tagtuyot na ba sa hustisya ang ating lipunan
kaya di umaambon ng hustisyang panlipunan
hahayaang bang humalakhak ang may kasalanan?
at tatawa-tawa lang sa kanilang kalayaan
ang konsepto ba ng hustisya'y ating naaarok?
tingin ba natin sa krimen nila'y pawang pagsubok"
sa tagtuyot na katarungan ba'y may malalagok?
katarungan ba'y saang balon natin masasalok?
maraming biktima ng walang proseso, pinaslang
di man lang nilitis kung ang mga bituka'y halang
di man lang pinatunayan kung may mga paratang
sinong mga salarin, sinong mga salanggapang
kung may mapag-iigibang balon o posonegro
tiyak maraming biktima ang nakapila rito
tiyak maraming salarin ang makakalaboso
ngunit nahan ang balon ng hustisya sa bayan ko
- gregbituinjr.
* Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, ang opisyal na pahayagan ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 1-15, 2019, p. 20
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento