Sabado, Nobyembre 27, 2010

Ang Mga "Honorable" Kuno

ANG MGA "HONORABLE" KUNO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

"honorable" kung tawagin ang mga trapo
kagalang-galang nga ba silang pulitiko
o baka kagulang-gulang ang mga ito
di mapagkatiwalaan ng mga tao

marangal sila, sabi ng kapitalista
dahil tumutulong sila sa ekonomya
dahil sa batas na pinaggagawa nila
para sa pakinabang ng amo, di ng masa

sa kampanyahan, trapo'y panay yaong kahol
pangako dito, pangako doon ang ulol
dahil mayaman, nanalo ang "honorable"
ngunit mamamayan, laging humahagulgol

lalong yumabang nang sa pwesto na'y maupo
mga "honorable" kuno't sadyang maluho
ngunit pagka-"honorable" na'y naglalaho
at naging "horrorable" ang mga damuho

sila ba yaong sa atin ay maglilingkod
trapong walang dangal, malambot pa ang tuhod
silang sa pork barrel ay laging nakatanghod
habang obrero'y kaybaba pa rin ng sahod

"honorable" ngunit iyon pala'y kawatan
sila na'y "horrorable" na di maasahan
disenteng mandarambong silang "lingkod-bayan"
dapat lang silang patalsikin sa upuan

Walang komento: