Linggo, Mayo 31, 2009

Ako si Bato, apo ni Batute

AKO SI BATO, APO NI BATUTE
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

ako si Bato, apo ni Batute
sa kamatis daw ako pinaglihi
ng inang mabait, kapuri-puri
mga saknong ay hindi bali-bali
mga taludtod ay hindi tiwali
adhika'y mula sa mabuting sanhi
aktibistang hindi magpapagapi
at sa labi'y laging namumutawi
sukat at tugma ang gamiting lagi
ako si Batong makata ng lahi

Sabado, Mayo 30, 2009

Kung Ako ang Pag-ibig

KUNG AKO ANG PAG-IBIG
ni Matang Apoy
(tugon sa tula ng pag-ibig ng isang babaeng taga-multiply)

Kung ako ang pag-ibig
lalapit ako't yayakapin kita

Kung ako ang pag-ibig
lalapitan kita at hahagkan

Kung ako ang pag-ibig
matamis kong halik ay iyong makakamtan

Kung ako ang pag-ibig
lalapitan kita't pagsasaluhan ang pagmamahal

Kung ako ang pag-ibig
buhay ko'y iaalay para sa iyo
sasamahan kita hanggang kamatayan

Kung ako ang pag-ibig,
pakakasalan kita ngayong hunyo
pagkat tulad mo'y naiinggit na rin ako

Ngunit sayang, di ako ang pag-ibig
pagkat ako ang pag-aaklas

Biyernes, Mayo 29, 2009

Sa Babaeng Hinugot sa Tadyang

SA BABAENG HINUGOT SA TADYANG
ni Matang Apoy
(tugon sa kaygandang tula ng isang babaeng taga-multiply)

o, tagos sa kaluluwa ko't diwa
ang mensahe ng maganda mong tula

tila nabuhay ang pag-iibigan
ng mga Eba at kanilang Adan

yaong pag-ibig nga ba'y lumilipas
marahil kung isa ay marahas

kung iiral ay pag-ibig na wagas
ang pagsinta'y tatagal hanggang wakas

di mapapagod magmahal ang puso
kung sumisinta'y di naman tuliro

ang bawat pag-ibig ay kaaliwan
kaya hindi dapat magkasakitan

pagkat pagsinta'y bahagi ng buhay
di sana mapawi hanggang mamatay

Miyerkules, Mayo 27, 2009

Laman

LAMAN
ni Matang Apoy
8 pantig

di ko pa napag-alaman
kung ano nga ba ang laman
ng pasalubong na laan
ng isa kong kaibigan

at di ko pa rin malaman
kung meron nga bang palaman
ang inihaing pandesal
kaya dapat munang tikman

sabi ng pari'y masama
ang pagtitinda ng laman
dahil daw pag nahuli ka
ang bagsak mo'y sa kulungan

at di ko ngayon malaman
kung itong aking kalamnan
ay matibay pa't malaman
pagkatikim ko ng laman

nais ko ngayong malaman
talaga nga bang malaman
itong bawat nilalaman
na aking mga tinuran

Sagisag ng Sigasig

SAGISAG NG SIGASIG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig

Sinasagisag ba'y ano ng sigasig
Kundi ang sa noo'y tagaktak ng pawis
At katipunuan ng kanilang bisig
Na inaalipin ng nagmamalabis.

Malagkit man yaong tagaktak sa noo
Nanggigitata man bisig ng obrero
O, sa kanila nga, tayo’y sumaludo
Pagkat likha nila ang yaman sa mundo

Binubuhay nila'y di lang ang pamilya
Kundi pati na ang buong ekonomya
Tila ba ito na’y kanilang tadhana
Sa tungkuling ito sila natalaga

Ang sinasagisag nila ay sigasig
Tiyaga at lakas ng kanilang bisig
Sa kanila dapat ngang tayo'y makinig
Pagkat gawa nila'y para sa daigdig

Basag ang Busog na Bisig

BASAG ANG BUSOG NA BISIG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig

busog ang bisig na basag
pagkat may ilang nag-ambag
pati na bingi at bulag
kaya ako'y napapitlag

basag ang busog na bisig
bigla akong naligalig
nang ito'y aking marinig
agad nga akong nanlamig

bisig na basag, di busog
pagkat nagkalasog-lasog
dahil sa gutom,o irog
lalo't ngayon ay mahamog

Martes, Mayo 26, 2009

Pambobola raw

PAMBOBOLA RAW
ni Matang Apoy
(tugon sa isang babaeng taga-multiply sa pag-aakalang ang lalaki'y lagi na lang nambobola)

sadya bang lalaki'y nambobola lamang
sa dalagang sa puso niya'y matimbang
pambobola ba ang bawat aming hakbang
gayong hindi naman kami nanlalamang

tanging iniaalay nami'y isang pag-ibig
na marahil sa puso niya'y nakaliligalig
pagkat naiisip agad na ang bawat marinig
ay sadyang pambobola na sa aming panig

hindi pambobola ang aming pagdiga
kundi pagmamahal ang aming adhika
madalas nga'y lalaki pa'y nagdurusa
lalo't hindi sinagot ng sinisinta

sa lalaki'y isang dangal sa pagkatao
pag ang sinta niya'y nagmahal ng totoo

Lunes, Mayo 25, 2009

Pieta

PIETA
ni Matang Apoy
(alay sa iginuhit ng isang babaeng painter na taga-multiply)

narito ang iyong anak, o, mahal na ina
na iyong pinakamamahal sa tuwi-tuwina
para sa iyo, ang anak mo'y sakdal ganda
para sa amin, tila kapatid namin siya

turan mo, ina, kung meron mang balakid
at huwag po itong sa amin ay ililingid
ingatan mo po ang tinuring naming kapatid
upang lumaki siyang lagi siyang matuwid

Ang Babae sa Batis

ANG BABAE SA BATIS
ni Matang Apoy
(alay sa iginuhit ng isang babaeng painter na taga-multiply)

ang babae sa batis ay parang kaylungkot
nangungusap na mata'y bakit tila bantulot
sa dibdib ba'y may namumuong takot
o kasiyahan ang sa puso niya'y nababalot

kayganda niyang tila ba nakatitig
sa kawalan kahit siya'y nilalamig
dapat takot niya'y kanyang malupig
at sa puso't isip niya, siya'y makinig

Ang Dalaga sa Bukid

ANG DALAGA SA BUKID
ni Matang Apoy
(alay sa iginuhit ng isang babaeng painter na taga-multiply)

kaysarap naman ng kanyang pagkakasalampak
doon sa kabukirang madamo't mabulaklak
siya ba'y dalagang may pusong busilak
kaya ang kalikasan ay galak na galak

Mata sa Dingding

MATA SA DINGDING
ni Matang Apoy
(alay sa iginuhit ng isang babaeng painter na taga-multiply)

takot ba ang sa mata niya'y namumuo
kaya sa likod ng dingding ay nagtatago
bakit kaya siya'y tila tulirong tuliro
at ang luha sa mata'y tila matutuyo

isang palaisipan ang kanyang pagsilip
sa butas na yaong may dusang halukipkip
yaon kayang dibdib niya'y di naninikip
pagkat may pagkabahala sa kanyang isip?

Isang Rosas na Puti

ISANG ROSAS NA PUTI
ni Matang Apoy
(alay sa iginuhit ng isang babaeng painter na taga-multiply)

tila kayganda niyang rosas na puti
tila kaysarap hagkan ng mga labi
na pulos pag-ibig ang namumutawi
na alay sa dalagang sadyang minimithi

ang hahandugan nito'y sadyang mahal
ng isang binatang ang pagsinta ay taal
na minsan sa pag-ibig ay nagpapakahangal
upang ilagay ang dalaga doon sa pedestal

Miyerkules, Mayo 20, 2009

Ang Buwitre at ang Langgam

ANG BUWITRE AT ANG LANGGAM
ni Greg Bituin Jr.

Nais ng buwitre'y pawang tubo
At wala siyang pakialam sa ibang nilalang
Pinagsasamantalahan kahit patay
Nilalamon na nito kahit mga buhay.

Nais ng langgam ay para sa lahat
Kumakayod di para sa sarili lang nila
Kundi para pakainin ang buong bayan
Manggagawa silang sadyang kaysisipag.

Ngunit pag namatay ang langgam
Walang buwitreng dumadamay
Dahil wala naman itong pakialam
Sa langgam mabuhay man ito o mamatay.

Dahil pawang tubo lang at ang sarili
Ang laging iniisip ng mga buwitre.

Pag namatay ang buwitre'y agad nilalanggam
Dahil hinahakot ng mga ito ang mga kinurakot
At mga naiwang tubo't kapital ng buwitre
Upang ipamahagi sa masa ng sambayanan.

Iniisip ng mga langgam ang kinabukasan
Tulad ng manggagawang para sa bayan.

Ikaskas Mo Sa Pader

IKASKAS MO SA PADER
ni Matang Apoy

mahirap pag kating-kati ka na
di mo ito makamot sa harap ng madla
habang siyang-siya kay Ara Mina

nais mong mairaos ang tiwaling nararamdaman
sa pagbabati'y ibang-iba ang pakiramdam
galit ang sandata mong tila sinisilaban

nais na itong tanganan ni Mariang Palad
at himasin ng naglilipak niyang kamay
ang katiwaliang iyong nararamdaman

ngunit ikaw naman ay nasa labas lang
walang mapasukang mapapagbatihan
sa pantalon ay sasabog na ang hinihimas

ah, sa kati mo'y may solusyon naman, kaibigan
ikaskas mo sa pader ang nararamdaman
at tiyak unti-unting itong matatanggal

oo, ikaskas mo sa pader ng Malacañang
at doon mo ito pasabugin ng tuluyan
baka sakaling maglaho ang katiwalian

Linggo, Mayo 10, 2009

Tugon sa isang kamakata

Tugon sa isang kamakata
(tugon sa tula sa multiply account ni breathingindarkness na pinamagatang "Walang Imposible sa Pag-ibig")

mga tula mo'y abang namin pagkat di nakakainip
magaganda mong saknong, diwa namin ay hagip

mga hinabi mong taludtod sumasagi sa panaginip
dumighay ka sumandali habang ikaw'y nag-iisip

nagmamaktol mong hininga sana'y hindi sumikip
upang makalikha ka pa ng tulang aming malilirip

Soneto sa magandang dilag


SONETO SA MAGANDANG DILAG
ni Greg Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

Ako'y halina sa iyong alindog
Ngiting kaytamis, at kaygandang hubog
Sa puso ko'y ikaw'y binabantayog
Sa panaginip laging pinupupog.

Narito't tanggapin ang aking handog
Isang tulang walang kalibog-libog
Kundi taludtod na panay pag-irog
Ikaw nga ang pangarap kong kaytayog.

Makatang aba akong umiirog
Habang ikaw'y kagandang bantog
Sa ngiti mo pa lang, ako na'y busog
Pati sa tinig mong umiindayog.

Huwag mo sanang puso ko'y madurog
Pagkat titigil ang aking pag-inog.

Biyernes, Mayo 8, 2009

Ang Loro sa Husgado

ANG LORO SA HUSGADO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig

isang mamamayan ang agad inaresto
agad na pinosasan at kinalaboso
dahil sinabi ng kanyang alagang loro
sa maraming tao'y, "Ibagsak ang gobyerno!"

ang tanging nagawa na lang ng inaresto
inihabilin sa isang pastor ang loro
ang pastor naman ay inalagaan ito
pati yata dasal ay itinuro dito

at upang patunayan doon sa husgado
ang malaking kasalanan ng akusado
pinagsalita ng tagausig ang loro:
"Sabihin mo ngayon: Ibagsak ang gobyerno!"

nabigla ang tagausig sa sagot nito
sabi ng loro, "Sundin ang kalooban mo!"

Oda sa emanilapoetry

ODA SA EMANILAPOETRY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
16 pantig

sa emanilapoetry ako'y nagpapasalamat
at nalalathala dito mga tula kong nasulat
marami pang nakilalang mga manunulang mulat
mga makatang mahusay sa pagkomento't pagsipat
sa mga tulang kinatha ng mga kamanunulat

pag minsan nga sa pagkatha ako'y hindi mapakali
dahil sa di magagandang balita at pangyayari
ang napagbabalingan ko'y ang emanilapoetry
pagkat nababasa rito'y mga kathang mabubuti
sa panahon ng ligalig ito nga'y isang kakampi

nakagagaan ng loob ang mga tulang narito
sa mga kapwa makata sadyang tayo'y matututo
kaygaganda pa ng payo, pati na mga komento
kaya kung ikaw'y tuliro, dito'y magbasa lang tayo
tiyak na may mapupulot na magandang aral dito

(Ang emanilapoetry ay isang grupo ng mga makata sa internet)

Lunes, Mayo 4, 2009

Pagpupugay sa Limang Drowing ni Nicole

PAGPUPUGAY SA LIMANG DROWING NI NICOLE
ni Greg Bituin Jr.
(ginawan ko ng tula ang limang drowing na ibinahagi ng isang taga-multiply, si Nicole, sa grupong BobOngPinoy, at nasa: http://mgabobongpinoy.multiply.com/photos/album/35/drowing)

sadyang kaygaganda ng iyong mga drowing
sa pagpinta mo ba nito ikaw'y naglalambing
mga larawang ito'y madadala ko sa paghimbing
at tiyak na babangon akong kay ganda ng gising

ang mga drowing mo'y hindi nakakasawa
sa pagkakatitig dito'y talagang ako'y natulala
ang nasa larawan ba'y natutuwa o lumuluha
o siya'y babaeng sadyang kahanga-hanga

nawa'y magpatuloy ka sa pagdodrowing mo
isa kang inspirasyon sa mga makatang tulad ko
magandang gawan ng tula ang bawat isa nito
marahil ay marami ritong nakatagong kwento

mabuhay ka, Nicole, sa maganda mong pagguhit
ang tanong ko na lamang: kailan ba ito mauulit?

Isang panaginip, ni Edgar Allan Poe

Isang Panaginip
ni Edgar Allan Poe
salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig

Sa mga pangitain ng gabing malamlam
Napanaginipan ko ang nawalang saya
Ngunit ang pagsilang ng buhay at liwanag
Ang nag-iwan sa akin ng pusong may dusa.

Ah, ano bang sa umaga'y di panaginip
Sa kanyang ang iwing mga mata'y mapanglaw
Sa bagay sa palibot niya'y may silahis
At tumalikod na roon sa nakaraan.

Ang panagimpang yaon, panagimpang yaon
Habang pawang lahat sa mundo'y nanunumbat
At ipagsigawang ako'y isang sintang sinag
Na isang kaylungkot na diwang gumagabay.

Bagamat ang liwanag sa unos at gabi
Na nangangatal naman mula sa malayo
Anong mayroon kaysa totoong liwanag
Ng katotohanang tala nitong umaga.

Huwag tumayo sa libingan ko at lumuha - ni Mary Elizabeth Frye

Huwag tumayo sa libingan ko at lumuha
ni Mary Elizabeth Frye (1932)
tinagalog ni Gregorio V. Bituin Jr.

Huwag tumayo sa libingan ko at lumuha.
Wala ako roon. Hindi ako natutulog.
Ako'y isanglibong hanging humihip.
Ako ang ningning ng dyamante sa niyebe.
Ako ang liwanag ng araw sa hinog na butil.
Ako ang maginoong ulan ng taglagas.
Kung magising ka sa mapayapang umaga
Ako ang mabilis na nagmamadali sa pagpailanlang
Ng mga payapang ibong paikot na lumilipad.
Ako ang malalambot na mga talang sa gabi'y kumikinang.
Huwag tumayo sa libingan ko at umiyak;
Wala ako roon. Hindi ako namatay.


Do Not Stand At My Grave And Weep
by Mary Elizabeth Frye (1932)

Do not stand at my grave and weep
I am not there. I do not sleep.
I am a thousand winds that blow.
I am the diamond glints on snow.
I am the sunlight on ripened grain.
I am the gentle autumn rain.
When you awaken in the morning's hush
I am the swift uplifting rush
Of quiet birds in circled flight.
I am the soft stars that shine at night.
Do not stand at my grave and cry;
I am not there. I did not die.

Sabado, Mayo 2, 2009

Manggagawa

MANGGAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kung saan-saan ninyo kami nakikita
sa mga lansangan, bukid, talyer, pabrika
naroroon kaming kakaunti ang kita
munting sahod, alipin ng kapitalista

kami ang tinatawag ninyong manggagawa
na iba't ibang produkto ang nililikha
ngunit alipin kaming mga gumagawa
lakas-paggawa'y di binabayarang tama

sa anyo ko'y madali akong makilala
ngunit hindi ang aking mga pagdurusa
pagsisikap ko'y madali nyong makikita
ngunit hindi ang luhang pumatak sa mata

masdan mo't ang mga kamay ko'y pulos lipak
sinemento ko ang maraming daang lubak
pinanday ko'y mga kanyon, araro't tabak
ngunit ako itong gumagapang sa lusak

ako ang nag-aayos ng tagas sa gripo
ako ang tagalilok ng mga rebulto
ako ang sa bukid ninyo'y nag-aararo
ako ang nagtatahi niyang baro ninyo

aking ginawa ang gusali ng Kongreso
Malakanyang, Hudikatura at Senado
pinalilipad ko ang mga eroplano
pandagat din dahil isa akong marino

ako'y gawa ng gawa maghapon, magdamag
sa pagsisipag, katawan ko'y pulos libag
lakas-paggawa ko'y talaga namang laspag
madalas pa, karapatan ko'y nilalabag

ako'y hamak na alipin ng aking amo
ako'y alipin din ng mga asendero
alipin din ng kapitalistang barbaro
kailan ba lalaya sa sistemang ito

barya lang ang sahod, di sapat sa pamilya
habang panay ang tubo ng kapitalista
laging usap nila'y paano yayaman pa
kaya manggagawa'y tinulad sa makina

dahil sa kapitalistang pribilehiyo
na bawat gamit sa produksyon ay pribado
kaming manggagawa'y inalipin ng todo
kayod kalabaw para sa kaybabang sweldo

pribadong pag-aari ang nagtanikala
sa pagkatao't buhay naming manggagawa
dapat nang wasakin ang kalagayang sumpa
sa sistemang bulok dapat kaming lumaya

manggagawa, magkaisa, huwag palupig
sa sistemang tanging tubo ang iniibig
ang kapitalismo'y dapat nating madaig
sosyalismo'y itayo sa buong daigdig

Mayo 1, 2009
Sampaloc, Maynila