Linggo, Disyembre 12, 2021

Kwentong agham

Dalawang aklat ng science fiction

Nabili ko ang librong The Caves of Steal ni Isaac Asimov sa BookEnds sa Baguio City noong Nobyembre 12, 2021, na may 270 pages, P120.00. Nabili ko naman ang HAKA: European Speculative Fiction in Filipino sa Solidaridad Bookshop nitong Disyembre 11, 2021, sa halagang P250.00, 322 pages. Aba'y nasa sariling wikà ang HAKA, 16 na science fiction mula sa 16 na bansa sa Europa, na isinalin sa wikang Filipino. Hanep talaga!

Inspirasyon ang mga science fiction books na ito upang ganahan ako muling magbasa at magsulat ng maikling kwento, lalo sa panahong nananamlay ang aking panulat.

MGA KWENTONG AGHAM

aba'y anong sarap kong ninamnam
yaong samutsaring kwentong agham
di man dalumat ang inaasam
ngunit pagbabasa'y anong inam

mula sa diwa ko't niloloob
ay kung anu-anong nakasukob
kaya sa pagbabasa'y sumubsob
sa akda ni Isaac Asimov

isa pang kahanga-hangang libro'y
samutsaring akdang Europeano
labing-anim na maikling kwento'y
sinalin sa wikang Filipino

maikling kwentong ibig akdain
tulad ng tirintas ng bituin
tulad ng ibon sa papawirin
puso't diwa'y maging malikhain

- gregoriovbituinjr.
12.12.2021

Walang komento: