjr.