Miyerkules, Hulyo 22, 2020

Anong batayan ng isang metro sa social distancing?

bakit sa social distancing, ang layo'y isang metro?
ito'y narinig ko lang sa balita't mga tao
bakit di dalawa, tatlo, apat, lima, o pito?
anong matematikang batayan ng metrong ito?
upang virus ay masugpo o di mahawa nito?

pag bumahin ka ba'y di na aabot sa kaharap?
lalo't tinakpan agad ang ilong sa isang iglap
mahirap bumahin nang may facemask, baka malasap
mo'y sakit, lalo't sariling virus na ang nalanghap
kaya isang metrong agwat ba'y isa nang paglingap?

sa dyip ngayon, may plastik na harang sa katabi mo
saan man magpunta, dapat ba't laging isang metro?
magtungo ka man sa grocery, mall, botika, bangko?
maglakad sa bangketa, lumayo sa kasunod mo?
nasa palengke man o kumain sa turo-turo?

yaon bang nagka-COVID at namatay ba'y lumabag?
sa batayang isang metro, o sinabi ko'y hungkag?
libu-libo'y namatay, agwat ba'y may paliwanag?
hinahanap ko ang sagot upang di nangangarag
bakasakaling mahanap, ito'y malaking ambag

pagbabakasakali ba ang isang metrong agwat?
sa geometriya o pisika ba'y masusukat?
sana batayan nito'y may syentipikong dalumat
paliwanag sana'y makita't huwag malilingat
upang di naman tayo nagkakahawaang lahat

- gregbituinjr.
07.22.2020

Walang komento: