SOSYALISMO'Y HIBIK NG URING MANGGAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
estilong Villanelle, 13 pantig bawat taludtod
Sosyalismo'y hibik ng uring manggagawa
Nais na nilang baguhin itong lipunan
Rebolusyon ang paraang dapat magawa
Sa kapitalismo'y lagi nang lumuluha
Kaya sistemang ito'y dapat nang palitan
Sosyalismo'y hibik ng uring manggagawa
Ito rin ang nais ng mga maralita
Tulad ng obrerong sadlak sa kahirapan
Rebolusyon ang paraang dapat magawa
Lakas-paggawa'y di binabayarang tama
Kaytagal nilang pinagsasamantalahan
Sosyalismo'y hibik ng uring manggagawa
Pati ibang sektor, tsuper, babae't bata
Pagbabagong nasa'y nasa kaibuturan
Rebolusyon ang paraang dapat magawa
Tapusin na natin ang pagdurusa't pagluha
Baguhin na ang lipunang ginagalawan
Sosyalismo'y hibik ng uring manggagawa
Rebolusyon ang paraang dapat magawa