Biyernes, Oktubre 18, 2019

Halina't tumula't umawit para sa karapatang pantao

manggagawang pangkultura, tayo'y mag-usap-usap
upang gisingin ang pamahalaang mapagpanggap
dahil korporasyon ang lagi nilang sinisinghap
kinakaligtaan ang mamamayang naghihirap

halina't ating isulat ang buhay ng dalita
lalo't biktima ng tokhang at inang lumuluha
bakit karapatang pantao'y binabalewala
bakit walang proseso't binaril ang walang sala

ginawang panonokhang ay sadyang nakagagalit
dahil wala pang sala'y binaril ng malulupit
halina't kwento nila'y ating isulat, iawit
at ipalaganap sa madlang takot pa at gipit

masa'y gisingin mula sa takot at pagkahimbing
kultura ng dahas ay tapusin, gamitin ang sining
itula't awitin ang danas sa kamay ng praning
na pamahalaang wala nang puso ni katiting

- gregbituinjr.
* kinatha sa palihan hinggil sa karapatang pantao, Oktubre 18, 2019 

Walang komento: