di tumitigil sa pagkatha ang makatang tibak
sa gitna man ng init, pawis ay tumatagaktak
sa gitna man ng lamig at nangangatal sa lambak
sa gitna man ng payapang sementeryong pinitak
patuloy ang pagkatha kahit mabulid sa dilim
itutula pati ulat na karima-rimarim
aakdain pati laman ng pusong naninimdim
kakatha't kukutyain ang gumagawa ng lagim
kanyang ibubulgar ang mga mapagsamantala
at patuloy na itutula ang hibik ng masa
imbis kiskisin ang kalawang upang mapaganda
ang gintong tanikala'y dapat itong lagutin na
hindi nahihimbing ang makata sa toreng garing
naroon siyang kasama ng dukhang dumadaing
sasamahan ang mga manggagawang magigiting
upang bulok na sistema'y tuluyan nang malibing
- gregoriovbituinjr.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento