Sabado, Nobyembre 6, 2010

Bakahin ang mga kuhila

BAKAHIN ANG MGA KUHILA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

dapat nating bakahin ang mga kuhila
pagkat pulos kasakiman ang nasa diwa
may puso'y walang puso na nagdaralita
may utak nga ngunit sila'y utak talangka

nariyan ang pulitikong pawang pangako
na malimit namang kanilang pinapako
sa utak nila lagi'y interes at tubo
taumbayan pa'y madalas ipagkanulo

nariyan ang naturingang lingkod ng bayan
may maselang posisyon sa pamahalaan
ngunit hindi mahingan ng tulong ng bayan
pagkat amo pala niya'y mga dayuhan

sa samahan, mayroong ding mga kuhila
nagtataksil sa kapwa nila manggagawa
lilo rin sa kapwa maralita't sa madla
mga ganito'y kuhilang dapat mawala

katumbas ng pagkatao'y tatlumpung pilak
ganyan ang kuhilang sa atin nanghahamak
kunwari'y kabig, iyon pala'y pusong uwak
hudas silang ilulublob ka lang sa lusak

ang mga kuhila'y dapat nating bakahin
lugmok na yaong pagkatao nilang angkin
mga lilo't sukab ay dapat lang tanggalin
gawin na bago pa nila tayo patayin

Walang komento: