Lunes, Oktubre 6, 2008
Luningning Cortez, ang Mutya ng Pabrika
LUNINGNING CORTEZ, ANG MUTYA NG PABRIKA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod
parang Miss Universe siya sa aming pabrika
hinahangaan ng sinumang makakakita
akala ko noon, hanggang pangarap lang siya
at di ko makakausap ang mutyang diyosa
kaarawan ko noon nang ako'y magsalita
sa harap ng empleyado't kapwa manggagawa
pinaganda ko ang aking talumpati't katha
na tinamaan ang sa kantina'y nangasiwa
na sa gabi'y may peligro doon sa kantina
nagkasakit ang ilang katrabaho't kasama
mula noon, si Luningning ay nagpagawa na
sa akin ng sulating assignment sa eskwela
sino akong tatanggi sa mutyang kagandahan
kinausap akong talagang kinilig naman
nagpabola ako't ginawa ko rin ang ilan
masaya na rin ako kahit ganoon lamang
nag-aaral pala siya't nagkokolehiyo
isang pangarap na totoo't kanyang ginusto
pinagsikapan niyang tunay, at saksi ako
na nakatulong kahit munti sa kanyang kurso
hanggang pangarap ko lang naman siya inangkin
pagkat ang mutyang iyo'y sobrang ganda sa akin
di kami bagay, mas matangkad siya't mahinhin
gayunman, ang puso ko'y kanyang pinaglambitin
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento