Sabado, Setyembre 22, 2018

Sa mga manhid

"This world is dangerous not because of many evil but because of those who do not do anything and just watching while others are suffering." ~ Albert Einstein

SA MGA MANHID

nakatunganga lang, di baleng maraming mamatay
di man lang kumilos at pahalagahan ang bùhay
nakatanghod lang kahit kapwa na'y nakahandusay
ngingisi-ngisi kahit mga dukha'y pinapatay
tuod na animo kalooban nila'y palagay

ang natokhang ay di isang sineng pinanonood
na dapat palakpakan habang iba'y nakatanghod
nakadudurog ang pangil ng buwaya sa tuod
tumatagos din ang kuko ng lawin sa gulugod
sa sariling bayan kayraming sa dugo nalunod

sa kababayang pinapaslang, walang pakiramdam
basta di sila ang ginalaw, walang pakialam
sa karapatang mabuhay ng dukha'y nang-uuyam
tingin pa na tokhang sa dukha'y tama at mainam
ganyang baluktot nilang katwira'y kasuklam-suklam

kayraming inosenteng sa karimlan ibinulid
wala nang paglilitis, ang hininga pa'y pinatid
walang awang pinaslang ng kung sinong di mabatid
katarungan ba'y kilala ng isipang makitid
kung karapatang mabuhay nga'y di dama ng manhid

- gregbituinjr.

Walang komento: