ANG PANAHON AY TULAD NG ILOG
di ba't ibinilin ng Kartilya ng Katipunan
ang isang makabuluhang aral para sa bayan
"Huwag sayangin ang panahon, pagkat ang nagdaang
panahon ay di na magbabalik", makatuturan
para sa bawat isa sa atin, sa mamamayan
panahon ay tulad ng ilog na iyong tinawid
agos ay di nagbabalik kahit paa'y mapatid
mga nakaraan sa iyo'y di maihahatid
panahon ay dapat mong gamiting wasto, kapatid
iyan ay isang tagubiling dapat mong mabatid
panahon, tulad ng hangin, ay kasamang narito
huwag itong sayangin tulad ng tagas ng gripo
na patuloy ang patak, habang kaybilis ng metro
dapat pasakan ang tagas at gripo'y isarado
panahon ay ginto kaya dapat gamiting wasto
- gregbituinjr.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento