Lunes, Nobyembre 29, 2010

Dugo ng mga Hangal

DUGO NG MGA HANGAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.

paano ba natin paaapawin ang dugo ng mga hangal
na kapitalistang madalas yumurak sa ating dangal
paano ba natin pipigain ang kanilang dugo sa imburnal
upang mawala na sa mundo ang tulad nilang mga kriminal

paano ba natin dudurugin ang kapitalistang walang pagkatao
silang walang puso sa kapwa gayong sila nama'y mukhang tao
paano ba natin babalatan ng buhay ang mapang-api sa obrero
sa pagsasamantala nila sa masa'y basta lang ba papayag tayo

halina't kumilos tayo't paapawin ang dugo ng mga hangal
na kapitalistang madalas yumurak sa pagkatao nati't dangal
halina't unti-unti nating pigain ang dugo nila sa imburnal
upang mawala na sa mundo ang tulad nilang mga kriminal

Pagbabago, Sosyalismo

PAGBABAGO, SOSYALISMO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

(nilikha sa pagdalo sa 2 araw na "Socialist Conference", Nobyembre 27-28, 2010)

sa kumperensyang iyon umaalingawngaw
"Pagbabago, Sosyalismo!" ang sinisigaw
sadyang may pag-asa na kaming natatanaw
tila gutom sa hustisya'y biglang natighaw

iyo ngang dinggin, "Pagbabago, Sosyalismo!"
ito nga ang lunas sa hirap ng obrero
ito nga ang dapat matutunan ng tao
dapat makasama sila sa pagbabago

sosyalismo nga ang lunas sa ating hirap
sosyalismong titiyak na tayo'y malilingap
sosyalismong kaytagal na nating pangarap
halina't kumilos nang ito'y maging ganap

isigaw natin, "Pagbabago, Sosyalismo"
sosyalismo ang lunas na hanap ng tao
mag-organisa tayo tungong sosyalismo
mag-organisa tayo hanggang sosyalismo

Sabado, Nobyembre 27, 2010

Ang Mga "Honorable" Kuno

ANG MGA "HONORABLE" KUNO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

"honorable" kung tawagin ang mga trapo
kagalang-galang nga ba silang pulitiko
o baka kagulang-gulang ang mga ito
di mapagkatiwalaan ng mga tao

marangal sila, sabi ng kapitalista
dahil tumutulong sila sa ekonomya
dahil sa batas na pinaggagawa nila
para sa pakinabang ng amo, di ng masa

sa kampanyahan, trapo'y panay yaong kahol
pangako dito, pangako doon ang ulol
dahil mayaman, nanalo ang "honorable"
ngunit mamamayan, laging humahagulgol

lalong yumabang nang sa pwesto na'y maupo
mga "honorable" kuno't sadyang maluho
ngunit pagka-"honorable" na'y naglalaho
at naging "horrorable" ang mga damuho

sila ba yaong sa atin ay maglilingkod
trapong walang dangal, malambot pa ang tuhod
silang sa pork barrel ay laging nakatanghod
habang obrero'y kaybaba pa rin ng sahod

"honorable" ngunit iyon pala'y kawatan
sila na'y "horrorable" na di maasahan
disenteng mandarambong silang "lingkod-bayan"
dapat lang silang patalsikin sa upuan

Huwebes, Nobyembre 25, 2010

Pag-aalab ng Masa

PAG-AALAB NG MASA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

dibdib ng masa'y lumiyab
at ang kamao'y nag-alab

tulad ng diwang maapoy
na marami nang natukoy

na isyu ng sambayanan
kaya api'y lumalaban

dapat mapagsamantala
ay tuluyang ibagsak na

rebolusyon, rebolusyon
ang nasa isip nila ngayon

Miyerkules, Nobyembre 24, 2010

Dagok sa Pusod ng Bayan

DAGOK SA PUSOD NG BAYAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

(sa unang anibersaryo ng Maguindanao massacre)

naglagay na ng marker sa lupaing yaon
na pinagbaunan ng maraming katawan
bilang paggunita sa nangasawi roon
sa isang taon ng kanilang kamatayan

sila'y tatlumpu't dalawang mamamahayag
habang ang karamihan ay mga sibilyan
nang kapayapaan sa lugar ay binasag
ng rumaragasang bala ng kamatayan

limampu't pito lahat silang nangasawi
sa di pa napapanahon nilang paglisan
isang taon nang mahal nila'y humihikbi
hanggang ngayo'y hinahanap ang katarungan

sa pusod ng bayan, malaki itong dagok
hustisya nawa'y makamit ng nangalugmok

Lunes, Nobyembre 22, 2010

Ganda Mo'y Di Ko Malimutan

GANDA MO'Y DI KO MALIMUTAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

habang kita'y tinitigan
para bang ako'y nasa langit
kaysarap nitong pakiramdam
ang puso ko'y lumalangitngit

ganda mo'y di ko malimutan
kahit ako'y nasa malayo
ganda mo'y nasasa isipan
kahit pa ako'y masiphayo

kaya minahal kita, sinta
inibig ang kabuuan mo
kaytagal ko nang nagdurusa
sana'y ibigin mo rin ako

kung sakaling mawawala ka
mabuting ako'y mamatay na

Sa Pagbabalik ng Musa

SA PAGBABALIK NG MUSA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

mula sa pagkalugmok ko'y nagbalik
ang pisikal na presensya ng musa
sa mga ngiti niya'y nasasabik
kaygandang mukha'y muling nakita
namatay na puso'y biglang pumintig
muling tumibok sa pagbalik niya
biglang umalpas ang mga ligalig
kay-aliwalas ng bagong umaga

Linggo, Nobyembre 21, 2010

Kung Mawala Ka, Sinta

KUNG MAWALA KA, SINTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

kung sakaling mawala ka nang tuluyan
hiling ko na'y maaga kong kamatayan
pagkat anong saysay, anong katuturan
ng buhay kong ito kung wala ka naman

Huwebes, Nobyembre 18, 2010

Bula Pa ang Tuwid na Landas

BULA PA ANG TUWID NA LANDAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

(alay para sa ika-25 founding anniversary ng FIND o Families of Victims of Involuntary Disappearance sa Nobyembre 23)

Iyang matuwid na landas ay bula
Kung tao'y patuloy na winawala
Tayo'y di dapat magwalang-bahala
Kung sa gobyerno'y walang napapala

Tuwid na landas ang nais tunguhin
Nitong aktibistang may simulain
Na ang bulok na sistema'y baguhin
At ang buhay ng masa'y paunlarin

Ngunit sa mundo nga'y kayraming ganid
Dinukot ang aktibistang kapatid
Ang hustisya hanggang ngayon ay pinid
Pagkat hantungan nila'y di pa batid

Sana'y wala nang desaparesidos
Sa bansang itong ang tao'y hikahos
Sa lupaing itong binubusabos
Sa mundong itong pagkaapi'y lubos

Kung ang tao lang ay pumaparehas
Di dapat bula ang tuwid na landas
Kung iyang batas ay laging patas
Hustisya ang tangi nitong katumbas

Sana'y matagpuan ang nangawala
Nang matigil na ang aming pagluha
Sana tuwid na landas na'y di bula
Nang taumbayan nama'y may mapala

Aktibista at Ilog

AKTIBISTA AT ILOG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

"The activist is not the man who says the river is dirty.
The activist is the man who cleans up the river."

puna ng puna, wala namang ginagawa
upang problema'y malutas at maapula
puna ng puna, mahilig lamang ngumawa
wala namang alternatibang hinahanda

pinupuna ang pamahalaang inutil
dahil dahilan daw nitong mga hilahil
marami nang buhay ang nawala't kinitil
paano bang sistemang ganito'y mapigil

halina't pagmasdan, marumi na ang ilog
kapara'y basura, ang tubig nito'y lamog
sa nangyari'y kailan tayo mauuntog
nang maunawaang ilog na'y nadudurog

napagmasdan ito ng mga aktibista
hinanap yaong puno't dulo ng problema
linisin natin ang ilog para sa masa
upang ang duming ito'y di na lumala pa

sino ba ang nagdurumi, ralihan natin
mga pabrikang nagdurumi'y patigilin
mga nagtatapon sa ilog ay awatin
pagsabihang ito'y huwag nang uulitin

ilog na ito'y mananatiling basura
kung walang ginagawa tayong aktibista
halina't kumilos na tayo't magkaisa
upang maruming ilog ay malinisan pa

Martes, Nobyembre 16, 2010

Ang Puso

ANG PUSO
ni greg

lumilipad ang puso
kung saan-saang dako
lalo na't ang pagsuyo
ay hindi naglalaho

kapag matibay ang puso
di kailanman susuko
daanan man ng siphayo
di luluhod ni tutungo

Sa pansamantalang paglisan mo

SA PANSAMANTALANG PAGLISAN MO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

malayo ka man para ka ring malapit
pagkat sa puso ikaw na'y nakaukit
pangalan mo lagi itong sinasambit
marahil puso natin nga'y magkadikit

hihintayin ko ang pagbalik mo, sinta
mula sa paglisan mong pansamantala
upang gampanan ang gawain sa masa
malao't madali'y tayo'y magkikita

ingat lagi saan ka man naroroon
nananatili kang aking inspirasyon
tuloy pa tayo sa pagrerebolusyon
hanggang tagumpay ay makamit paglaon

parang namatay akong pansamantala
muling mabubuhay pag nagbalik ka na

para kay Ms. M.

Lunes, Nobyembre 15, 2010

Kaybait ng Pangarap Kong Musa

KAYBAIT NG PANGARAP KONG MUSA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

kaybait ng pangarap kong musa
walang poot akong nadarama
kundi sa puso'y pawang ligaya
gayong sa buhay ay nagdurusa

ang pangarap kong musa'y kaybait
laging nakangiti, di magalit
gayong palagi kong kinukulit
kahinahunan niya'y kaylupit

kaya ko siya iniingatan
siya ang musa sa panagimpan
anumang mangyari'y di iiwan
makaharap man ay kamatayan

dahil bihira ang tulad niya
ngiti'y kaytamis, mukha'y kayganda
mahinahon at mapagpasensya
kalooban ko nga'y sumasaya

Sabado, Nobyembre 13, 2010

Bulong ng Buryong

BULONG NG BURYONG
ni Gregorio V. Bituin Jr.

bumubulong-bulong ang buryong
habang tumitilamsik ang poot

di na maaninaw ang ninanasa
nagdurugo ang puso sa di makita

Pagdurusa ng Makabagong Sisa

PAGDURUSA NG MAKABAGONG SISA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

nawawala ang anak
napabayaan
dahil sa kawalang katiyakan
dahil sa kagutuman
dahil sa kalupitan
lansangan ang laruan
lansangan ang tahanan
lansangan ang kainan
lansangan ang tulugan
hanggang mapabayaan
at mawala ang mahal na anak

Huwebes, Nobyembre 11, 2010

Pagbati sa Kapaskuhan

PAGBATI SA KAPASKUHAN
ni matang apoy

Buong taon man tayong nakikibaka
Dahil sa kabulukan ng sistemang nakagisnan dito
May isang araw naman ng pagsasaya
Maligayang Pasko at Manigong Bagong taon sa inyo!
Isang araw na may pagpapala't grasya
Tuloy pa rin ang laban at ang adhikaing pagbabago

Nang Mawala ang Tinig

NANG MAWALA ANG TINIG
ni greg bituin jr.
9 pantig bawat taludtod

nagluluksa ang buong kabig
nang mawala ang kanyang tinig
pagkat hindi na maririnig
ang kayganda niyang paghimig

Martes, Nobyembre 9, 2010

Sa Pagkawala ng Mutya

SA PAGKAWALA NG MUTYA
ni greg bituin jr.
tulang tanaga

nagluluksa ang madla
nang mawala ang mutya
puso nila'y lumuha
diwa nila'y tulala

Lunes, Nobyembre 8, 2010

Kalayaan sa Takot

KALAYAAN SA TAKOT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

"The only real prison is fear, and the only real freedom is freedom from fear." ~ Aung San Suu Kyi

hangga't takot tayo't di pumapalag
tatanggapin natin lagi'y paghamak
pang-aapi'y dapat nating ilantad
at bulok na sistema'y maibagsak

kung nabibilanggo tayo sa takot
lagi na lang tayong manghihilakbot
kung lagi lang tayong lalambot-lambot
aapihin lang ng mga kilabot

ang dulot ng takot ay laging luha
para bang sa buhay ay isinumpa
at ang hinahanap ngayon ng madla
sa takot ay ganap tayong lumaya

lalaya lang kung mauunawaan
kung bakit dapat walang katakutan
kung bakit dapat nating malabanan
kung bakit bulok itong lipunan

ang takot ay huwag nating isipin
pagkat takot nama'y mawawala rin
mga mang-aapi'y ating durugin
pagsasamantala'y ating gapiin

mabubuhay tayong may katarungan
sa mundong itong kayraming gahaman
kumilos tayo't takot ay iwasan
nang matamo'y ganap na kalayaan

Nasa ng Magkatalingpuso

NASA NG MAGKATALINGPUSO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

(mula sa isang blog - 3 things that you want in a relationship: "Eyes that won't cry, Lips that won't lie, and Love that won't die!")

mayroon daw tatlong bagay
na dapat tandaang tunay
nang relasyon ay tumibay:
pagsintang di mamamatay
dapat mata'y di luluha
labi'y di magkakaila
itong tatlo kaipala
ang niig ng puso't diwa

Sabado, Nobyembre 6, 2010

Mga Madasalin Daw

MGA MADASALIN DAW
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

yung mga paring nangangaral sa simbahan
pati mga madasaling manong at manang
pulubi sa paligid ay pinabayaan
mura ng mura pagkagaling sa simbahan
kitang-kita sa Quiapo ang katotohanan
pagkat mapapalad iyang nahihirapan
basura ang turing sa nasa karukhaan
di kasi nagugutom silang mayaman
kaya nga sila'y mga walang pakialam
pakitang tao na't nagbabait-baitan
at madasalin daw silang mga gahaman
tingin pwesto sa langit ay mababayaran
pulos balatkayo silang nasa simbahan
binobola tayo ng mga gagong iyan

Bakahin ang mga kuhila

BAKAHIN ANG MGA KUHILA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

dapat nating bakahin ang mga kuhila
pagkat pulos kasakiman ang nasa diwa
may puso'y walang puso na nagdaralita
may utak nga ngunit sila'y utak talangka

nariyan ang pulitikong pawang pangako
na malimit namang kanilang pinapako
sa utak nila lagi'y interes at tubo
taumbayan pa'y madalas ipagkanulo

nariyan ang naturingang lingkod ng bayan
may maselang posisyon sa pamahalaan
ngunit hindi mahingan ng tulong ng bayan
pagkat amo pala niya'y mga dayuhan

sa samahan, mayroong ding mga kuhila
nagtataksil sa kapwa nila manggagawa
lilo rin sa kapwa maralita't sa madla
mga ganito'y kuhilang dapat mawala

katumbas ng pagkatao'y tatlumpung pilak
ganyan ang kuhilang sa atin nanghahamak
kunwari'y kabig, iyon pala'y pusong uwak
hudas silang ilulublob ka lang sa lusak

ang mga kuhila'y dapat nating bakahin
lugmok na yaong pagkatao nilang angkin
mga lilo't sukab ay dapat lang tanggalin
gawin na bago pa nila tayo patayin

Paskong Tuyo ng Mahirap

PASKONG TUYO NG MAHIRAP
ni greg bituin jr.
11 pantig bawat taludtod

paskong tuyo man ang kinakaharap
tuloy pa rin ang laban ng mahirap
isulong ang sosyalismong pangarap
hanggang sa magtagumpay tayong ganap

Huwebes, Nobyembre 4, 2010

Paano nga ba ginagawa ang tula?

PAANO NGA BA GINAGAWA ANG TULA?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

paano ba ginagawa ang mga tula
kung yaong tumutula'y walang ginagawa?
paano hinahabi ang mga salita
kung ang sinasalita'y pulos dusa't luha?
paano naglulupa ang nagmamakata
kung yaong turing sa makata'y hampaslupa?
bakit sa tula'y hibik yaong bumabaha?
dahil nga ba kahirapan na'y lumalala?
kailan hahabi ng tula ng paglaya
ang makatang paglaya yaong nasa diwa?
sa tula sinusulsi yaong winiwika
habang pinapangarap nito ang paglaya
hinuhukay sa lupa ang mga kataga
at inaararo sa bukid ng salita
upang yaong mga hinasik ng makata
ay lumago bilang punong tinitingala

Miyerkules, Nobyembre 3, 2010

Hustisya'y Hagilapin

HUSTISYA'Y HAGILAPIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

"The dead cannot cry out for justice; it is a duty of the living to do so for them." ~ Lois McMaster Bujold, Diplomatic Immunity, 2002

marami na silang pinaslang
humihingi ng katarungan

ngunit wala silang magawa
pagkat nalibing na sa lupa

kaya sino ang maghahanap
sa hustisyang di mahagilap

kundi tayong naritong buhay
na tulad nila'y nalulumbay

hustisya'y ating hagilapin
ito'y isa nating tungkulin

sila'y wala nang magagawa
upang ang hustisya'y mapala

tayong buhay ang maghahanap
sa hustisyang pinapangarap

Inhustisya sa Lumang Sistema

INHUSTISYA SA LUMANG SISTEMA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

If it were not for injustice, men would not know justice. ~ Heraclitus (540 BC - 480 BC)

nalalaman ng tao ang hustisya
pagkat may naganap na inhustisya
lalo na't nasaktan ang puso nila
di maatim ang pagsasamantala

manggagawa'y di mabayarang tama
ng halaga nitong lakas-paggawa
kapitalista'y laging nanunuba
kapital ay tila kasumpa-sumpa

maralita'y laging dinedemolis
ng mga elitistang kaybabangis
ang tingin sa kanila'y parang ipis
na sa kalunsuran dapat matiris

pati reproduktibong karapatan
na dapat sa mga kababaihan
ay tinututulan nitong simbahan
tila babae'y walang karapatan

magsasaka'y araro ng araro
wala pa ring sariling lupa ito
habang busog ang mga asendero
sa mga pesanteng nagtatrabaho

sa gobyerno'y laganap ang tiwali
pnahihintulutan kahit mali
mga trapo'y di dapat manatili
sa gobyernong ginawa nang pusali

pinaslang na aktibista'y kayrami
pamahalaa'y tila walang silbi
nasa posisyon ay kayraming imbi
sa inhustisya'y kayrami ng saksi

nasaan ang hustisya, nasaan na
para sa mga obrero't masa
mahahanap ba sa lumang sistema
ang hinahagilap nating hustisya

Oda sa Batang Kinagat ng Dilim

ODA SA BATANG KINAGAT NG DILIM
ni Gregorio V. Bituin Jr.
6 pantig bawat taludtod

bagang niya'y tiim
at mukha'y umasim
nang ang isang bata'y
kinagat ng dilim
may pangil ang lagim
nakaririmarim
at siya'y nanindim

Martes, Nobyembre 2, 2010

Muling Panata

MULING PANATA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

(sa puntod ng bayaning manggagawa)

kaysarap na muling makasama
ang tinitibok ng pusong ito
sa kay-aliwalas na umaga
nang kami'y pumuntang sementeryo

kaya namanata akong muli
sa puntod ng lider-manggagawa
ako'y tapat na mananatili
na magpopropaganda sa madla

ng sosyalista naming tungkulin
upang mapalitan ang sistema
at manggagawa'y pagkaisahin
sa adhikaing bagong sistema

kasama ang kanyang naiwanan
na sa puso'y nais mapalapit
biyuda niya'y di ko iiwan
kahit buhay ko'y maging kapalit

panata itong nananatili
sa puso ko hanggang kamatayan
sosyalismo'y dapat ipagwagi
biyuda'y di ko pababayaan

salamat sa muli kong panata
na tumatak na sa diwa't puso
para sa uring mapagpalaya
pumatak man dito'y aking dugo