Biyernes, Setyembre 14, 2018

LAHAT (Lupa, Araw, Hangin, Ako, Tubig)

LAHAT
13 pantig bawat taludtod
ni gregbituinjr.

L - Lupa
A - Araw
H - Hangin
A - Ako
T - Tubig


LUPA

mula sa lupa, pagkain ay nalilikha
halaman, palay, likas-yamang pinagpala
ito'y tahanan ng bawat buhay sa lupa
dapat pangalagaan, di dapat masira
sakahin at linangin, ingatan ang lupa


ARAW

araw ang dakilang apoy sa kalooban
nagbibigay-sustansya sa mga halaman
nagbibigay din ng init na katamtaman
araw ang bituin ng buong santinakpan
na atin ding gabay sa pusod ng karimlan


HANGIN

narito sa tabi natin, di nakikita
itong hanging karugtong ng ating hininga
ang nitroheno't oksiheno'y nadarama
dapat lagi itong malinis sa tuwina
nang lahat tayo'y mabuhay ng masagana


AKO

ako ay nilikha dito sa santinakpan
upang kapwa nilalang ay pangalagaan
hayop, halaman, gubat, dagat, kalikasan
itataguyod ang kanilang kapakanan
nang lahat tayo sa biyaya'y makinabang


TUBIG

tubig yaong bumubuhay sa mga isda
pandilig ng bukid, pampataba ng lupa
pantighaw din sa uhaw ng irog na mutya
may tubig sa katawan ng bawat nilikha
tubig ay ingatan at mahalagang sadya


LAHAT

lupa, araw, hangin, ako, tubig, ang LAHAT
sa buong daigdig ay sadyang nakakalat
ito'y narito sa atin ng sapat-sapat
pakamahalin ng may buong pag-iingat
marapat lang na ang bawat isa'y mamulat

Walang komento: