Martes, Nobyembre 29, 2011

Ang patola

ANG PATOLA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

halina't tayo'y magsikain ng patola
sapagkat gulay itong sadyang masustansya
may Bitamina A, pampalusog ng mata
may Beta-Karotina't C na Bitamina
lulusog ang balat at kalamnan ng masa

aba'y masarap ang patola pag niluto
pakiramdam mo'y gumanda ang iyong puso

may tinolang manok sa patola't sotanghon
meron ding ginisang patola sa bagoong
maari din itong may kasamang talong
samahan mo na rin ng talbos ng kangkong
upang lumakas ka't magkaroon ng kalsyum

halina't patola'y isama sa pagkain
pampalakas at sa sakit ay pampagaling

Linggo, Nobyembre 27, 2011

Pagyakap sa puno

PAGYAKAP SA PUNO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

nais kong yakapin ang isa nang matandang puno
sa panahong masama itong aking pakiramdam
bakasakaling manumbalik ang sigla ng dugo
at ang sakit na nadarama'y tuluyang maparam

Biyernes, Nobyembre 25, 2011

Tayo ang Siyamnapu't Siyam na Bahagdan (We are the 99%)


TAYO ANG SIYAMNAPU'T SIYAM NA BAHAGDAN
(WE ARE THE 99%)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

tayo ang siyamnapu't siyam na bahagdan
sa ilalim ng kapitalistang lipunan
ngunit wala sa atin ang kapangyarihan
kundi naroon sa elitistang iilan

bakit nasa kanila, mas marami tayo
gayong iilang iya'y iisang porsyento
pagkat wala sa atin ang aring pribado
di natin pag-aari ang mga produkto

hawak ng iilan ang kanilang puhunan
ang lahat ng nalikha'y pinagtutubuan
pag-aari nila halos ang buong bayan
hawak pati militar at pamahalaan

ang iisang porsyento'y nagbubuhay-hari
pulitiko, burgesya, negosyante't pari
pribilehiyo ang pribadong pag-aari
habang ang dukha'y niyuyurakan ng puri

panahon nang magkaisa't sila'y labanan
iwaksi natin ang natamong kaapihan
ipaglaban yaong hustisya't karapatan
baligtarin natin ang ating kalagayan

kung magkakaisa'y kaya nating manalo
pagkat sa lipunang ito, mayorya tayo
pawiin natin ang pag-aaring pribado
pati mga uri'y pawiin nating todo

tayo ang siyamnapu't siyam na bahagdan
dapat mapasaatin ang kapangyarihan
mga nilikha'y di na dapat pagtubuan
pairalin ang pagkapantay sa lipunan

magrebolusyon na para sa bayang sawi
halina't pawiin natin ang mga uri
gawing panlipunan lahat ng pag-aari
nang bawat tao'y pantay at kinakandili


Biyernes, Nobyembre 18, 2011

Sa mga nalibing na manggagawa sa Manila Film Center

SA MGA NALIBING NA MANGGAGAWA SA MANILA FILM CENTERni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

"Alas, today the Center is more famous for the tragedy that happened during its construction than for making Manila the Cannes of Asia. Tragedy struck on November 17, 1981 shortly before 3:00 a.m. (Imelda believed in 24-hour labour) when the scaffolding for part of the second basement collapsed, burying or trapping an unknown number of the graveyard shift workers in the quick drying cement. This much we know for certain." - from http://designkultur.wordpress.com/2010/01/08/cultural-center-of-the-philippines-the-manila-film-center-tragedy/

sabi nila'y bigla na lang kayong nawala
habang Manila Film Center ay ginagawa
istruktura'y bumagsak, gumuho ang lupa
ang tinig nyo'y kasamang nalibing ng luha

di na kayo inabala pang maiahon
kung may nabuhay pa, lupa na'y itinabon
inaapura kasi ang gusaling iyon
at sila'y dukha, karapatan na'y nalamon

tuwing gabi'y dinig daw ang mga palahaw
"hustisya! hustisya!" yaong kanilang sigaw
tila ba hiyawan ng mga nakabitaw
na manggagawang ang pangarap na'y nagunaw

di raw sila binalita ng mga dyaryo
pilit itinago ang pangyayaring ito
ngunit sa bulungan, mahihiwatigan mo
nariyan silang nangamatay na obrero

wala bang nakaligtas o di iniligtas?
binayaran lang ba ang buhay na nautas?
makatarungan ba para lang sa palabas
na mga pelikulang kayraming nagwakas?

Huwebes, Nobyembre 17, 2011

Pumapangit ang mga sugapa

PUMAPANGIT ANG MGA SUGAPA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

bawal na gamot ang kanilang tinitira
pamaya-maya'y hihitit ng mariwana
umiindayog ang kanilang kaluluwa
habang nakatitig sa idolong diyosa
pag di nakuntento'y magtuturok pa sila
inaaya pa pati ibang kakilala
gagawin ang lahat para lang lumigaya

sa kapitbahayan nila, droga'y talamak
ang mga sugapa'y hinihila sa lusak
tinuyo na ng droga ang kanilang utak
lagi nilang hanap ang tirador na tulak
sa bibig, iba't ibang droga'y pinapasak
tableta't kapsula'y kanilang pinipisak
matikman lamang ang panandaliang galak

ligayang hinehele sila tungong langit
ng mga pangarap nilang animo'y paslit
pag walang tama, sa sarili'y nagagalit
gagawa ng paraan, sa ina'y kukupit
sugapa silang sa droga nga'y sakdal-kapit
ang dating maganda nilang mukha'y pumangit
silang sugapa'y ganyan nga ang sinasapit

Miyerkules, Nobyembre 16, 2011

Ang Adaptasyon at ang Mitigasyon

ANG ADAPTASYON AT ANG MITIGASYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

sa climate change ba tayo lang ay magtitiis
paano kung kasama nati'y magkagalis
o magkasakit dahil balat ay manipis
di ba't dapat kamtin natin ang climate justice

marami nang bagyo ang dumatal sa bansa
nakita natin kung paano natulala
yaong nasalanta dahil di lang nabasa
ang mga gamit nila kundi nangawala

paano ba aangkop sa mga nangyari
tulad ng pagbaha't iba pang insidente
adaptasyon at mitigasyon daw ang sabi
nang tayo raw naman sa huli'y di magsisi

adaptasyon ay pag-angkop sa kaganapan
dapat nang umangkop kung anong naririyan
kung sa konting ulan baha na ang lansangan
aba'y ang lansangang ito'y dapat taasan

pagbawas ang kahulugan ng mitigasyon
dapat nating mabawasan ang konsentrasyon
ng greenhouse gases sa bawat lugar at nasyon
gawin na ito hindi bukas kundi ngayon

sinong dapat sisihin sa nangyaring ito
sabi ng marami, kagagawan ng tao
sabi ng iba, sistemang kapitalismo
ang ugat ng dusa ng mundo nating ito

ayusin ang daigdig, magbawas ng usok
pag-iinit di dapat umabot sa rurok
lipunan ay baguhin, pati nasa tuktok
kilos na bago mundo'y tuluyang malugmok

bawat bansa'y dapat makinig sa babala
ng climate change kaya dapat kumilos sila
adaptasyon at mitigasyon ay gawin na
bilang panimula sa hustisya sa klima

Linggo, Nobyembre 13, 2011

Aklat-Diyalektiko'y Kailangan

AKLAT-DIYALEKTIKO'Y KAILANGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

laganap ang mga relihiyosong libro
at kaunti lang ang aklat-diyalektiko
una'y nangangakong langit ang paraiso
huli'y paglikha ng paraiso sa mundo

Sabado, Nobyembre 12, 2011

Kada Linggo'y Sampung Akda


KADA LINGGO'Y SAMPUNG AKDA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

minsan, may nagtanong, kaysipag ko raw naman
ngunit bakit ako raw ay di yumayaman
kayraming sinusulat, mayamang mayaman
sa akda ngunit sakbibi ng karukhaan

wala akong ikatwiran kundi magsabi
na sa pagsulat ay di mag-aatubili
kakathain anuman ang nasa kukote
gutom man aakdang pilit ng guni't muni

sa loob ng pitong araw sa bawat linggo
itinakda ko nang may sampung artikulo
mga tula, sanaysay at maikling kwento
sa isang buwan, apatnapung akda ito

wala mang kita, nais kong may nagagawa
wala mang alawans, may bagong nalilikha
wala mang sweldo, tuloy pa rin sa pagkatha
trabaho ng trabaho kahit walang-wala

kayraming maisusulat, maiuulat
hinggil sa maralitang sadyang nagsasalat
hinggil sa negosyanteng nagpapakabundat
hinggil sa digmang may namamatay ng dilat

magmasid sa paligid at kayraming bagay
sa agham, lipunan, anong ating palagay
ano, bakit, paano'y susulating husay
pati mga tsismis, susuriin ding tunay

kahit naghihirap, butas man ang kalupi
di ito sagabal upang di manatili
sa pagkatha wala mang bayad na salapi
isasatitik anuman ang nalilimi

sampung obra bawat linggo ang itinakda
sa gitna ng gutom, katha pa rin ng katha
makata man akong nabubuhay sa digma
ng gutom, ng hirap, buhay pa rin ang diwa

Miyerkules, Nobyembre 9, 2011

Puso Ko'y Muling Aalon


PUSO KO'Y MULING AALON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

lagi kang dumadalaw sa aking panaginip
parang katabi lang kita, laging nasa isip
hintay ko ang pagbalik mong walang pagkainip
pagkat diwata kitang sa puso'y halukipkip

malayo ka man, ikaw pa rin ang iniibig
iwi kitang rosas na lagi kong dinidilig
na nasa balintataw ko sa gabing kaylamig
at mga halakhak mo tuwina'y naririnig

kung isa kang karagatan, lalanguyin kita
at yayakapin ko ang alon mo sa tuwina
kung isa kang alapaap, liliparin kita
upang tuluyang magkaniig tayong dalawa

sa bawat paglalakbay, alaala mo'y baon
ng puso't diwa kong ang adhika'y rebolusyon
sa bawat pakikibaka, ikaw'y inspirasyon
makita lang kitang muli, puso ko'y aalon

Lunes, Nobyembre 7, 2011

Kwento ng isang bata

KWENTO NG ISANG BATA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

nabasa ko lang kung saan ang kwentong ito
na lumigalig hanggang ngayon sa isip ko
may isang babae raw noong nagahasa
nabuntis, nagsilang ng malusog na bata
habang lumalaki ang bata'y nagninilay
ngunit laging pinapalo ng kanyang inay
siya raw yaong dahilan ng kamalasan
ng kanyang inang lugmok sa karalitaan
"paano ko po kayo mapapaligaya
sa kaarawan ninyo," ang tanong sa ina
"nais kong mamatay ka nang bata ka," tugon
ng inang abala sa ginagawa noon
at nang dumating ang kaarawan ng ina
nais ng batang ang kanyang ina'y sumaya
hinanap siya ng ina kung saan-saan
hanggang sa silid doon siya natagpuan
sakal ng lubid habang may naiwang liham
na sa ina ang sulat ay nakagulantang
"nais kong sumaya ang inyong kaarawan
mahal na mahal po kita, inay, paalam"

nabasa ko lang kung saan ang kwentong ito
na lumigalig hanggang ngayon sa isip ko
na dahil sa nangyari sa ina'y sumikip
ang munti niyang daigdig, at halukipkip
ang sama ng loob sa nagdaang panahon
dahil sa nangyari sa kanyang krimen noon
nadamay ang batang walang kamuwang-muwang
sa pinagdaanan ng inang nalabuan
huli na ang pagsisisi para sa nanay
aralin itong dapat nating mapagnilay

Miyerkules, Nobyembre 2, 2011

Pilipino akong di alipin ninumang dayo

Pilipino akong di alipin ninumang dayo
Ito'y isa kong panatang tangan ko hanggang dulo
Ang isang kalaban pa'y salot na kapitalismo
Mistulang sistemang bulok ang kinakalaban ko
Oorganisahin ang pinagsasamantalahan
Nagsasakripisyo upang palayain ang bayan
Tibayan ang hanay at tatagan ang kalooban
Ang uring manggagawa ang babago ng lipunan
Lulupigin lahat ng uring mapagsamantala
Babaguhin ang sistema, tunay ang demokrasya
At itatayo ang isang lipunang sosyalista
Na sadyang magbibigay-ginhawa sa bawat isa

- gregbituinjr.