Huwebes, Setyembre 29, 2011

Uso na naman ang noodles at sardinas

USO NA NAMAN ANG NOODLES AT SARDINAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ang biglaang pagragasa ni Pedring ay marahas
binaha ang lansangan, blakawt, bahay ay binutas
kayraming gamit ang binaha't di na nailigtas

marami'y sa evacuation center na nagpalipas
ng magdamag upang sariwain ang nakalipas
na maghapong dinalirot ng unos na kayrahas

uso na naman ang sanlaksang noodles at sardinas
handa ng gobyernong di handa sa bagyong kaylakas
sari-saring mga delata't ilang kilong bigas

ganito lagi ang sitwasyong ating mamamalas
habang ang iba naman, tubig-baha'y nililimas
pilit binabalik sa dati ang nasirang landas

isang katotohanan itong sa diwa'y nagbukas
pag may kalamidad, tambak ang noodles at sardinas

Miyerkules, Setyembre 28, 2011

Si Ondoy at si Pedring

SI ONDOY AT SI PEDRING
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

tila magkapatid na halimaw na rumagasa
at sinagilahan ng pangamba ang ating diwa
isang araw lang nanalasa ang mga kuhila
ang lupit nila sa maraming tahanan gumiba
sa sementadong daan, ngitngit nila'y nagpabaha
iniwan nilang bakas ang mga putikang lupa
punong bumagsak, nasirang bahay, luhaang madla
kahirapan at dusa'y kanila pang pinalala
ang kapangyarihan nila'y sadyang dama ng madla
sa pagdatal ng bagong araw muling nanariwa:
ang pamahalaan nga ba'y handa sa mga sigwa?
sa unos, ang mamamayan ba'y paano naghanda?

(Ondoy - Setyembre 26, 2009; Pedring - Setyembre 27, 2011)

Lunes, Setyembre 26, 2011

May Tunggalian ng Uri Kahit sa Balita

MAY TUNGGALIAN NG URI KAHIT SA BALITA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

bakit kaya pag pagkilos ng manggagawa
at pakikibaka ng mga maralita
ay bihira o hindi agad mabalita
kahit na ang mga nangyayari'y malala

ngunit pag press release na ng kapitalista
aba'y sadyang ito'y agad nababandera
talagang pinagkakaguluhan ng media
basta't balitang burges, nag-uunahan na

teka, magkano nga ba ang bawat balita
mga nasa media'y sadyang nagkandarapa
sa kapitalista'y di magkandaugaga
habang dehado lagi itong manggagawa

sa balita man, may tunggalian ng uri
basta mahirap, nadedehado ang puri
ngunit basta mayaman, laging pinupuri
ganitong estilo'y di dapat manatili


Linggo, Setyembre 25, 2011

Sa Kongreso ng ZOTO


SA KONGRESO NG ZOTO
ni greg bituin jr.
11 pantig bawat taludtod

sa Hito covered Court nag-uumapaw
sa dami itong mga maralita
silang pawang sa hustisya nga'y uhaw
magko-Kongreso na ang mga dukha

pag-uusapan ang kinabukasan
ng kanilang bunying organisasyon
tatalakayin pati karapatan
sa paninirahan at demolisyon

mga kasama'y kay-agang dumating
mula sa labimpitong tsapter nila

dadalo sa makabuluhang piging
na simbolo ng pag-asa't hustisya

nirepaso nila ang Konstitusyon
may debate't may pinagkaisahan
tinalakay ang mga resolusyon
pinalakpakan ang sinang-ayunan

bagong pamunuan nila'y binoto
na siyang uukit ng bagong bukas
tiyak na tatatag muli ang ZOTO
dahil matwid ang tatahaking landas

Miyerkules, Setyembre 14, 2011

Hibik ng batang lansangan

HIBIK NG BATANG LANSANGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

buhay ba'y lagi nang ganyan
sabi ng batang lansangan
araw-araw kagutuman
pamana ba'y kahirapan
ano bang pamamaraan
upang aking maiwasan
ang danas na kasalatan
at akin namang matikman
ang nasang kaligayahan
nais ko namang gumaan
itong aking kalagayan
a, ako'y maninilbihan
at aking pagsisikapang
magkatrabahong tuluyan
kahit maging alipin man
ng kung sinong mayayaman
tatanggapin kaya naman
ang tulad kong dukha lamang
o ako'y paglalaruan
at pagtatawanan lamang
basta aking susubukan
na magkatrabaho naman
di nga ba't may kasabihan
pag aking pinagsikapan
meron ding kapupuntahan
kapag pinangatawanan
pangarap ko'y makakamtan
basta't hindi sapilitan

Martes, Setyembre 13, 2011

Papuri ni Oriang kay Macario Sakay

PAPURI NI ORIANG KAY MACARIO SAKAY, 5 Nobiembre 1928
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

kilala na niya noon pa itong si Macario
na kaibigang matalik ni Andres Bonifacio
isang barbero't gumampan din noon sa Teatro
at para kay Oriang, si Macario'y mabuting tao

"Itinuring ng ibang masamang tao't tulisan
gayong malaki ang naitulong sa Katipunan
di ko akalaing maging hantungan ay bitayan
gayong si Macario'y isang tunay na makabayan."

maikli man ang nasulat niya sa talambuhay
ay papuri na ito sa pagkatao ni Sakay
na ito'y Katipunerong kalayaan ang pakay
sa pakikibaka'y nagpatuloy, di nanlupaypay

salamat kay Ka Oriang sa kanyang mga sinabi
si Macario Sakay nga'y ating tunay na bayani

- gregbituinjr.

* "Kaya't kapagkarakang malaman ang nilalayon ng katipunan ay bumili agad ng malaking limbagan upang sa madaling panahon ay makayari agad ng maraming Kartilya, periodiko at mga palatuntunan, kaya noong huli'y pinagtulungtulungan nina Emilio Jacinto, Aguedo del Rosario, Alejandro Santiago, Cipriano at Marciano na taga-Pulo, Bulakan, at ang tagapamahagi at tagalakad ay sina Macario Sakay, at iba pang panguluhan. Ang palagay ng ibang siya'y masamang taong naging tulisan ay ewan ng huli, sapagka't nakita ko naman na may malaking ginawang tulong sa Katipunan. Si Macario Sakay ay tunay na makabayan at di ko akalain na ang maging hantungan ay ang bibitayan." ~ Gregoria "Oriang" De Jesus, Lakambini ng Katipunan at maybahay ni Gat Andres Bonifacio

Linggo, Setyembre 11, 2011

Batu-Bato sa Lupa

BATU-BATO SA LUPA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod

batu-bato sa lupa
pilit na tumatama
sa mga hampaslupa
kaya sila'y kawawa

batu-bato sa lupa
dapat nating ihanda
ang kapwa manggagawa
sa sosyalistang diwa

batu-bato sa lupa
bayaran nilang tama
itong lakas-paggawa
ng mga manggagawa

batu-bato sa lupa
obrero ang lumikha
ng ekonomya't bansa
bakit sila'y dalita

batu-bato sa lupa
bakit nagpapasasa
sa yaman nilang likha
yaong di gumagawa

batu-bato sa lupa
problema ba'y huhupa
bakit ba laging dukha
ang mga maralita

batu-bato sa lupa
huwag mangalumbaba
at mag-isip ng wala
baka araw masira

batu-bato sa lupa
ang tamaan kawawa
pag ginawa'y di tama
tatamaan ngang sadya

Biyernes, Setyembre 9, 2011

Tuwirin ang Daan

TUWIRIN ANG DAAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
6 pantig bawat taludtod

bakit ang dalaga
sa iyo'y namali
tuwirin ang daan
huwag biglang liko

bakit ba si lola
may tangan nang tungkod
tuwirin ang daan
huwag baku-babako

hinay-hinay, itay
sa pagtakbu-takbo
tuwirin ang daan
baka ka mahapo

kumusta na, anak
ang pag-aaral mo
tuwirin ang daan
di pwede ang dungo

basag na ang budhi
laklak pa ng laklak
tuwirin ang daan
nariyan ang lango

nakipagkarera
ang nagmamaneho
tuwirin ang daan
nang walang mabunggo

Martes, Setyembre 6, 2011

Sa Kaarawan ng Mahal Kong Ina

SA KAARAWAN NG MAHAL KONG INA
(sa kanyang ika-65 kaarawan at pagretiro 
sa trabaho, Setyembre 6, 2011)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

isang maalab na pagbati, mahal kong ina
na sa kaarawan mo, ikaw'y retirado na
haharapin mo na ngayon ay buhay na iba
pagkat tapos na ang iyong buhay-opisina

kilala ka namin, inay, napakatatag mo
anuman ang problema'y hinaharap ng todo
malalim magsuri at matalas magkomento
na sa palagay ko'y namana namin sa iyo

tulad ng graduation, iba na ang haharapin
pagkat panibagong buhay na ang tatahakin
di iyan simpleng pagtigil sa dating gawain
kundi bagong plano na ang pakaiisipin

pagbati, inay, ng maligayang kaarawan
ako man po'y tupang pulang nag-iba ng daan
ngunit tinahak ko'y para sa pagbuti naman
ng higit na nakararaming kapatid at bayan

maraming salamat, inay, sa inyong pang-unawa
alam nyong ang tinahak ko'y landas na dakila
payo nyo nga noon, basta gawin ko ang tama
kahit maghirap, basta't mabubuti ang gawa

nagpupugay kami sa aming dakilang ina
kaming anak ng Batanggenyo't Kinaray-a
di ka nagpabaya lalo't kami'y may problema
kahit matigas ang ulo ko'y naririyan ka

handang magpayo sa anak, handang umunawa
kahit madalas masakit, ikaw'y lumuluha
ngunit pinakita mong matatag ka't di nagigiba
sa pagpayo mo sa amin, di ka nagsasawa

kaming anak ninyo'y naririto't nagninilay
sana kaligayahan ang sa inyo'y dumantay
nagpapasalamat sa walang-sawa nyong gabay
maligayang kaaarawan at salamat, inay

Biyernes, Setyembre 2, 2011

Ang Mabuhay Di Lang sa Tinapay


ANG MABUHAY DI LANG SA TINAPAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

di lang daw sa tinapay nabubuhay ang tao
siya'y nabubuhay din kasama ang gobyerno
dahil sa magsasakang kaysipag mag-araro
at produktong ginawa ng bisig ng obrero

nabubuhay ang tao di lamang sa tinapay
kundi dahil sa lupang pinagtamnan ng palay
dahil sa pamayanang bawat isa'y may ugnay
dahil sa manggagawang talagang nagsisikhay

tuyong hawot, kamatis, sinangag ay laganap
na agahan ng Pinoy pagkain ng mahirap
dusa, luha't linggatong ang madalas malasap
ng mga nagugutom na hustisya ang hanap

tinapay sa umaga pandesal kadalasan
palaman ay sardinas at bahaw ang agahan
ang handa naman kapag tanghalia't hapunan
ay ang pamatid-gutom na pwede na sa tiyan

pag binato ng bato, batuhin ng tinapay
upang ulo'y lumamig, mabawasan ang lumbay
dapat wala nang gutom sa lipunang mahusay
dahil ang karapatan sa pagkain ay tunay