OKTUBRE 9, 1967
(sa kamatayan ni Comandante Che Guevara)
ni Greg Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
matapos ang inyong matinding sagupaan
ay nagapi na kayo ng inyong kalaban
nahuli ka na ng grupo ni Mario Teran
na isang sundalo nitong Hukbong Bolivian
at dinala ka sa tiyak na kamatayan
tinapos ka ni Teran kahit walang laban
para nga silang nakakuha ng tropeo
nang mapugto ng kaaway ang hininga mo
ngunit kaming narito sa iyo'y saludo
ang buhay at bukas mo'y isinakripisyo
upang maipalaganap ang sosyalismo
upang lipunang ito'y mabago't mawasto
nang ang rebolusyong Cubano'y magtagumpay
bagong pag-asa sa mundo'y inyong binigay
ang prinsipyong sosyalista nga'y sadyang lantay
pagkat hindi sakim, kundi buhay ang alay
ang halimbawa't nyo'y dapat tularang tunay
kahit sa huling laban, tinanghal kang bangkay
tatlumpung taon naman pagkaraan nito
saka hinukay sa Bolivia ang bangkay mo
dinala sa Cuba't pinarangalan ito
ikaw'y bayani ng rebolusyong Cubano
di namin malilimutan ang pamana mo
upang maipagtagumpay ang sosyalismo
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento