Martes, Hunyo 25, 2019

Panibagong hamon [matapos ang eleksyon]

PANIBAGONG HAMON [MATAPOS ANG ELEKSYON]

apatnapu't limang milyong manggagawa sa bansa
ay paano pagkakaisahin ng manggagawa
bilang uri, bilang nagkakapitbisig na madla
upang maitayo ang lipunang malaya

may "labor vote" ba talaga o boto ng obrero?
baka wala pa nito upang obrero'y manalo?
tulad ng nangyari sa lima nating kandidato
na mga lider-obrerong tumakbo sa senado

kulang na kulang pa tayo sa pag-oorganisa
wala pang dalawampung porsyento pag pinagsama
yaong boto ng ating kandidato, nilang lima
pagpapatunay na wala pang "labor vote", wala pa

nakakawalang sigla ang pagkatalo subalit
ang misyon ng uring manggagawa'y dapat iguhit
mayorya ang bilang ngunit sa botoha'y kayliit
tila sa sistemang ito, lahat na'y pinagkait

humayo tayo't magpatuloy sa pakikibaka
uring manggagawa'y dapat nating maorganisa
dapat maunawa ang panlipunang papel nila
sa lipunan nila'y kamtin, baguhin ang sistema

- gregbituinjr.

Walang komento: