Biyernes, Abril 30, 2010

Banoy, ang Pambansang Ibon


BANOY, ANG PAMBANSANG IBON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

noon, maya ang pambansang ibon
banoy naman ang pambansa ngayon
dapat palitan ang mayang yaong
simbolo ng kahinaan noon

banoy na'y sa bansa'y kinilala
laki't lakas ang simbolo niya
sa bansang sinakbibi ng dusa
sa bansang naging api ang masa

ngunit may malaki bang epekto
itong pagpapalit ng simbolo
nanggaya lang sa Amerikano
na simbolo rin ang ibong ito

nasa ilalim pa ba ang bansa
ng kapangyarihan ng banyaga
marahil, marahil ganito nga
kung bayang sarili pa’y kawawa

ngunit banoy ay mas maigi pa
kaysa isang maliit na maya
kunwari bansa'y di nagdurusa
pagkat ekonomya'y maunlad na

banoy ay simbolo ng pag-asa
di na mahinang tulad ng maya
di na bansang sakbibi ng dusa
sinisimbolo'y lakas ng masa

Banoy - sa Ingles ay Philippine Eagle, a.k.a. monkey-eating eagle

Huwebes, Abril 29, 2010

Pera at Konsensya

PERA AT KONSENSYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

Bulung-bulungan: "May nakaipit ba
Diyan sa polyeto nyong dala-dala
Kung wala, kandidato nyo'y pasensya
Purdoy pala't walang kapera-pera"

Pagkat dala ng kandidatong ito
Ay ang panawagan ng pagbabago
Baguhin na ang sistema ng trapo
Tanggalin na ang trapo sa gobyerno!

Kaya ibinilin namin sa masa:
"Hala, sige't tanggapin nyo ang pera
Ngunit iboto ang nasa konsensya
Para sa bukas ng inyong pamilya."

"Tutal yaong ipinamudmod diyan
Ay pera mula sa kaban ng bayan
Na kinurakot ng mga gahaman
Kaya masa sa trapo'y walang utang."

Martes, Abril 27, 2010

Dalit ng Dalita

DALIT NG DALITA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

nangangarap ang dalita
lampasan ang pagkadukha
gamit ang lakas-paggawa
sa ganito sila'y handa

* dalit - tulang may walong pantig bawat taludtod

Itlog, Kamatis, Kapeng Barako

ITLOG, KAMATIS, KAPENG BARAKO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

sa pag-init ng tubig, kayraming pagbabago
at makikita mong magkaiba ang epekto
tumigas ang itlog; kamatis, lumambot dito
habang kumulong tubig, kaylinaw pa rin nito
subukang tubig ay lagyan ng kapeng barako
ang kumulong tubig ay manlalabong totoo
kaya kung suriin ang mga bagay na ito
pinakuluang bagay ay di pare-pareho
kaya itong itlog, kamatis, kapeng barako
parehong pinakuluan, iba ang epekto
ito'y aral na kaisipang diyalektiko

Lunes, Abril 26, 2010

Diwang Mandirigma

DIWANG MANDIRIGMA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kaming aktibista'y may diwang mandirigma
nakahandang mamatay para sa adhika
isang paa'y nasa hukay, isa'y sa lupa
prinsipyo'y ilalaban hanggang sa tumanda

kaming aktibista'y tapat sa adhikain
hindi kami duwag sa aming simulain
ang bulok na sistema'y papalitan namin
ng sistemang pantay-pantay para sa atin

kung kamatayan ang aming kakaharapin
kami'y nakahanda nang ito'y sagupain
ang kaaway ng masa'y aming susugpuin
ang mapagsamantala'y aming bibiguin

sapagkat kaming aktibista'y mandirigma
matatag ang puso at palaban ang diwa
ang alab ng pakikibaka'y di huhupa
titigil lang kami pag nabaon sa lupa

ngunit habang buhay pa kami't humihinga
patuloy pa rin kami sa pakikibaka
kaming mandirigma'y talagang lalaban pa
tuloy kami hanggang mabago ang sistema

Linggo, Abril 25, 2010

Ang proyektong Chico Dam

ANG PROYEKTONG CHICO DAM
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

ang gobyerno't World Bank, nagbabaga ang proyekto
nais nilang tayuan ng dam ang Ilog Chico
ngunit mga katutubo'y di sang-ayon dito
pagkat libong tao, kalikasa'y apektado

aburidong nagtanong ang isang inhinyero
kay Macliing Dulag, "Nahan ang inyong titulo
sa lugar na itong tatayuan ng proyekto?"

si Macliing, respetadong pinuno ng tribo:
"Tinatanong mo kung pag-aari namin ito
kaya sa amin, isang titulo ang hanap mo?
di ba't mas nauna pa ang lupa kaysa iyo?
kaytagal na ng lupa'y aariing paano?
maglaho man tayo, ang lupa pa ri'y narito"

isang gabi, si Macliing, binaril ng todo
panahon iyon ni Marcos, Abril Bente Kwatro
nagbuwis siya ng dugo, bayani ng Chico
tao'y nag-alsa, di na tinuloy ang proyekto
Macliing Dulag, lider at bayaning totoo

24 Abril 2010, ang ikatatlumpung anibersaryo ng kamatayan ni Macliing Dulag, magiting na lider at bayani ng kalikasan; pinaslang siya noong 24 Abril 1980

Biyernes, Abril 23, 2010

Ang Kwarta

ANG KWARTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

kwarta'y kalakaran sa lipunan
ito ang batayan ng palitan
ng samutsari sa kalakalan
saanman dito sa daigdigan

kwarta ang saligan ng mayaman
kaya mistulang kagalang-galang
saligan din ng nahihirapan
kaya nabatbat ng karukhaan

pambili ng pangangailangan
pagkain, kasuotan, tirahan
pati na respeto't karangalan
basta't may kwarta ka'y ihihirang

subukang ikaw nito'y mawalan
maralita kang kalilimutan
at pati dangal mo'y yuyurakan
parang di kasapi ng lipunan

pamilya'y winasak ng kawalan
nasisira pati katinuan
tiyak na ang iyong kagutuman
saanman lagi kang maiiwan

kababayan ka man o dayuhan
kwarta itong pinag-uusapan
bawat tao ito'y kailangan
pagkasilang hanggang kamatayan

Huwebes, Abril 22, 2010

Sa 'War Room' ng Propagandista

SA 'WAR ROOM' NG PROPAGANDISTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

dapat may sariling silid yaong propagandista
kung saan naroon ang gamit na pampropaganda
naririyan ang telebisyon, radyo, dyaryo, mapa
kompyuter, calculator, aklat, ruler, at iba pa

dapat may bentilador din nang hindi pagpawisan
at meron ding comfort room na maaring pagbawasan
aparador, mesa, silya, paliguan, sampayan
may stock na pagkain, lulutuin, at lutuan

may pisara’t corkboard na pagtutusukan ng memo
bolpen, lapis, papel, charger, at kailangan dito
may cellphone, fax machine, refigerator, telepono
at may aklat na “Art of War” ng maestrong si Sun Tzu

ilan ito sa nasa ‘war room’ ng propagandista
na makatutulong sa dakilang trabaho niya
upang malikhang sadya ang propaganda ng masa
propaganda para sa masa at tungo sa masa

higit sa lahat, ang propagandista’y naroroon
minsan nagsasaliksik ngunit di naglilimayon
at pinagsisikapang maabot ang nilalayon
ng propagandang nilikha’t inihanda sa ‘war room’

Caesar, Brutus, Marco Antonio at Propaganda

CAESAR, BRUTUS, MARCO ANTONIO AT PROPAGANDA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

napakahalaga ng propaganda
mula pa kalakaran noong una
gaya ng nangyari noon sa Roma
nang paslangin ang isang lider nila

si Julius Caesar noon ay may plano
na tumakbo sa kanilang Senado
ngunit merong nainggit yata dito
kaya't plinano nang patayin ito

kaibigang matalik na si Brutus
ang nagmamahal sa kanya ng lubos
ngunit mas mahal nito'y bayang kapos
at ito'y nagplano laban kay Julius

takot silang si Caesar ang mamuno
dahil baka tao'y ipagkanulo
magpapayaman si Caesar sa luho
at itong bayan ang matutuliro

higit pa kay Caesar ang pagmamahal
ni Brutus sa Romang nasa kapital
at kung si Caesar ang nasa pedestal
ang bayan ay parang nagpatiwakal

kaya si Brutus kay Caesar tinarak
sa puso yaong matalas na tabak
sa nangyari ang bayan ay nasindak
ang galit nila sa puso'y sumulak

ngunit poot nila'y nahimasmasan
nang si Brutus ay agad nangatwiran
na dapat lamang si Caesar mapaslang
pagkat ambisyoso't kawawa'y bayan

kaya kay Caesar ang bayan nagalit
mabuti't napaslang raw siyang pilit
kaysa ang Roma'y kanya raw magamit
sa pansarili nitong pagkaganid

pinaslang si Caesar para sa Roma
upang mapangalagaan daw sila
kaya si Brutus, bayaning nanguna
tagapagtanggol ng Roma't ng masa

ngunit lahat ito'y nabalewala
nang si Marco Antonio'y nagsalita
at binaligtad ang mga winika
ni Brutus habang siya'y lumuluha

at sa kanyang bibig ay namutawi
yaong makahulugang talumpati
kay Caesar panay ang kanyang papuri
habang si Brutus ang dinuduhagi

kaya ang bayan ay muling nagalit
kay Brutus ay agad silang lumapit
ipinakita ang kanilang ngitngit
ngunit sina Brutus ay nakapuslit

sa kasaysayang ito'y makikita
kung paano ang pagpopropaganda
talas ng katwiran ng bawat isa
lalo't labanang kaharap ang masa

kaytindi ng aral ng kwentong ito
na sa tunggalian ay mananalo
kung nasa katwiran at nasa tyempo
propaganda'y matatanggap ng tao

Martes, Abril 20, 2010

Propagandista'y Di Dapat Laging Nasa Upuan

PROPAGANDISTA'Y DI DAPAT LAGING NASA UPUAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

propagandista'y di dapat laging nasa upuan
baka mapagkamalang nagpapalaki ng tiyan
propagandista'y dapat nakakasama sa laban
upang magbigay inspirasyon sa nasa labanan

pagkat propaganda'y di lang mga bandila't papel
kundi paano lalabanan ang mga hilahil
pampalakas ng loob ng masa't di pasisiil
nandudurog ng katunggali kahit walang baril

Agrabyado ang Bayan kay Agra

AGRABYADO ANG BAYAN KAY AGRA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

sa ating bayan pa ba ay may katarungan?
abswelto ang mga suspek na Ampatuan?
utak ng masaker, wala raw kasalanan?
lalaya sina Zaldy't Akmad Ampatuan?
DOJ Sec. Agra, AGRAbyado ang bayan!

mga prosekyutor ay agad nagprotesta
di raw nila susundin ang atas ni Agra
pagkat mayroon daw matinding ebidensya
na utak nga sa masaker itong dalawa
kaya bakit nga ba mapapalaya sila?

si Agra'y dating abogado ng pangulo
kaya ano ngang mapapala natin dito
Ampatua'y isang dahilan ng panalo
ni Arroyo upang makaupo sa pwesto
aba, aba, itong bayan nga'y AGRAbyado!

kaya buong bayan ay agad nagprotesta
maraming nagrali, nagpunta ng kalsada
sigaw nila'y "Huwag babuyin ang hustisya!
mga utak ng masaker, dapat magdusa
silang pumatay ng sibilyan, dyronalista!"

naghaharing uri'y naglalaro na naman
pinaglalaruang muli ang sambayanan
ang sambayanan ay di papayag na lamang
pagkat nasa panig nila ang katarungan
dapat nagmasaker mapiit nang tuluyan!

Trapong Hunyango

TRAPONG HUNYANGO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

mga trapo'y kadalasang nangangako
nang maboto ngunit laging napapako
dahil pag nasa pwesto na't nakaupo
simple ang mensahe ng trapong hunyango
babawi agad nang gastos ay tumubo
sa blangkong mensahe, baya'y nasusubo

Lunes, Abril 19, 2010

Mga Trapo'y Ibagsak

MGA TRAPO'Y IBAGSAK
ni Gregorio V. Bituin jr.
10 pantig bawat taludtod

ninais namin ang pagbabago
ngunit bakit kandidato'y trapo
ano bang maaasahan dito
pag nahalal na ang trapong ito

wala, wala ngang maaasahan
sa trapo ang ating mamamayan
pagkat trapo'y tulad ng basahan
nililinis ay kaban ng bayan

sa eleksyong sa bansa'y daratal
pag mga trapo uli'y nahalal
tayo'y para nang nagpatiwakal
parang ang pagkatao'y sinakmal

pagkat ang mga trapo'y tiwali
punung-puno ng pagkukunwari
huwag tayong magbakasakali
na titino pa ang trapong imbi

ibagsak natin ang mga trapo
sila'y kayrami na sa gobyerno
trapo'y di naman nagseserbisyo
sa'ting bayan kundi sa negosyo

Iboto ang Wasto, Iwasto ang Boto

IBOTO ANG WASTO, IWASTO ANG BOTO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

iboto natin ang wasto
iwasto natin ang boto
ito ang dapat sa trapo
na sadyang tumarantado
sa mga dukhang narito

halina't tayo'y magnilay
di ba't nasa ating kamay
yaong botong matagumpay
kaya ibagsak ng tunay
ang mga trapong pasaway

iboto natin ang wasto
iwasto natin ang boto
ito'y payo sa boboto
upang bansa'y umasenso
kasama ang mga tao

Mga Pangako'y Hanggang Bibig Lamang

MGA PANGAKO'Y HANGGANG BIBIG LAMANG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

minsan sa talumpati'y nakinig ang bayan
sa trapong ang pangako'y paulit-ulit lang
at muli't muli'y kanilang napatunayan
mga pangako nila'y hanggang bibig lamang

laging kulang sa gawa iyang mga trapo
pangako ng pangako, di na nagbabago
pangako'y limot na pag naupo sa pwesto
dapat lang kalusin ang ganyang mga tao

pinaaasa lang lagi nila ang madla
dahil sa boto, kahit ano'y nginangawa
sa kapapangako, laway nila'y babaha
ganyan lagi ang asta ng trapong kuhila

putulan ng dila ang mga trapong iyan
silang nangangakong di naman maasahan

Linggo, Abril 18, 2010

Nais Kong Makatulong

NAIS KONG MAKATULONG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

bata pa ako'y alam ko na
kung ano ang gusto kong maging
nais kong tumulong sa masa
at maging bayani sa turing

binasa ko ang kasaysayan
ng sarili't ng ibang bansa
marami akong natutunan
kaya nagkalaman ang diwa

ngayon nga ako'y aktibista
na kasama ng manggagawa
pati nasa ibang sektor pa
na pagbabago ang adhika

marami kaming nangangarap
na lipunang ito'y mabago
nawa nasang ito'y maganap
habang nabubuhay pa ako

palitan natin ang lipunang
hari'y pawang kapitalista
pawiin ang mga gahamang
nagdulot sa atin ng dusa

makatulong ang aking hangad
kahit na di maging bayani
sistemang bulok ay ilantad
at mawala ang mga api

Sabado, Abril 17, 2010

Pagbati sa ika-28 anibersaryo ng MAG

 

PAGBATI SA IKA-28 ANIBERSARYO NG MAG
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kalusugan ay karapatan
Ng bawat isang mamamayan
Mahirap man sila o mayaman
Kalusugan ay ipaglaban
Tungo sa kinabukasan
At maunlad na lipunan
MAGkaisa para sa kalusugan!

* MAG - Medical Action Group

 mula sa pooksapot (website) ng MAG - http://magph.org/about-usAt the height of the Marcos Dictatorship, a group of doctors and concerned individuals saw the need for the health sector to collectively respond and speak against the grave human rights violations perpetuated by the regime. Thus, in April 16, 1982, the Medical Action Group was born.

Biyernes, Abril 16, 2010

Kaming Aktibista'y Bumubutas ng Lungsod

KAMING AKTIBISTA'Y BUMUBUTAS NG LUNGSOD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kaming aktibista'y bumubutas ng lungsod
nang masa'y mapalaya sa pagkahilahod
sa kahirapan at dusang pumipilantod
sa mga obrero't maralita ng lungsod

binubutas din namin ang mga pabrika
upang mailantad ang pagsasamantala
ng mga hayok sa tubong kapitalista
lakas-paggawa'y binalasubas na nila

binubutas namin ang mga komunidad
upang kabulukan ng sistema'y ilantad
pagbabago ng lipunan ang aming hangad
sa dukha'y iangat ang kanilang dignidad

binubutas namin ang mga eskwelahan
nang malantad ang totoo sa kabataan
na edukasyo'y pribilehiyo ng ilan
kaya maraming nagtapos ng walang alam

pati kanayunan ay aming bubutasin
mga magsasaka'y aming oorganisahin
sa lahat at ilantad ang ating layunin:
pribadong pag-aari'y dapat nang tanggalin

halina't butasin na pati Malakanyang
hulihin at ikulong ang pangulong hunghang
na talagang nagpahirap sa mamamayan
tsapa ng pagkukunwari'y dapat alisan

kaming aktibista'y bumubutas ng lungsod
ang pagtatanggol sa masa'y kalugod-lugod
kaming tibak ay prinsipyado't walang pagod
masa'y makaaasa pagkat may gulugod

halina't butasin ang mga lunsod at nayon
diwa ng sosyalismo'y dalhin natin doon
sistema'y baguhin, tayo'y magrebolusyon
at kung kinakailangan, mag-insureksyon!

Huwebes, Abril 15, 2010

Sa Bayan ng mga Manhid

SA BAYAN NG MGA MANHID
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

sa bayan ng mga manhid
kung mag-isip ay kaykitid
makasariling di lingid
sa ating mga kapatid
sa problema'y nauumid
sa panganib nabubulid
kapahamakan ang hatid
nilang sa bayan ay sampid
ang mali'y di maituwid
ito ba'y kanilang batid?

Kwentong Tuyo

KWENTONG TUYO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

tuyo na ang ulam, tuyo pa ang puso
tuyo sa pag-ibig ng kanyang kasuyo
tuyo ang katawan, pati kanyang baro
anupa't ang buhay niya'y laging tuyo

uhaw pagkat tuyo yaong lalamunan
nanghihina pagkat tuyo ang katawan
tuyo ang damdamin pawang kalungkutan
basa lang ang matang pulos kasawian

bakit ulam niya'y lagi na lang tuyo
sa kahirapan ba'y kelan mahahango
bakit puso niya'y tuyo't nagdurugo
ang hirap ng puso'y kelan maglalaho

tuyong tuyo na rin pati kanyang utak
sa pamumuhay nga'y lagi siyang bagsak
sa diskarte'y lagi nang napapahamak
siya'y palagi nang naroon sa lusak

tuyo na ang puso, tuyo pa ang ulam
tuyo na ang utak, tila walang alam
tila ngayon siya'y walang pakiramdam
at ito ngayon ang kanyang dinaramdam

pagkatuyong ito'y may katapusan ba
kahit tuyong tuyo'y meron bang pag-asa
dapat yata'y buong siya'y basain na
lunurin sa tubig baka guminhawa

Gasgas na Linya ng Lasing

GASGAS NA LINYA NG LASING
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

"kung sinong matapang, lumabas diyan"
ang gasgas na linya ng mga lasing
pareho ng ipinagsisigawan
pag nakalaklak, akala mo'y praning

sila nama'y hindi magkakilala
ngunit bukambibig nila'y pareho
akala mo dila nila'y iisa
sa alak tumapang ang mga ito

ano bang birtud mayroon ang alak
nagkapareho ang nasa isipan
bakit iisa yatang nasa utak
"kung sinong matapang, lumabas diyan"

ito marahil ay nagkataon lang
na epekto ng alak ay iisa
ngunit di maiiwasang itanong
baka alak may iisang pormula

Miyerkules, Abril 14, 2010

Apdo ng Kobra sa Gin Bulag

APDO NG KOBRA SA GIN BULAG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

minsan ko nang natikman ang gin bulag
na merong babad na apdo ng kobra
nalango kami, akala mo'y bangag
bagsak sa inuman ng kapwa masa

nahuling kobra'y napagkaisahan
na gawing pulutan ng mga lasing
kobrang nahuli'y agad binalatan
at ang apdo nito'y binabad sa gin

tila ba nagising ang aking diwa
kahit tulog, naging papungas-pungas
lumakas ang katawang nanghihina
at tumigas ang di dapat tumigas

Bawat Kampanyahan ay Panahon ng Maralita

BAWAT KAMPANYAHAN AY PANAHON NG MARALITA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

bawat kampanyahan ay panahon ng maralita
kaya bawat kandidato'y nangangako sa dukha
paglilingkuran daw ang bayan, kahit hampaslupa
basta't iboto lamang ang mga trapong kuhila

panahon na ng maralita ang bawat kampanya
sa panahong ito'y pinahahalagahan sila
basta't iboto ang mga trapong mapagsamantala
gayong matapos ang eleksyon, limot na ang masa

bawat kampanyahan ay panahon ng maralita
mga pulitikong balasubas, kuntodo sumpa
sila raw ang aahon sa kahirapan ng dukha
basta't iboto lamang ang mga trapong kuhila

panahon na ng maralita ang bawat kampanya
sila'y mga iskwater, aba'y dinadalaw sila
basta't maboto lamang ang mga trapong basura
gayong matapos ang eleksyon, ang dukha'y limot na

itong mga trapong kandidato pag nanalo na
ang tingin mo ba'y matatandaan ka kaya nila
subukan kayang puntahan sila sa opisina
makilala ka pa kaya o ipagtabuyan na

bawat kampanyahan ay panahon ng maralita
ngunit pagkatapos nito ikaw na'y balewala
boto mo kasi'y nakuha na ng mga kuhila
ngayon ikaw ay dukhang kanilang isinusumpa

Lunes, Abril 12, 2010

Sinisikatan pa tayo ng araw

SINISIKATAN PA TAYO NG ARAW
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

namumulubi pa rin itong mga dukha
mababa pa rin ang sahod ng manggagawa
habang nariyan pa rin ang trapong kuhila
at ang burgesyang akala mo'y pinagpala

tila ba dukha'y tinarakan ng balaraw
at sa kahirapan ay di na makagalaw
ang masa nga sa hustisya'y uhaw na uhaw
pati dangal nila'y mistulang nalulusaw

ang luha ng mga ina'y panay ang tulo
pati mga ama'y laging natutuliro
sa problema'y parang binabasag ang bungo
kaya di tayo dapat magsawalang-kibo

makialam tayo pagkat may pakiramdam
hanapin natin ang kalutasang mainam
magtulungan tayong kapara nitong langgam
at baguhin ang lagay na kasuklam-suklam

sa karimlan ng dusa'y di dapat pumanaw
at sa dako roo'y may liwanag na tanglaw
habang sinisikatan pa tayo ng araw
bagong umaga'y tiyak nating matatanaw

Linggo, Abril 11, 2010

May sinag sa gilid ng mga ulap

MAY SINAG SA GILID NG MGA ULAP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

may mga taong sadyangmahihirap
na ginhawa'y di na nila malasap
buhay nila'y nilambungan ng ulap
tila magandang bukas na'y kay-ilap

para bang namatay na ang pag-asa
at tumigil nang mangarap ang masa
lalo't maisip ganuon nasila
mula pagsilang hanggang tumanda na

ngunit kung sila lang ay mangangarap
na magandang bukas ay malalasap
sa diwa nila'y matatantong ganap
may sinag sa gilid ng mga ulap

bawat sinag ay bukal ng pag-asa
pag-asang bukal nang di na magdusa
dusang nagwasak sa ating umaga
umagang dapat ang dala'y pag-asa

Gumising, Dumilat, Bumangon, Kumilos

GUMISING, DUMILAT, BUMANGON, KUMILOS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

habang itong bayan ay naghihikahos
mga kababayan ay nabubusabos
ang dapat gawin ng tulad nating kapos
gumising, dumilat, bumangon, kumilos

di dapat matulog diyan sa pansitan
at sa kasaysaya'y huwag magpaiwan
halina't baguhin natin ang lipunan
maging aktibo ka tungong kalayaan

lipunan ay dapat na pakasuriin
bakit may sa yaman laging nahihirin
at bakit may dukhang ulam lagi'y asin
bakit maralita'y tangay na sa bangin

kaya sa sarili'y iyo nang simulan
una, di ka dapat mag-aalinlangan
makakatulong ka kahit gahanip man
ikalwa'y kumilos kasama ng bayan

Sabado, Abril 10, 2010

Huwag Iwanang Bukas ang Kaban

HUWAG IWANANG BUKAS ANG KABAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

huwag iwanang bukas ang kaban
pagkat magkakasala, banal man
lalo na kung kaban na ng bayan
na pag-aari ng mamamayan

pag kaban ay bukas na naiwan
mga sakim ay magsusunggaban
tiyak sila na'y mag-uunahan
papatay kung kinakailangan

kaya kaban ay huwag iwanang
nakabukas, agad itong sarhan
pagkat magkakasala, banal man
kadugo o maging kaibigan

Biyernes, Abril 9, 2010

Bata, Mag-ingat Ka sa Pagtawid


BATA, MAG-INGAT KA SA PAGTAWID
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

bata, huwag mong gayahin ang mga pasikat
silang tawid ng tawid
..................sa hindi naman dapat
kung may footbridge na tatawiran, ikaw'y umakyat

paano kung madisgrasya kayo't magkasugat
paano kung mamatay na't
..................di lang magkapilat
di ba't sa nangyari'y apektado tayong lahat

apektado tayo pag kapwa nati'y naulat
na nabundol, nabangga
..................katawan ay nagkalat
tiyak iisiping sayang ang mga pasikat

kaya, bata, dapat lang na ikaw ay mag-ingat
ingat sa pagtawid
..................bago mahuli ang lahat
kung ayaw mo ring katawan ay magkalat

Miyerkules, Abril 7, 2010

Kaya namin kayong patumbahin

KAYA NAMIN KAYONG PATUMBAHIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

talagang kaya namin kayong patumbahin
lalo ang tulad nyong kapitalistang sakim
pag nagkaisa kami, kayo'y pupulbusin
sa aming bisig, kayo'y aming dudurugin

kaya kapitalista, tumakbo na kayo
bago nyo sapitin ang ngitngit ng obrero
kayo'y kayang patumbahin kapag ginusto
ng mulat na manggagawang durugin kayo

dapat na kayong lagyan ng bulak sa ilong
upang matapos na ang inyong pagkabuhong
anumang panganib itong aming masuong
kami'y handang isilid kayo sa kabaong

kapitalista, takbo na hangga't may lupa
at pag naabutan kayo ng manggagawa
tiyak luluhod kayo't magmamakaawa
di nyo kaya ang lakas ng mapagpalaya

ang hukbong mapagpalaya pag nagkaisa
ay mapupulbos kayong mapagsamantala
kaya tumakas na kayo, kapitalista
narito na kaming sosyalismo ang dala

Martes, Abril 6, 2010

Matapos man ang anuman

MATAPOS MAN ANG ANUMAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

matapos man ang mahabang pag-idlip
tamang taktika'y ating nililirip
upang manggagawa'y ating masagip
mula sa kuko ng ganid at sipsip

matapos man ang mahabang pahinga
tuloy pa tayo sa pakikibaka
babaguhin ang bulok na sistema
yayanigin ang mapagsamantala

matapos man ang mahabang bakasyon
tuloy pa rin ang pagrerebolusyon
kaharap man ang kayraming paghamon
di iidlip, patuloy sa pagbangon

matapos man ang mahabang aklasan
magkasama'y wala pa ring iwanan
anumang laban ay nagtutulungan
maipagtanggol lang ang karapatan

Lunes, Abril 5, 2010

Ang Makata

ANG MAKATA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

makata
may diwa
tutula
tulala
aakda
sariwa
nalikha
ay tula

Linggo, Abril 4, 2010

Mabuting Pangalan

MABUTING PANGALAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

mas mabuting piliin
.......ang malinis na pangalan
kaysa ginto o pilak
.......o anumang kayamanan
pagkat ang pagkatao'y
.......higit pa sa anumang yaman
ang yaman ay mawawala
.......ngunit hindi ang pangalan

kaya mas mabuti nga
.......ang gumawa ng mabuti
upang ikaw sa mundo
.......ay di naman magsisisi
gawin ang nararapat
.......nang wala nang atubili
at ikaw ay dakila
.......sa mata nitong marami

mabuting pangalan nga'y
.......kayganda nang pamana mo
sa iyong mga anak
.......at susunod sa yapak mo
pag ito'y nadungisan
.......batik na sa pagkatao
kaya ito'y ingatan
.......sa buong buhay mong ito

pangalan ay kakabit
.......nitong ating karangalan
pag ito'y nagkabahid
.......buhay nati'y sinayang lang

Manggagawa'y Saluduhan

MANGGAGAWA'Y SALUDUHAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

manggagawa'y saluduhang
taas-noo kahit saan
silang lumikha ng yaman
dito sa ating lipunan

Sabado, Abril 3, 2010

Pagkamalikhain Gamit ang Ketsi

PAGKAMALIKHAIN GAMIT ANG KETSI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

pagkabukas ng sopdrinks, ang ketsi'y kukunin
ilalagay sa bag at aking iipunan
upang may magamit pag Pasko na'y darating
ketsi'y dapat tumuwid kaya pupukpukin
at saka ihihilera sa riles ng tren
lahat ng ketsi'y pasasagasaan namin
maya-maya, gitna ng ketsi'y bubutasin
lalagyan ng alambre't aming kakalugin
maingay na, meron na kaming pangaroling
ketsing pinagsama, akala mo'y tamburin

isa sa laruan ng aming kabataan
yaong ketsing tinatawag din nilang tansan
mag-ingat lamang at baka ka mahiwaan
matalas na gilid, nakasusugat naman
mga ketsing ito'y sadyang may pakinabang
gamit ang pinagsamang ketsi'y aawitan
ng kantang Pamasko yaong kapitbahayan
nabibigyan din pag awit mo'y nagustuhan
bentesingko sentimos o piso'y ayos lang
habang nagbigay ay pinasasalamatan

minsan, kailangan ding maging malikhain
basta ba't marangal ay didiskarte man din
tulad ng ketsing pinasagasaan sa tren
nang sa karoling ay may gamiting tamborin

ika nga nila, kung gusto mo'y may paraan
ngunit kung ayaw mo ay kayraming dahilan
ketsi'y bahagi ng araling panlipunan
di sa paaralan, kundi ng karanasan

Biyernes, Abril 2, 2010

Ako'y Makata ng Paggawa

AKO'Y MAKATA NG PAGGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

ako'y isang makata ng paggawa
nakikibaka kahit walang-wala
pinaglalaban proletaryong diwa
para sa paglaya ng masa't bansa

ako ang makata ng karpintero
gumagawa ng gusali't bahay nyo
laging hawak yaong pako't martilyo
upang may masilungan naman kayo

ako ang makata ng magsasaka
naglilinang ng bukid sa tuwina
alaga ang kalabaw pati baka
nagtatanim ng palay, at iba pa

makata ako ng mga obrero
makata laban sa kapitalismo
makatang ang adhika'y sosyalismo
para sa mundo at lahat ng tao

makata ako ng kababaihan
makata rin ako ng kabataan
at mga pinagsasamantalahan
ako nga'y makata ng sambayanan

ako ang makata ng rebolusyon
na pagbabago ng sistema'y layon
pribadong pag-aari ng produksyon
ay dapat wasaking tuluyan ngayon