KWENTO NG ISANG DYARISTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod
Minsan ako'y kanilang binira
Bolpen at papel ko'y kinumpiska
Pati mukha ko'y dinagukan pa
Ako raw naman ay magtigil na
Sa pagsulat laban sa kanila.
At bakit naman ako titigil
Dahil nakatutok na ang baril
Mga ulol, pluma ko'y di pigil
Payag ba naman akong masikil
Ng mga gagong pulos inutil.
Pandarambong sa kaban ng bayan
Patuloy pa ang katiwalian
Manggagawa'y pinagtutubuan
Sa droga'y lulong ang kabataan
Patuloy pa ang mga digmaan.
Balita'y pilit na pinapatay
Paa ng dyarista'y nasa hukay
Pag-uulat ba'y gawaing lumbay
Minamasama'y ulat sa halay
Dapat lang proteksyunan ang buhay.
Ngayon tulad ko'y babantaan pa
Lalagyan ng tingga ang dyarista
Mahiya sila sa balat nila
Patay na ako'y papatayin pa
Hustisya sa masa'y wala na ba?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento