Biyernes, Setyembre 13, 2019

O, kayrami nang namatay laban sa pagmimina

O, kayrami nang namatay laban sa pagmimina
kamatayan nila'y di dapat hanggang alaala
dapat makamit ng mga biktima ang hustisya
pagmimina'y itigil na, alang-alang sa masa

"Tao Muna, Hindi Mina!" Ito ang panawagan
pagkat patuloy ang pagkawasak ng kalikasan
patuloy ang pagbalahura sa kapaligiran
dapat lang makibaka ang masa ng sambayanan

tuligsain ang mga dambuhalang korporasyon
ng pagmiminang sumisira sa bukas ng nasyon
tiyaking katutubo'y mamumulat at babangon
nang ipagtanggol ang lupang ninuno nila ngayon

sa tubo sa mina, kapitalista'y nanggigigil
na tuwang-tuwang lalaki ang tiyan nila't bilbil
ngunit mapanirang pagmimina'y dapat matigil
at korporasyon ng pagmimina'y dapat masupil

- gregbituinjr.
* nilikha at binigkas ng makata sa rali ng mga estudyante sa harap ng tulay ng Mendiola, kasama ang PUP SPEAK at Alyansa Tigil Mina (ATM), umaga Setyembre 13, 2019

Walang komento: