di mo raw kasalanan pag dukha ka nang isilang
pag namatay kang dukha, kasalanan mo raw iyan
paano akong nabubuhay nang di nagpayaman
di nag-angkin ng anumang pag-aari saanman
dahil aking sinusunod ang simpleng pamumuhay
mula nang magpakilusan, ito na'y aking gabay
kakampi ng masa, maralita ang kaagapay
at kumikilos tungo sa lipunang pantay-pantay
ang mag-angkin ng pribadong pag-aari'y di ako
pagkat iba ang aking paniniwala't prinsipyo
nais kong walang mayaman o mahirap sa mundo
lahat ay nakikipagkapwa't nagpapakatao
ugat ng kahirapan ay pribadong pag-aari
na siyang dahilan bakit may iba't ibang uri
instrumento ng mapagsamantala't naghahari
upang durugin ang uring kanilang katunggali
simpleng pamumuhay man ang prinsipyo kong dakila
ay di naman nagsamantala't walang kinawawa
mayaman sa karanasan, mamamatay na dukha
kaysa namatay ngang mayaman ngunit sinusumpa.
- gregbituinjr.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento