Martes, Pebrero 19, 2019

Ating pangalagaan si Inang Kalikasan

ATING PANGALAGAAN SI INANG KALIKASAN

* Sinubukan kong magsulat ng tula sa parang pang-huweteng na papel, at nakabuo ng isang tula. Ito yung tinabas kong long bond paper upang gawing short. Pitong pantig bawat taludtod.

ating pangalagaan
si Inang Kalikasan
kanyang sinapupunan
ang ating pinagmulan

di ba't kaibig-ibig
ang buhay sa daigdig
ano't tayo'y natulig
sa plastik na bumikig

ang basura'y nagkalat
pulos plastik ang dagat
kung saan-saan nagbuhat
lamok na'y nangangagat

sinong dapat sisihin
di ba't tayo na nga rin
ang ugaling waldasin
ay tigilan na natin

halina't magkaisa
ayusin ang basura
huwag nang magtapon pa
sa dagat at kalsada

tipunin din ang plastik
subukang i-ekobrik
sa botelya'y isiksik
ngunit huwag idikdik

tanaw ang hinaharap
di malambong ang ulap
at tayo nang magsikap
buuin ang pangarap

- gregbituinjr./02-19-2019

Walang komento: