Sabado, Mayo 2, 2020

Coronavirus ang kalaban, di ang mamamayan

tinitigan ko ang bituin sa langit kagabi
habang nasa isip ang sangkatutak na nangyari
bakit dalawang kasama ang agad na hinuli
at papasukin ng pulis ang sa bahay nagrali

Araw ng Paggawa, at may social distancing pa rin
hinuli rin ang mga boluntaryong nagpakain
ang magpahayag at magpakatao na ba'y krimen?
di makaunawa ang nanghuling may pamilya rin

pag may pagkilos, nagpahayag, huhulihin agad
ng may mga katungkulang ang utak ay baligtad
sinusunod lang ba nila ang pangulong may sayad?
kabugukan ng sistema'y tuluyan nang nalantad

nagtatanong pa rin bakit bansa'y nagkaganito
COVID-19 ang kalaban, di ang karapatan mo
dahil ba hazing ang disiplina ng mga ito?
hazing ang natutunan, di karapatang pantao

coronavirus ang kalaban, di ang mamamayan
solusyunan ang gutom, di lalabas ng tahanan
ang karapatang magpahayag ay huwag pigilan
di krimen ang tumulong at magpahayag sa bayan

- gregbituinjr.

Walang komento: