MGA TANAGA PARA SA KALIKASAN AT KALUSUGAN
halina’t ipaglaban
si Inang Kalikasan!
mga tusong gahaman
ay dapat nang wakasan!
di biro ang magtanim
sa lupang anong lalim
kailangang malilim
basta huwag madilim
pandaigdigang araw
para sa kalikasan
ay ating ipagdiwang
o gunitain man lang
pangalagaang tunay
ang bawat saribuhay
dapat tayong magnilay
kumusta na ang buhay
gawing makabuluhan
ang layunin sa bayan
gawing may katuturan
ang misyon sa tahanan
kung mga bunga’y hinog
ay kaysarap mabusog
at sa ating pag-inog
pag-ingatan ang pantog
sadyang nakaaantig
kung puso’y may pag-ibig
tayo’y magkapitbisig
ingatan ang daigdig
- gregbituinjr.
* nalathala sa isyung Hunyo 2019 ng pahayagang Diwang Lunti
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento