Huwebes, Marso 31, 2011

Sa Batis ng Pakikibaka

SA BATIS NG PAKIKIBAKA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

pawang dugo ang umaagos
sa batis ng pakikibaka
may nakaligtas, may naubos
may tumakas, may natitira

patuloy ang mga labanan
bawat isa'y walang pahinga
sapagkat makalingat ka lang
masapul ka't bumulagta na

umiigting ang tunggalian
sa batis ng pagtutunggali
naging ilog sa katagalan
pagkat ayaw nilang pagapi

Miyerkules, Marso 30, 2011

Kung Paano Mawawala ang Droga

KUNG PAANO MAWAWALA ANG DROGA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

hangga't kapitalismo ang sistema
patuloy iyang bentahan ng droga
tubo, tubo, tubo ang nais nila
kahit kanino, basta makabenta

sadyang salot sa masa iyang droga
salot na ito'y dapat matigil na
ngunit kapitalismo ang sistema
tanging tubo ang adhikain nila

kaya kung nais na droga'y mawala
upang tao'y di na maging tulala
pawiin ang kapitalismong sumpa
sa bayang itong dapat ipagpala

hangga't ang sistema'y kapitalismo
lipunang ang produkto'y mga gago
darami iyang adik at dorobo
kaya dapat pawiin natin ito

hangga't merong mga kapitalista
na nais lagi'y tumubo sa droga
sadyang kakapal ang kanilang bulsa
sadyang walang pakialam sa iba

kung nais nating mawalang tuluyan
itong drogang salot sa sambayanan
kapitalismo'y atin nang palitan
tungo sa pagbabago ng lipunan

Lunes, Marso 28, 2011

Nagbuwal ng Bilog

NAGBUWAL NG BILOG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

nagagalit tuwina si inay
sa katutungga lagi ni itay
bilog gabi-gabi'y binubuwal
pag naliyo nama'y nagduduwal
si inay lagi ang naglilinis
sa kanyang sukang nakakainis
ano bang mahihita sa bilog
sa utang na nga kami ay lubog
si ina't ama'y nagkadebate
kung bilog nga ba'y makabubuti
"bilog ay pamawi ng problema"
"di tunay, kundi pansamantala"
biglang nadulas sa kalasingan
si ama'y bigla nang natauhan
dapat lang pala nilang mag-usap
nang tugon sa problema'y mahanap

Biyernes, Marso 25, 2011

Sandaling Pamaalam

SANDALING PAMAALAM
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod

namaalam sandali
yaong itinatangi

kaya naman naiwang
mukha ko'y nakamaang

ilang gabi at araw
puso ko'y namamanglaw

at sa aking pag-idlip
siya ang panaginip

ako na'y nasasabik
sa kanyang pagbabalik

tangi kong inspirasyon
sa bawat kong pagbangon

siyang nananatili
sa puso'y itinangi

tanging hibik ng puso
na sana'y di magdugo

Huwebes, Marso 24, 2011

Mga Sampa sa Dyip

MGA SAMPA SA DYIP
ni Gregorio V. Bituin Jr.

sumasampa sa dyip ang batang lansangan
marungis, marusing,
lalamunan niya'y tila walang laman
lahad ang kamay na tila naglalambing

magsisiyuko na't agad pupunasan
ang mga sapatos
sila'y nagbabaka-sakaling lang namang
makakakain na, munti man ang limos

ngunit kadalasan, siya'y binubugaw
na para bang daga
tila walang lugar sa mundong ibabaw
yaong tulad niyang inampon ng luha

Lunes, Marso 21, 2011

Lubid sa Leeg ng Kapital

LUBID SA LEEG NG KAPITAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

kailan ba bibigtihing tuluyan
iyang leeg ng pagsasamantala
upang balang araw di na magisnan
ang kabulukang ito ng sistema

halina't ihanda natin ang lubid
na pambigti sa mapagsamantala
at walang pakiramdam sa kapatid
kahit ang mga ito'y nagdurusa

Miyerkules, Marso 16, 2011

Ang Gatla

ANG GATLA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

Mukha'y maaliwalas at sariwa
Ang magandang ngiti'y nakahahawa
Dalaga'y samba ng mga binata
Tila diyosang biyaya ni Bathala

Binabago ng panahon ang mukha
Ang dating ganda'y tila nawawala
Pinalalim ng panahon ang gatla
Na nagpatunay sa gawang dakila

Akala ng iba, gatla ay sumpa
Sa itinuturing na hampaslupa
O sa may malaking pagkakasala
At di dahil sa gawang mapagpala

Iyang pakahulugan nila'y bula
Pagkat di nagsuri, at balewala
Gatla'y di dahil sa sumpa at sala
Kundi iyan ay tanda ng pagtanda

Ampiyas sa Gitna ng Unos

AMPIYAS SA GITNA NG UNOS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

huwag mong katakutan ang ampiyas
dahil iyan naman ay tikatik lang
munti lang ang basa sa iyong manggas
bintana naman ang magsasanggalang
mula sa unos patungo sa landas
ng pagbabago ng lumang lipunan

nabubuntis ang diwa sa ampiyas
ng talinghagang minsan mabitiwan
ng makatang di nag-ahit ng balbas
katulad ng isang batang lansangan
habang patuloy ang unos sa landas
ng sementado't aspaltadong daan

unos man ay palakas ng palakas
haraya'y masigabong naglabasan
sinasalo ng bisig ang ampiyas
na nagpaginaw sa bisig at laman
habang naglalabasan yaong katas
ng malikhaing tulang kainaman

Sabado, Marso 12, 2011

Daluyong sa Sendai



DALUYONG SA SENDAI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

mga barko'y dinuyan-duyan ng daluyong
naglutangan sa dagat na tila kabaong
saglit lang, kaligtasan ang ibinubulong
ng munting bayan sa malayong bansang iyon

pagkalaking lindol ang umuga sa bayan
at pagkatapos noon ay tsunami naman
gusali'y wasak, baha sa mga lansangan
masa'y nagulantang, mukha'y nahintakutan

sinapit nila'y mas matindi pa sa Ondoy
nilindol na'y tsunami pa ang isinaboy
ganti ba ito ng kalikasang binaboy
tila sa sariling bayan na'y itinaboy

napuruhan sa bayang Miragi ang Sendai
kung saan maraming naglaho't nangamatay
sama-samang bahay at buhay ang tinangay
mga nangaligtas ay sakbibi ng lumbay

Katapusan (?)


KATAPUSAN (?)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

lindol, tsunami, buhay, kamatayan
libu-libong tao ang tinamaan
libu-libo'y nawalan ng tahanan

nawasak ang maraming kasangkapan
nasadlak sa hirap ang mayayaman
nasadlak sa dusa ang mamamayan

nagwala sa galit ang kalikasan
ang plantang nukleyar na'y tinamaan
radyasyon nito'y kinatatakutan

ano nga ba ang ating kasalanan
lindol, tsunami, buhay, kamatayan
ito ba'y wakas na ng daigdigan

Miyerkules, Marso 9, 2011

Poem for RH Bill

POEM FOR THE PASSAGE OF RH BILL!
9 syllables per line

Eleven deaths in one day is real!
RH Delay is the one who kill!
Reproductive Health is our will!
Women's choice and health is what we deal!
Let's call for passage of RH Bill!

Martes, Marso 8, 2011

Ang katawan ng babae'y hindi makina

ANG KATAWAN NG BABAE'Y HINDI MAKINA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ang katawan ng babae'y hindi makina
na kung kailan mo nais ay pwede siya
tanungin siya kung anumang iyong nasa
hingiin mong lagi ang pagsang-ayon niya

nais ba ng babae ang anak ng anak
na pag ayaw nya'y sasabayan mo ng upak
babae ba'y pagagapangin mo sa lusak
masunod ka lang kahit siya'y mapahamak

babae ang nakatatalos ng sarili
babae ang may alam kung anong mabuti
ramdam niya kung anong maaring mangyari
kaya pag-usapan kung ano ang maigi

huwag mong ituring na siya'y libangan lang
na sa libog mo, siya'y isang parausan
dapat karapatan ng babae'y igalang
siya ang mapagpasya sa kanyang katawan

Lunes, Marso 7, 2011

Ang Nakatarak sa Pusod ng Palawan

ANG NAKATARAK SA PUSOD NG PALAWAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

Palawan, kalikasan, yaman ng buong bayan
Ano't ito'y wawasakin ng mga minahan
Tila walang pakialam sa kinabukasan
Ng kapwa, ng bayan, ng buhay, ng kalikasan

Lalasunin ng mina ang lupang katutubo
Lalasunin upang kapitalista'y tumubo
Tubo'y nag-udyok kahit Palawan na'y maglaho
Sa tubo'y sakim basta't magpatuloy ang luho

Solusyon ba ang pagmimina sa kahirapan
Bakit ito'y papayagan ng pamahalaan
Nang mapunan ba ang bangkaroteng kabang-yaman
Na halos ubusin ng mga trapong gahaman

Kasama ba ang Palaweños sa pagpapasya
Upang Palawan ay masukol ng pagmimina
Hindi, mga Palaweños ay di isinama
Pagkat batid ng maypakanang tatanggi sila

Sa pusod ng Palawan ngayon na'y nakaumang
Ang matalas na patalim nilang mapanlamang
Nang dahil sa tubo, kanila bang nalalamang
Buhay nati'y wawasakin nilang mga halang

Lalasunin ng pagmimina ang mga tanim
Wawasakin ng mga sakim ang puno't lilim
Gutom, sakit, masa'y mapupunta na sa dilim
Pagkawasak ng Palawan ay ating panimdim

Ang pagmimina'y sadya ngang karima-rimarim
Pagkat idudulot nito sa bayan ay lagim
Huwag nating pabayaan silang mga sakim
Na sa likuran tayo'y tarakan ng patalim

Sa pusod ng Palawan, ang pagmimina'y banta
Sa buhay ng masa, magsasaka't manggagawa
Gawin natin anumang tulong na magagawa
Tulad nitong panawagang sampung milyong lagda

Panukat sa Pagkilos (?)

PANUKAT SA PAGKILOS (?)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ano ang panukat para masabing kumikilos
ang isang aktibistang sa kahirapan busabos?
mga panukat bang ito'y bakit dapat matalos?

commitment ba sa puso, diwa't bisig niya'y taos?
nag-oorganisa pa ba kahit walang panggastos?
nakikibaka pa ba kahit laging kinakapos?

kasama pa ba sa rali kahit walang pangtustos?
sa kanya ba ideyolohiya'y di nalalaos?
kikilos pa rin ba kahit minsan lang makaraos?

unawa ba bakit karapatan ay binabastos?
bakit ba regular na manggagawa'y inuubos?
bakit ba buhay ng maralita'y kalunos-lunos?

sa pagsusuri sa lipunan ba'y di kinakapos?
nagpaplano bang sakim ay paano mauubos?
iyang kapitalismo ba'y paano makakalos?

gabay ng bawat isa ang panukat sa pagkilos
upang mga plinano'y maisagawang maayos
upang sosyalismo'y ating maipanalong lubos!

Linggo, Marso 6, 2011

Pangarap ng mga Batang Iskwater

PANGARAP NG MGA BATANG ISKWATER
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

namamayat sila dahil sa gutom
at nanlilimahid dahil sa hirap
ngunit dusa'y parang di alintana

pagkat patuloy silang nangangarap
tutunguhin nila ang himpapawid
tatawirin ang mga karagatan
sasakyan ang tren kahit malayuan
lalakbayin kahit sampung kabundukan

susubukang sungkitin kahit buwan
kahit sa hangin ay makikiangkas
ngunit pinakamatingkad sa lahat
sila'y magsisipag at magsisikap
maabot lang ang kanilang pangarap

kaya sa kanila'y magtataka ka
akala mo'y di hirap, nagsasaya
nakangiti pa sila kahit gutom

Sabado, Marso 5, 2011

Paglaya ng Tula, Tula ng Paglaya

PAGLAYA NG TULA, TULA NG PAGLAYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

i.

matagal nang nakabaon
sa maraming henerasyon
sa tugma't sukat nakulong
ang mga tulang umusbong

tula'y paano lalaya
sa mga sukat at tugma
at ano bang mapapala
pag pinalaya ang tula

ii.

dumating din ang panahong
inilunsad ang rebelyon
laban sa tulang kinahon
sa tugma't sukat kinulong

tila sila'y pinagpala
nagtagumpay ang makata
kaya tula ng paglaya
ang ngayon ay kinakatha

Biyernes, Marso 4, 2011

Kwento ng isang Dyarista

KWENTO NG ISANG DYARISTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

Minsan ako'y kanilang binira
Bolpen at papel ko'y kinumpiska
Pati mukha ko'y dinagukan pa
Ako raw naman ay magtigil na
Sa pagsulat laban sa kanila.

At bakit naman ako titigil
Dahil nakatutok na ang baril
Mga ulol, pluma ko'y di pigil
Payag ba naman akong masikil
Ng mga gagong pulos inutil.

Pandarambong sa kaban ng bayan
Patuloy pa ang katiwalian
Manggagawa'y pinagtutubuan
Sa droga'y lulong ang kabataan
Patuloy pa ang mga digmaan.

Balita'y pilit na pinapatay
Paa ng dyarista'y nasa hukay
Pag-uulat ba'y gawaing lumbay
Minamasama'y ulat sa halay
Dapat lang proteksyunan ang buhay.

Ngayon tulad ko'y babantaan pa
Lalagyan ng tingga ang dyarista
Mahiya sila sa balat nila
Patay na ako'y papatayin pa
Hustisya sa masa'y wala na ba?