Huwebes, Abril 22, 2010

Caesar, Brutus, Marco Antonio at Propaganda

CAESAR, BRUTUS, MARCO ANTONIO AT PROPAGANDA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

napakahalaga ng propaganda
mula pa kalakaran noong una
gaya ng nangyari noon sa Roma
nang paslangin ang isang lider nila

si Julius Caesar noon ay may plano
na tumakbo sa kanilang Senado
ngunit merong nainggit yata dito
kaya't plinano nang patayin ito

kaibigang matalik na si Brutus
ang nagmamahal sa kanya ng lubos
ngunit mas mahal nito'y bayang kapos
at ito'y nagplano laban kay Julius

takot silang si Caesar ang mamuno
dahil baka tao'y ipagkanulo
magpapayaman si Caesar sa luho
at itong bayan ang matutuliro

higit pa kay Caesar ang pagmamahal
ni Brutus sa Romang nasa kapital
at kung si Caesar ang nasa pedestal
ang bayan ay parang nagpatiwakal

kaya si Brutus kay Caesar tinarak
sa puso yaong matalas na tabak
sa nangyari ang bayan ay nasindak
ang galit nila sa puso'y sumulak

ngunit poot nila'y nahimasmasan
nang si Brutus ay agad nangatwiran
na dapat lamang si Caesar mapaslang
pagkat ambisyoso't kawawa'y bayan

kaya kay Caesar ang bayan nagalit
mabuti't napaslang raw siyang pilit
kaysa ang Roma'y kanya raw magamit
sa pansarili nitong pagkaganid

pinaslang si Caesar para sa Roma
upang mapangalagaan daw sila
kaya si Brutus, bayaning nanguna
tagapagtanggol ng Roma't ng masa

ngunit lahat ito'y nabalewala
nang si Marco Antonio'y nagsalita
at binaligtad ang mga winika
ni Brutus habang siya'y lumuluha

at sa kanyang bibig ay namutawi
yaong makahulugang talumpati
kay Caesar panay ang kanyang papuri
habang si Brutus ang dinuduhagi

kaya ang bayan ay muling nagalit
kay Brutus ay agad silang lumapit
ipinakita ang kanilang ngitngit
ngunit sina Brutus ay nakapuslit

sa kasaysayang ito'y makikita
kung paano ang pagpopropaganda
talas ng katwiran ng bawat isa
lalo't labanang kaharap ang masa

kaytindi ng aral ng kwentong ito
na sa tunggalian ay mananalo
kung nasa katwiran at nasa tyempo
propaganda'y matatanggap ng tao

Walang komento: